Chapter 6

5.6K 121 11
                                    

NILIBOT NA lamang ni Mariyah ang paningin sa maliit na bahay na iyon. Alam niyang gustong-gusto na rin ni Roger na magbagong-buhay sa labas ng sindikatong kinasadlakan nila dati. Laking pasalamat na lamang niya nagawa rin pala nitong makatakas. Niyaya siya ng dating kasamahan sa loob ng bahay nito at pinaupo sa maliit na sofa. Nag-abala itong magtimpla ng juice para sa kanya.

"Umakyat ka muna sa taas, Bela. Doon ka muna maglaro sa k'warto," ani Roger sa anak. Pagkatapos ay umupo ito sa katapat niyang upuan at iniabot sa kanya ang juice na tinimpla nito. "Pasensya ka na. Maliit lang ang bahay naming."

Tumango-tango siya. "Okay lang." Nahalata niya ang pagkataranta nito sa harap niya.

"B-Buti nakita mo ang bahay namin?"

"Madali lang kung determinado tayong makita ang target natin, 'di ba?" Alam niyang nakuha nito ang pinupunto niya. Sa tagal nila sa sindikato ay alam na nila kung paano humanap ng tatargetin.

"Oo nga," pagsang-ayon nito sa kanya.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," aniya. "Nasaan ang painting?"

Nakita niya ang biglang pagkataranta nito sa sinabi niya. Napalingon din siya sa hagdan kung saan umakyat ang anak nito. "Mariyah, ayoko nang masangkot sa anumang illegal na gawin. Matagal ko nang tinalikuran ang ganyang gawain."

Ramdam niya ang pagmamakaawa nito na huwag na ituloy ang anuman niyang sasabihin. "Alam mo bang nagkita kami ng anak na lalaki ng mga Belgrad! At ako ang sinisisi niya sa pagkawala ng painting!"

Bigla itong napatayo at napaatras sa sinabi niya. Napanganga ito pero walang anong salita na binitawan.

Tumayo siya. "Magsabi ka ng totoo. Sinundan ninyo 'ko nang gabing 'yon?"

Naihilamos ni Roger ang mga palad sa mukha na para ang hirap magsabi ng totoo. "Mariyah, maawa ka. May anak ako't asawa. Hindi ako puwedeng makulong. Pinilit kong mamuhay ng tahimik malayo sa kalsada ng Maynila. Hindi alam ng asawa ko ang dati kong gawain."

Nakikita niya ang mumunting butil ng luha na namumuo sa mga mata nito pero hindi siya puwedeng magpakalambot ngayon. Kapag hindi niya napiga si Roger na magsalita, siya naman ang pagbubuntungan ni Edgar tungkol sa nawawalang painting. Mabilis na hinablot niya ang baril na nakasiksik sa kanyang pantalon at tinutok iyon kay Roger. Nataranta naman ang huli sa ginawa niya at napaluhod sa harapan niya at nagmamakaawa.

"Mariyah," iyak na tawag ni Roger. "Maawa ka."

"Hindi na kita guguluhin once na sinabi mo sa akin ang totoo. Lahat ng nalalaman mo," seryosong sabi niya. "Maaayos lang natin 'to kapag nagsalita ka."

"Mangako kang hindi ako madadamay, ang pamilya ko," naiiyak na sagot ni Roger.

"Pangako."

Tumayo si Roger at napasandal sa pader. "Oo, tama ka. Pinasundan ka ni boss nang gabing iyon. Alam niyang seryoso ka nang magpaalam ka sa kanyang titiwalag ka na sa amin, na gusto mo nang lumaya. Kaya nang umalis ka para pumunta sa Tagaytay, pasikreto ka naming sinundan."

Gusto niyang manggigil sa ginawang panglilinlang sa kanya ng dati nilang boss. Napahigpit ang pagkakahawak niya sab aril na nakatutok pa rin sa dating kasamahan.

"Dahil nagawa mong kunin ang atensyon ng mga security guard ng mansion, doon kami umatake. Palihim naming nakuha ang painting na hindi man lang namamalayan ng mga bantay. Pero maniwala ka, Mariyah, hinanap kita. Lumayo ako saglit sa dati nating mga kasamahan para masiguradong ligtas ka. Nakita ko ang mga yapak sa matataas na damuhan sa likod ng mansion kaya napanatag ako na ligtas ka."

"Nakatakas ako. May isang mabuting loob na nagtiwala sa akin. Hindi na ko bumalik kinabukasan sa hide-out natin," paliwanag niya.

"Mabuti naman kung ganoon," anito.

"Pero nasaan ang painting?"

"Naiwan sa hide-out natin sa Cavite."

Nagtangis ang bagang niya sa sinabi ni Roger. "Bakit? Bakit niyo iniwan?"

"Nagkalintikan na, e. Nahuli kami ng mga tauhan ni Senador De Alegre."

"What?!" bulalas niya. "Pati si Senador De Alegre tinira niyo? Nababaliw na ba kayo? Alam niyong mainit ang sindikato sa kanya."

"'Yun na nga, e!" halos maiyak na ito habang nagsasabi ng totoo sa kanya. "Wala. Nagkainitan. Nagkabarilan. Hanggang sa mamatay ang mga kasamahan natin sa shoot-out."

Napasinghap siya sa isiniwalat nito. "Tapos?"

"Nakatakas ako sa masukal na gubat. Napadpad ako sa Calaca hanggang sa pinili ko na lang mamuhay ng matiwasay. Hindi sinasadyang napadpad ako sa isang karinderya kung saan binalita sa t.v. na napatay sa shoot-out si Greg Del Pilar."

Halos mapaupo siya sa sofa sa sobrang pagkabigla sa lahat ng nalalaman mula kay Roger. Hindi niya lubos maisip na ganoon na pala ang nangyari sa sindikatong tinalikuran niya. Napatay na ang kinikilala niyang 'boss' na bumuhay sa kanya simula nang magpagala-gala siya sa kalsada ng Maynila.

"Kaya kung tatanungin mo sa akin ang tungkol sa painting ay hindi ko talaga alam, Mariyah." Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya sa mga balikat. "Ang alam ko natunton nila ang hide-out natin sa Cavite at nabawi ang mga ninakaw nating mamahaling mga gamit sa iba't ibang mansion. At nasisigurado ko sa'yong nabawi din nila ang painting ng mga Belgrad."

Marahas na tinabig niya ang mga kamay nito sa kanyang balikat. "E, bakit hinahanap pa rin sa'kin ng anak ng mga Belgrad ang painting?!"

Umiling-iling ito. "Hindi ko alam."

"Hindi puwede ito, Roger. Pag-iinitan niya ako kapag hindi ko binalik ang painting!"

Tumayo si Roger. "Basta nasabi ko na sa'yo ang nalalaman ko. Nangako ka, hindi mo na ko gagambalain."

Napahilamos na lang ng sariling palad si Mariyah sa sobrang frustration.

"Kapag nagsalita ka, damay rin ako. Kapag nagsalita ka makukulong tayong dalawa!"

"Hindi!" Napatayo siya sa sobrang inis.

"Nakita ka ng isang Belgrad. Paano mo ipagtatanggol ang sarili mo?"

Umiling-iling siya. "Wala akong ninakaw. Panigurado may nangyari sa painting."

Tumango si Roger. "Pagkatapos naming makuha ang painting, gabi-gabing pinapadalhan ni Greg ang matandang Belgrad ng death threat; na may mangyayaring masama sa pamilya nito kapag nagsalita ito sa media tungkol sa nawawalang painting."

Kunot-noong tiningnan niya ang dating kasamahan.

"Baka lang makatulong."

"Ibang klase talaga ang matandang Greg Del Pilar."

"Sabi mo pa," pangsang-ayon sa kanya ni Roger.

Lumapit siya kay Roger at kinuha ang kamay nito at inilahad doon ang baril na hawak niya. "Binabalik ko na sa'yo 'to. Ayoko nang magkaroon pa kung anumang ugnayan sa dati nating ginagawa. Pareho tayong nagbagong-buhay. Ikaw nang bahala kung anong gagawin mo d'yan. Ibaon mo. Tulad ng pagbaon sa pangit nating nakaraan. Pangako, hinding-hindi kita idadamay. Ako ang tatapos nito. Bahala na kung pag-initan ako ng anak ng mga Belgrad."

Pinisil nito ang kamay niya at niyakap siya. "Salamat, Mariyah. Mag-iingat ka."

Tumango-tango siya at lumabas na ng bahay nito.

-------------------------

Votes and comments are greatly appreciated! I hope you could also find some time to read my other stories! Thanks in advance. Enjoy reading!

Angel With A Shotgun Series:

#1: Julianne, The Beautiful Cop

#2: Elissa, The Untamed Lady

#3: Janelle, The Brave Princess

#4: Mariyah, The Fierce Eye

#5: Margaux, The Lost Smile

BOOK 4: Mariyah, The Fierce Eye [#Wattys2018 Winner]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon