Chapter 28

5K 87 3
                                    

"ROGER."

Pagkatapos niyang magising kanina mula ay gusting-gusto na niyang makita ang dating kasamahan. Nagpumilit namang sumama sa kanya si Edgar kaya wala siyang nagawa nang bumuntot ito sa kanya at magboluntaryong ihatid siya ng Batangas. Kahit papaano ay malaki ang pasasalamat niya sa binata dahil sa ginawa nitong paghalungkat sa nakaraan niya kahit masakit. Tinanggap na niya kung sino at ano talaga siya.

Laking-gulat naman ng lalaking tinawag niya nang lumingon ito sa kanya at mas lalo itong nagulat nang makita kung sino ang kasama niya. Mabilis na pinunasan nito ang kamay na may grasa at pinatuloy sila sa loob ng bahay. Kumuha ito ng maiinom pagkatapso nilang maupo.

"N-Napadalaw ka ulit?" ngarag ang boses ni Roger.

Tinitigan niya itong maigi at nahalata niya ang paminsan-minsan nitong paglayo ng tingin sa kanya. "Saan nakalibing si Greg?"

Nakita niya ang marahas na paglingon nito sa kanya at nakita niya rin ang pagkunot ng noo nito kay Edgar.

"Alam ko na ang totoo," putol niya sa mga tingin nito. "Alam mo ba ang tungkol dito?"

Hindi na siya nagulat nang bigla itong tumayo at napaatras. Bakas nab akas sa mukha nito ang pagkagulat at pagtataka. Naibuka nito ang bibig pero walang anumang salita na lumabas.

"T-Tatay ko si Greg? Alam mo ba ang tungkol d'on?" hindi na rin niya napigilang tumayo at mapalakas ang boses. Hinawakan siya ni Edgar sa kanyang kamay pero hindi siya nagpatinag. "Alam mo ba ang tungkol d'on, Roger?! Nakita kong magkasama kayo sa iisang larawan habang karga-karga niya ko!"

Hirap na hirap na rin ang itsura ni Roger sa mga sinabi niya. Nahahalata niyang gusto nitong magsalita pero naduduwag lang.

"Roger!" sigaw niya rito.

"'Di ba sabi ko huwag mo siyang hayaang malaman ang nakaraan niya!" baling nito kay Edgar.

Napatingin naman siya kay Edgar na nagulat sa sinabi ni Roger.

"Ikaw 'yon?" napatayo si Edgar habang nakatitig kay Roger. "N'ung gabing 'yon, ikaw 'yung nagbanta sa akin?"

Kahit nagtataka ay hindi na niya inintindi ang usapan ng dalawa. "Roger!" tawag niya sa pansin nito. "Totoo ba?!"

Pakiramdam niya ay babagsak na siya anumang oras nang tumango-tango si Roger sa tanong niya. Natutop niya ang bibig nang tuluyan nang lumabas ang katotohanan sa pagkatao niya.

"Nahuli ang nanay mo sa isang operasyon ng mga pulis para paalisin ang mga illegal vendor sa gilid ng kalsada sa Maynila. Kaso nahuli ang nanay mo ng isa sa mga nabiktima niya kaya siya nakulong."

Bigla nyang naibagsak ang sarili sa upuan at pilit pinapatigil ang kanina pa bumabagsak na mga luha niya.

"Buti na lang nahanap ka ni Greg nang mabalitaan niya ang nangyari. Dinala ka niya sa hide-out namin. Noong una inakala mo lang na doon tumutuloy siya tumutuloy kasama ng iba niyang 'katrabaho' hanggang sa lumaki ka at mamulat sa klase ng 'trabaho' na mayroon kami. Ayaw niya talagang sumali ka sa illegal naming ginagawa. Pero lumaki kang hindi mo siya kilala bilang ama. Mas minabuti na iyon ni Greg kaysa habangbuhay mong dalhin na isang lider ng sindakato ang ama mo. Kung minsan naaalala mo, hindi ka niya pinapalabas pero ikaw ang nagpupumilit makatakas at maglagalag sa lansangan ng Maynila. Minsan mong sinabi sa akin na iyon ang pagtatanaw mo ng utang na loob mo sa kanya sa pagligtas niya sa iyo sa isang madilim na iskinita pero ang hindi mo alam ginawa niya iyon kasi anak ka niya."

"A-Anak ako ng mga magnanakaw?" aniya sa pagitan ng paghikbi. Naramdaman niyang niyakap siya ni Edgar pero wala na siyang maisip na ibang gawin.

"Hindi," tanggi ni Roger. "Huwag mong isipin ang nakaraan mo. Ang klase ng buhay mayroon dati ang mga magulang mo. Hindi mo kasalanan iyon. Alam mo ba kung bakit kap pa niya inutusang kunin ang pinakamahal na painting?"

Bigla siyang napatitig kay Roger dahil sa huling sinabi nito.

"Dahil naniniwala siyang hindi mo na siya susundin. Masaya siya noong nagpaalam kanga yaw mo nang sumama sa grupo. Naisip niyang nasa tama ka nang edad at kailangan nang maging maayos ang buhay mo malayo sa kanya; sa klase ng 'trabaho' mayroon siya. Inisip niyang kukunin mo nang pagkakataon iyon para makatakas sa kanya. Binigyan ka niya ng pagkakataon umalis at hindi na madamay sa ginagawa namin."

"Pero sumunod ako," aniya.

"Kaya pinasundan ka niya sa amin. At hinanap kita. Nang matiyak kong nakatakas ka ay tuwang-tuwa siya dahil walang nangyaring masama sa'yo." Saglit itong umakyat ng bahay at may dala-dala nang maliit na kahon pagbaba. Nilapag nito iyon sa harap niya.

"Ano 'yan?"

"Alam kong may magtutulak pa rin sa'yo na nahanapin ang sarili mo. Siguro, ito na 'yung tamang panahon para matanggap mo 'yan."

Kahit nagtataka ay kinuha niya ang kahon at nginig ang mga kamay na binuksan iyon.

"Bago namin sugurin ang bahay ni Senador De Alegre, binigay niya sa akin iyan. Sa tingin ko'y alam niyang may mangyayaring masama sa gagawin namin kaya binilin niya sa aking kapag hinanap mo ako, ibigay ko 'yan sa'yo. Ang totoo, hindi na niya ako pinasama sa bahay ng senador. Pinatakas na niya ako kasama ng kahin na iyan. Siya ang nagbigay sa akin ng pagkakataong makapagbagong-buhay."

Iniisa-isa niya ang mga larawang nakuha niya s aloob ng kahon. Napanganga siya nang makilala ang mga larawan iyon.

"Palihim na kinukunan ka ni Greg ng mga larawan at pinapa-develop niya at iniipon niya. Kahit na ganoon ang klase ng buhay na naibigay niya sa iyo ay gusto niyang maging memorable sayo ang mga alaalang magkasama kayo ng papa mo. Madalas tayong maghanda kapag may okasyon dati lalo na kapag kaarawan mo."

"Bakit ginawa niya 'to?" hindi na niya napigilan ang kanina pa tumutulong mga luha niya. "Bakit hindi niya sinabi sa akin agad?"

"Gusto niya kasing makita mo siya bilang isang ama at hindi bilang isang lider ng mga sindikato. Kahit papaano, sa ganitong paraan naging isa siyang ama sa'yo."

Hinalungkat pa niya ang laman ng kahon at nakita niya roon ang ilang dokumento. Napatitig siya sa isang dilaw na papel. Ngayon alam niya ang kanyang pagkatao. "Mariyah Escario Del Pilar."

"Nabalitaan kong namuhay na sa Mindanao ang nanay mo pagkatapos makalaya sa kulungan matapos ang walong taon na pagkakakulong. Nagkaroon na rin siya ng ibang pamilya doon. Masasabi ko namang nagbagong buhay na ang nanay mo kaya huwag mo nang isiping anak ka ng mga magnanakaw. Tutulungan kita kung gusto mo siyang makita."

Bigla naman siyang nakaramdam ng galak sa sinabi ni Roger. Buhay pa nag nanay niya at puwede niya pang makita. "Salamat, Roger. Malaking bagay ang ginawa mo para sa akin."

"Utang na loob ko sa tatay mo kung nasaan ako ngayon. Wala man akong yaman pero may pamilya ako. Sapat na sa akin iyon."

Tumango-tango siya. Kahit papaano alam niyang may kabutihang-loob pa rin ang kanyang ama sa kabila ng naging 'trabaho' nito. Mas iisipin na lamang niya ang parteng iyon ng kanyang ama. Masaya rin siya na kahit may ibang pamilya na ang kanyang ina ay nagawa nitong magbagong-buhay.

-------------------------

Votes and comments are greatly appreciated! I hope you could also find some time to read my other stories! Thanks in advance. Enjoy reading!

Angel With A Shotgun Series:

#1: Julianne, The Beautiful Cop

#2: Elissa, The Untamed Lady

#3: Janelle, The Brave Princess

#4: Mariyah, The Fierce Eye

#5: Margaux, The Lost Smile 

BOOK 4: Mariyah, The Fierce Eye [#Wattys2018 Winner]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon