Ilang minuto narin ang nakakalipas mula nang opisyal na sinimulan ng emcee ang kanilang programa. Nagpasya si Cee-Cee na manatili muna malapit sa gilid ng entablado upang doon panoorin ang panimula ng palabas at silipin ang mga panauhin na hanggang ngayon ay nadadagdagan pa.
Wala naman siyang makitang senyales ng pagdating ni Grayson. Maging mga mensahe mula rito ay wala siyang natatanggap. Naisip naman niyang baka may importante itong trabahong inuna ngunit hindi parin niya maiwasang magtampo. Ang pangako kasi nito'y darating ito kaagad upang sumuporta sa pinakauna niyang malaking proyekto bilang direktor.
Halos puno narin ng mga bisita ang kinaroroonang bulwagan. Samu't saring mga klase ng maskara ang makikita sa lugar. Mayroong simple lang at mayroon din namang malalaki't makukulay. Natuwa naman siya sa pagkakatunghay sa mga ito. Ito kasi ang layunin at tema ng kasiyahan—ang magmistulang misteryoso ang paligid sa paghahalo ng mga maskara at ng mga obra ni Sandro Chia. Ideya niya iyon para maging matunog ang pagbubukas ng exhibition.
Sa pagkaaliw niya sa pagmamasid sa mga panauhin ay bigla namang napukaw ang kanyang pansin ng isang matipunong lalaking nakasuot ng itim na maskara. Tila nagiisa lamang ito't tinitingnan ang mga nakapaligid na obra habang ang iba ay nakatuon ang atensyon sa entablado. Hindi naman siguro sa hindi ito interesado sa palabas ngunit parang mas pinagtutuunan pa nito ng pansin ang mga bagong display na painting.
Napaisip siya sandali. Dapat ba niya itong lapitan? Baka naman kasi makakatulong siyang magpaliwanag ng mga detalye tungkol sa mga larawan. Baka importante rin itong kliyente—mas maganda na 'yong malaman niya't sigurado siya.
"Yu-na, I'll be back," sabi niya sa kanyang assistant na katabi niyang nakatayo.
Agad naman niyang nilisan ang kinalalagyan at naglakad patungo sa direksyon ng lalaki. Sa dami ng panauhin ay kinailangan niyang makiraan sa kalagitnaan ng ilang mga naguusap na bisita upang sana'y marating ang nais na puntahan. Maaabot na nga sana niya ang pwesto nito nang bigla namang nag-anunsyo ang emcee ng susunod na aktibidades.
"Ladies and gentlemen, distinguished guests and company, this one-of-a-kind night deserves a one-of-a-kind treat. In the spirit of fantasy and myth which encapsulates the essence of the Sandro Chia exhibition, we shall add a little bit more mystery to the evening."
Napatingin tuloy siya sa may entablado at napakunot ang noo. Mukhang maiipit kasi siya sa gitna ng madla sa mga susunod na ipapagawa.
"May I request each guest to bring to the dance floor a partner whom you have not brought to the event as a companion," wika nito.
Umalingawngaw ang usapan at bulungan sa lugar sa pagitan ng mga dumalo. Mukhang naintriga nga ang mga ito sa katatapos lang na anunsyo. Nagsunud-sunod tuloy ang lapit ng mga bisita sa iba pang naroroon at hindi nga nagtagal ay nagbigayan na ng imbitasyon at tanguan. Maya-maya pa'y nagsipuntahan na sa gitna ang mga bagong magkakapares at naghintay sa susunod na gagawin.
Aalis na sana siya roon upang bumalik sa dating pwesto nang bigla namang may lumapit sa kanya at inilahad ang kamay sa harap.
"May I have this dance?"
"Uhm..."
Tumingin siya sa nagprisinta. Iba ito sa lalaking gusto sana niyang kausapin. Bagkus ay isa ito sa mga panauhin na maaaring malapit lamang sa kanyang kinatatayuan. Nagdalawang-isip tuloy siya sa pagpayag dito. Hindi naman kasi parte ng plano niya na pati siya ay makasama sa kaganapan. Pero nawari rin niya sa sarili na hindi yata maganda kung tututol siya rito. Ano pa't ipinagawa nila ang ganoong twist kung hindi rin naman siya susunod? Baka mamaya'y makarinig na naman siya ng 'killjoy ka talaga' kay Martina.
"Sure," tugon niya sa nagtanong.
Inaya siya nito sa kinaroroonan ng mga magsasayaw at doo'y hinintay nila ang pagsisimula ng kanta.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 2 || Social Serye
RomanceTotoo ba ang kasabihan na kapag itinadhana kayo sa isa't isa, ano man ang mangyari, kayo parin sa huli? Magkalayo man, dumaan man ang maraming taon, halos mabura man ang alaala sa puso at isip, kapag oras na, oras na ulit. "You have a strong string...