Napapangiti parin si Xander habang pinagmamasdan ang bag ng asawa na naiwanan nito sa kanyang sasakyan. Hindi ba't sa mundo ng mga babae'y halos lahat na ng mga kailangan nila sa buhay ay nakatago sa maliliit na mga bagay na ito? Pero ayon at hawak-hawak niya sa palad ang "buhay" nito, ang "mundo" nito. At para iwanan ito ng tadhana sa kanyang posesyon? Parang sinasadya't ipinagkakatiwala talaga ito sa kanya. Kahit yata sa mga simpleng bagay na ganito'y tila sinasabi ng tadhana na 'wag na silang maglayo, 'wag na silang maghiwalay.
Kumunot naman agad ang kanyang noo't napailing sa makatang takbo ng pagiisip. Aba'y dinaig pa ata niya ang mga talentadong manunulat. Hindi tuloy niya maiwasang mapangisi. Ang weirdo minsan ng epekto sa kanya ng pag-ibig.
Hindi naman siguro niya kailangang bumalik sa hotel diba? Paano kung kumbinsihin nalang niya ang misis na doon nalang siya magpalipas ng gabi? Makikita pa niya agad si Zed at hindi na niya kailangang magpabalik-balik pa kinabukasan. Wala namang masama kung susubukan niya diba?
Dumungaw ulit siya sa bintana na patuloy ang pagngiti sa sarili. Pakaliwa narin ang sasakyan sa maliit na iskinita kung saa'y naroroon ang bahay ni Cathy. Tiyak na magugulat ito. Hindi na kasi siya talagang tumawag dahil mas gusto niyang masorpresa muli ang esposa sa pagpapakita niya roon.
Unti-unti na nga niyang natatanaw ang papalapit at pamilyar na tahanan ng asawa. Sa pagkakasilip naman niyang iyo'y dito rin niya nakita ang nabubuong imahe ng dalawang taong magkayakap. Sa ilalim ng malamlam na ilaw ng poste ay magkakapit ng husto ang mga katawan ng mga ito. Napakunot-noo tuloy siya sa pagtataka ngunit naisip niyang maaaring nagawi lamang ang magkasintahang iyon sa medyo madilim na lugar.
Malapit na sana sila't halos isa o dalawang bahay nalang ang lalampasan upang makarating sa paroroonan nang bigla nalang niyang pinigilan ang driver sa pag-abanse. Halos dakmain na niya ang upuan nito. Mabuti na lamang at mabagal naman ang takbo ng sasakyan kaya't agad naring nakapreno ang tauhan.
"Don't go any further," mabilis niyang utos kay Lee Ji-Hun.
Namumukhaan niya ang damit at ayos ng babaeng nakakapit ang mga braso sa leeg ng lalaki—hindi siya maaring magkamali. Kanina lamang niya iyong nakita. Naaaninagan pa niya sa lapag ng kalsada ang palumpon ng rosas na kanina ring nanggaling sa kanya.
Ibinaba niya ang kanyang bintana sa likod hanggang sa tuluyan niyang makita nang walang harang ang mga galaw ng dalawa. Noong una'y hindi pa niya masyadong mawari ang nangyayari sa pagkakatalikod ng babae, ngunit nang gumalaw ang mga ito't napagilid ng bahagya sa may bakod ay doon niya nakita ang magkasalitan nitong mga bibig. Marahan ngunit malalim ang pagpapalitan ng halik ng mga ito na kitang-kita sa mga ulong pabalik-balik na umaanggulo. Hinaplos pa ng babae ang braso ng lalaki bago muling ikinabit sa leeg nito.
Humapding bigla ng pagkasakit-sakit ang kanyang dibdib at tila siya pinagkakaitan ng hininga sa kanyang nasisilayan. Napakapit siya ng husto sa bukas na bintana habang pinagmamasdan ang mga kaganapan. Kilala niya ang mga ito—hindi talaga siya maaaring magkamali. Kilala niya ang tindig at itsura ng lalaking walang humpay sa paghagod sa bibig ng kahalikan. Kahit hindi ganoong kaliwanag ang ilaw ngunit sa puso niya'y maliwanag pa sa araw ang kanyang nadudungawan.
Si Cathy at si Grayson.
Napalihis siya ng tingin at napapokus ang mga mata sa ulunan ng kinakapitang upuan. Mabilis ang naging pamumuo ng kanyang mga luha't hindi niya ito mapigilan. Gusto niyang sumigaw, gusto niyang magwala, gusto niyang gawing suntukan ang upuan sa unahan. Pero ni isa roon ay wala siyang nagawa. Muli lang niyang sinilip ang magkasamang pares na tila wala nang balak na kumalas sa isa't isa.
Nablanko nang panandalian ang kanyang pag-iisip. Napawi ang lahat ng masasaya nilang alaala na binuo sa halos dalawang araw lang nilang pagsasama. Unti-unti'y nanumbalik ang sakit ng apat na taon na pangiiwan nito sa kanya sa ere, apat na taong pagwawalang-bahala't pagwawalang-halaga. Bumalik ang awa niya sa kanyang sarili na nakapagpawasak ng buhay niya ng halos anim na buwan, ang pangungulila niya sa anak at ang patuloy niyang paghahabol sa alaala ng pagmamahalan nila sa lahat ng ginawa niya para sa esposa.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 2 || Social Serye
RomanceTotoo ba ang kasabihan na kapag itinadhana kayo sa isa't isa, ano man ang mangyari, kayo parin sa huli? Magkalayo man, dumaan man ang maraming taon, halos mabura man ang alaala sa puso at isip, kapag oras na, oras na ulit. "You have a strong string...