Hindi na talaga ma-contact ni Cathy si Xander sa telepono. Kung kaninang tumutunog pa ito sa kabilang linya'y ngayon nama'y puro mensahe nalang ang sumasagot sa mga tawag niya. Nanlumo tuloy siya't napasandal sa kalapit na pader. Ang bilis ng mga pangyayari—kahapon lamang ay masaya pa sila't handang-handa nang simulan ang buhay na magkasama pero heto na naman sila ngayon at nauwi ulit sa wala.
Tila naglaho ng parang bula ang kabuuan ng kanyang pagiisip. Napaupo nalang siya sa sahig at matagal ring napatulala sa pagkakatitig sa kanyang kama. Malinaw na malinaw sa kanya ang mga ipinahiwatig ng asawa—iiwanan na siya nito. Maghihiwalay na naman silang dalawa. Ni hindi pa nga sila nagsisimula pero dumating na agad sila sa katapusan. Ang sakit talagang manadya ng tadhana. Parang lagi nalang siyang pinaglalaruan.
Maya-maya pa'y hinipo na niya ang kanyang kumikirot na dibdib. Hindi narin niya mapigilan ang pagdaloy ng luha ng nangingiyak niyang mga tingin. Ginawa naman niya ang tama, pinakawalan naman niya si Grayson, pero bakit ganito parin ang kinahinatnan? Ang sakit. Kung kailan malapit na muli silang magkaayos ng tuluyan ay saka naman sila nasuong sa ganitong problema. Para siyang napabitin sa ere, ni hindi niya alam kung ano na ngayon ang mangyayari sa kanila.
Inilapit nalang niya ang kanyang mga binti sa katawan at saka tumungo't itinuon ang noo sa mga tuhod. Yakap-yakap ang mga binti'y doon niya iniiyak ang pagdadalamhati't pighati. Gustuhin man niyang lumaban sa pagkakataong iyo'y pakiramdam din niya'y napakalaki na ng kanyang mga kasalanan.
Makalipas ng ilang sandali'y bigla nalang bumukas ang pintuan ng kanyang kwarto. Doon nama'y agad na sumilip ang munting bata na kanina pang naghahanap sa kanya.
"Mama?" Tawag ni Zed na naghahagilap.
Tumingala naman siya rito't agad na pinunasan ng mga daliri ang kanyang mga mata.
"Zed," mahina niyang tugon.
"Mama..."
Mabilis siyang puntuhan ng anak sa kinauupuan at saka lumuhod sa kanyang tabi.
"Why are you crying?"
Hawak na ng malambing na batang nagaalala ang parehas niyang pisngi habang kunot-noo itong nakatingin sa kanya. Kamukhang-kamukha talaga ito ng ama nito. Masakit tuloy sa kanya na tumitig sa mukha ng munting supling. Hindi naman ito nag-aksaya ng oras at dali-dali nitong pinahiran ang kanyang mga luha ng maliliit nitong mga daliri. Nang makitang patuloy parin siya sa pag-iyak ay kaagad itong yumapos sa kanya nang mahigpit. Kapit na kapit ito sa leeg niya at hinihimas-himas pa ng kamay ang kanyang likuran.
"Don't cry, Mama... please don't cry..." malungkot narin nitong sabi habang siya'y pinatatahan.
Huminga naman siya nang malalim at saka rin pinalibutan ng mainit at mahigpit na yakap si Zed. Ipinirmi niya ang ulo nito sa kanyang palad at saka ito pinaghahalikan sa sentido at pisngi.
"I love you so much... my baby," wika niya rito habang hinahaplos narin ang likuran ng anak.
"I love you, Mama."
Ilang sandali rin silang ganoon bago lumuwag ang kanyang kapit sa bata at hinimok itong umupo sa kanyang kandungan. Sumunod naman ito't muling iniharap sa kanya ang bilugan nitong mga tingin. Naroon parin talaga sa mukha nito ang labis na pag-aalala sa kanya at sa salukuyan niyang kalagayan. Humalik muna siya sa noo nito't saka muling hinagod ng palad ang likod.
Paano ba siya magsisimula? Paano siya magpapaliwanag dito? Ito na sana ang araw na hinihintay niya, ang araw na paghaharapin niya ang kanyang mag-ama, pero nagkagulu-gulo naman ang kanyang mga plano. Paano pa nga ba niya ipapakilala rito ang malaking parte ng buhay nito kung maging ang taong iyon ay maaaring hindi na sila matanggap na parehas?
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 2 || Social Serye
RomanceTotoo ba ang kasabihan na kapag itinadhana kayo sa isa't isa, ano man ang mangyari, kayo parin sa huli? Magkalayo man, dumaan man ang maraming taon, halos mabura man ang alaala sa puso at isip, kapag oras na, oras na ulit. "You have a strong string...