Episode 13: A New Beginning (Part 4)

2.5K 49 1
                                    

Humugot muna ng ilang malalalim na hininga si Xander at saka iniayos ang kanyang kurbata. Heto't kung kumabog ang kanyang dibdib ay para siyang binatang aakyat ng ligaw at manghaharana. Ang lakas ng dug-dug. Karga pa naman niya sa kanyang mga kamay ang mga biniling rosas na ipinakuha kay Paolo sa kotse. Napatugma tuloy iyon sa pamumutla niya—bagay na bagay sa pagkakabado niya.

"Huy!" Panggugulat ni Paolo na may kasamang siko. "Ano bang nangyayari sa'yo, boss? Nae-excite ka ba o natatae?"

"... Gusto mo jum-ebs ka muna sa CR, may five seconds ka pa. O, kahit dito nalang, 'di na halata sa pantalon mo 'yan, dali—!"

"Shut up," irap niyang tugon sabay lahad ng mabilis na utos. "Go back to Lola and stay with her. I'll go and pick them up."

"Sigurado ka, bossing?" Agad naman nitong tanong.

"Yeah..." mahina na lang niyang sabi habang nakatingin parin sa direksyon ng mga nagsisilabasang pasahero.

"Ano, Xander, samahan na kita? Tutulungan kita do'n sa mga maleta," alok naman ng kalapit ding bilas na si Andrew.

"It's alright, Kuya. I think I can manage," tugon niya rito.

Ngunit bago siya mapangunahan ng pagkasabik ay naalala niya si Nanay Charito na kasama din niya't naghihintay din sa mga anak.

"Nanay?" Paalam muna niya sa kaninang kausap.

"Sige na, puntahan mo na sila," basbas naman nitong may tango't ngiti at himas pa sa kanyang braso.

"Salamat po."

Halos takbuhin na niya ang lagusan ng nagsisidatingang mga balikbayan at turista. Balak na nga sana niyang gamitin ang eksklusibong pribilehiyo upang tuluyang makapasok sa baggage claim area ngunit unti-unti narin namang nagpapakita ang mga pasahero. Noong una'y puro pa mga Koreano ang karamihan sa mga lumalabas ngunit nang naglaon ay halu-halo narin ang kanyang nakikita. Hanggang sa isa-isa nang nagkakawayan ang mga pamilya ng ilan sa mga may kamag-anak doon. Tawanan, kuwentuhan, yakapan—iyon ang pansamantalang naging laman ng lugar sa panahong siya'y naroroon. Nagtaka tuloy siyang saglit. Kung nakita na nga ni Paolo sa monitor ang kanyang mag-ina edi sana'y kanina pa itong mabilis na nakarating sa pintuan.

Lalapit pa sana siya nang mas maigi nang sa likod ng iilang mga kabataan ay nakita narin niya ang nais na masilayan. Pamilyar na pamilyar parin sa kanya ang hugis ng buhok ng asawang hindi niya akalaing magpapabilis agad ng tibok ng kanyang puso. Hanggang sa tuluyan na nga niyang maaninag ang maamo nitong mukha. Sa tabi nito'y naroon ang munti nilang supling, hawak-hawak ang kamay ng nanay at hila-hila pa ang maliit nitong maleta.

Napahinto tuloy siya't napatitig sa kanyang anak. Hindi naman ito ang unang beses niyang nakilala ang bata, pero para bang ngayon lang niya itong nasilayan. Sa unang pagkakataon kasi, kahit na marami na silang beses na nagkausap sa telepono't video chat, ay ngayon lang niya ito makakasama ng harapan—hindi bilang si Zed, kundi bilang si Zion na anak niya.

Kinalabit agad ito ng tiyahing si Carmella na una palang nakakita sa kanya sa labasan. Napatingin naman tuloy ang paslit sa kinaroroonan niya't napatalon bigla.

"Papa!!!" Malakas na hiyaw ng bata.

Lumaki ng husto ang nanginginig niyang ngiti't kumaway sa munting paslit. Pagkalampas niya sa harang na bakal ay mabilis niyang sinalubong ng lakad ang anak na biglang nagtatatakbo patungo sa kanya. Sa sobrang pagmamadali pa nga nito'y iniwan na nito sa daan ang maleta't halos magkandarapa sa paghangos sa daan.

Hindi na nga niya malaman kung paano dadalhin ang hawak. Nang magpangabot kasi sila'y dinamba agad siya ni Zion at nagpakarga nang husto ang anak na naglambitin sa kanyang leeg. Tuwang-tuwa naman niyang pinuno ng napakaraming halik ang buo nitong mukha't ulo saka niyakap ang bata ng sobrang higpit. Nagkandalaglag na tuloy ang ilan sa mga talutot ng bulaklak niya doon sa sahig.

Fated to Love You: BOOK 2 || Social SeryeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon