South Korean Airlines Flight 1220: First Class section.
Kakaupo lang ni Xander sa kanyang pwesto at kasalukuyang inaasikaso ng flight attendant ang paglalagay ng kanyang bagahe sa kompartamento. Naka-schedule na sana sila para sa paglipad pero dahil atrasado ang ginawa niyang pagsakay ay nag-aapura ngayon ang mga cabin crew sa pagkilos. Kinailangan ng mga itong magdumali sa pagsasagawa ng mga routine procedures at kasama na roon ang paghahanda sa pagsasara ng pintuan.
Pero wala dito ang kanyang isip—naroon parin ito sa mag-inang iniwan niya sa loob ng paliparan. Ang hirap talagang mawalay sa dalawang taong napaka-espesyal sa kanyang buhay lalo na ngayo't mas pinili niyang magkaayos na sila ng asawa. Ang iksi kasi ng panahon na nagkasama sila. Ni hindi pa nga napupunan ni katiting ang mga taon at panahon ng kanyang pangungulila. Ang dami pa niyang gustong gawin na kasama ang kanyang katuwang.
Napabuntong-hininga nalang tuloy siya't saka sumandal sa upuan at pumikit. Kailangan lang niyang magtiis sandali. Kailangan lang niyang makasigurado na nasa maayos na kalagayan ang kanyang Lola Ramona na ngayo'y may sakit. Babalik rin naman siya, hinding-hindi niya pababayaan ang mag-nanay.
Maya-maya pa'y napakapa nalang siya sa kanyang bulsa. Naalala kasi niyang hindi pa pala niya nailalagay sa "airplane mode" ang kanyang cellphone. Sa pagbunot naman niya ng telepono sa pantalon ay bigla siyang may naramdaman na nalaglag sa kanyang kamay. Sumilip agad siya sa sahig at doon nga'y nakita ang isang piraso ng nakatiklop na papel na muntik pa ngang matapakan ng naglalakad na attendant.
Kumunot tuloy ang kanyang noo. Alam niya kung saan ito galing. Nagmamadali pa nga ang babae kanina sa pagbibigay sa kanya ng munting sulat na iyon. Naisuksok pala niya ito sa bulsa ng pantalon niya sa pagdaan niya sa security check kanina.
Pumasok naman agad sa kanyang isipan ang huling habilin ng esposang nag-abot ng papel.
... "Si Zion... bumalik ka sa'min ni Zion..."
Hindi parin niya maintindihan ang gusto nitong sabihin. Palaisipan talaga sa kanya kung bakit idinawit pa nito ang pangalan ng kanilang anak. Kung nagkamali man ito ng bigkas sa pagkataranta ay hindi naman siguro ito magkakamali ng dalawang beses, diba? Bakit ganoon nalang ang naging pagkakasabi nito?
Agad narin naman niyang pinulot sa daan ang papel at ipinasya itong bulatlatin. Sobrang igi nga lang ng pagkakatiklop nito't kaya hindi niya ito mabuklat agad nang maayos. Kung sino man ang gumawa noon ay halatang nananadya't gusto nitong magpahirap muna bago magpabasa.
Hanggang sa unti-unti na niyang natanaw ang maliliit na letra ng kakaibang piraso. Sa paglitaw ng kabuuan ng pahina ay agad ding napakunot muli ang kanyang noo. Nagpatuluy-tuloy pa ang paggala ng kanyang paningin sa papel hanggang sa unti-unti nalang siyang napanganga at nandumilat ang mga mata.
Hindi ito isang sulat.
Hindi ito isang ordinaryong papel.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 2 || Social Serye
Lãng mạnTotoo ba ang kasabihan na kapag itinadhana kayo sa isa't isa, ano man ang mangyari, kayo parin sa huli? Magkalayo man, dumaan man ang maraming taon, halos mabura man ang alaala sa puso at isip, kapag oras na, oras na ulit. "You have a strong string...