JULY 2017, Outskirts of Laguna:
"Sorry, miss, hindi kami nagha-hire ngayon," taboy kay Cathy ng huling napagtanungang manager ng tindahan.
Halos isang buwan na siyang naghahanap ng trabaho pero wala talaga ni isang tumatanggap sa kanya. Ultimong sa kaliit-liitan ng mga istablisyemento'y hindi siya pinagbibigyan sa kanyang pakiusap. Kung hindi lang talaga dahil sa mga kapatid niyang tumutulong ay hindi na niya alam kung saan sila pupulutin ng anak na naroroon parin sa ospital.
Sa Laguna na siya nakatira ngayon. Lumuluwas nalang siya araw-araw upang bisitahin ang batang pabagu-bago ang lagay. Hindi parin kumpleto ang paglaki nito't minsan daw ay mahina pa ang resistensya. Lagi tuloy siyang kinakabahan. Lagi siyang nag-aalala na baka isang araw, hindi na makayanan ng sanggol ang kondisyon nito.
Napasandal nalang siya sa pader ng gusali habang iniisip ang susunod na gagawin. Sumilip pa siya sa loob ng kanyang wallet—puro barya na lang pala ang laman noon. Tamang-tama lang ito para makabalik siya mamaya pauwi. Kung maglalakad lang muna siya at hindi magdyi-jeep ay hindi niya magagastos ang natitirang pamasahe sa pitaka.
Bumuntong-hininga tuloy siya't pinahiran ang nangingiyak na mga mata. Nahihirapan narin kasi siya't nagugutom pero kailangan parin niyang sumubok. Baka naman sa susunod niyang mapupuntahan ay swertihin narin siya.
"No, it won't take long," usal sa telepono ng babaeng naglalakad, "I just need to make a quick stop."
"... I know, I know. I'm almost there.... I'm aware I'm still in Laguna. Eh, kaya nga may Skyway diba?.... Geez, could you be more patient?!"
Kyuryoso siyang napalingon sa papalapit na tao at inusisa ang ginagawa nito. Kalalabas lang ng babae mula sa 7/11 kung saan mukhang binili ang taban nitong softdrinks at maliit na bag ng tsitsirya. Magara ang suot nito. Parang hindi nga ito nababagay sa kalsadang ngayo'y pinaglalakaran na. Kung paano naman napadpad ang ganitong ka-pusturang dilag sa munti nilang bayan ay hindi na rin niya sigurado.
Pinanood lang niya ang paparating na patuloy parin ang dakdak sa telepono. Ang lakas din naman kasi ng pakikipagusap nito. Kung magsalita pa ito'y parang ito lamang ang tao sa mundo't wala itong kapaki-pakialam sa paligid. Sa tabi nito'y naglalakad ang munting asong puti na pagkakita sa kanya'y bigla nalang napatigil sandali.
Namukhaan ata siya ng aso. Tuwang-tuwa kasi itong lumundag at nagtatahol saka mabilis na tumakbong hila-hila ang amo na napahangos din. Sa paghinto ng munting alaga sa kanyang paanan ay nagkakawag agad ang buntot nito't saka ikinapit ang mga paa sa kanyang binti.
"Snow! Don't do that, baby—sit!" Saway ng bago niyang kaharap. "Sorry, she doesn't usually do this."
Pagbaling naman nito sa kanya'y kaagad na nanlaki ang mga mata nito't gulantang na humarap.
"Cathy?" Panigurado ni Ariana.
Hindi siya nakaimik. Pati kasi siya'y nagulat din sa pamilyar na imahe ng kausap. Ngunit kung anong ikinahalata ng mga emosyon ng isa ay siya namang ikinablanko ng kanyang itsura. Wala siyang maibigay na reaksyon, walang bahid ng ano mang pakiramdam at saloobin sa kanyang mga kilos. Ramdam niya ang pagkaasiwa ni Ariana pero tahimik lang siyang nakatuon dito gamit ang malamig niyang mga titig. Maging ang paglalambing nga ng aso sa kanyang paanan ay hindi niya iniintindi.
"K-Kumusta ka na...?" Muli nitong wika.
Wala parin siyang kibo. Para lang siyang istatwang nakapirmi sa semento.
Sa huli'y bumuntong-hininga nalang ang kausap at saka marahang hinila ang tali ng aso upang pumirmi ito. Sa wari niya'y may nais pa itong sabihin ngunit hindi ito makapagkomunika sa kanya ng maayos.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 2 || Social Serye
RomanceTotoo ba ang kasabihan na kapag itinadhana kayo sa isa't isa, ano man ang mangyari, kayo parin sa huli? Magkalayo man, dumaan man ang maraming taon, halos mabura man ang alaala sa puso at isip, kapag oras na, oras na ulit. "You have a strong string...