LAGING maraming tao sa gates ng tinatawag na *Mansion* sa Leonardwood Road sa Baguio City. Maraming nagpapakuha ng mga larawan sa harapan ng malawak na damuhan sa pagitan ng driveway at ng isang gusaling akala ng mga tao ay siya nang mansion kung saan tumutuloy ang presidente. Ang totoo, ang estraktura na iyon ay isang office building kung saan naroon ang Hall of Heroes at ang opisina ng pangulo. Nasa kabilang banda pa ang actual "mansion" at hindi iyon kita mula sa gates.
Bumaba ng sinasakyan niyang taxi si Hazel Villanueva, bitbit ang isang backpack at isang trolley bag. Iyon ang unang beses na nakabalik siya ng Baguio mula n'ung mag-graduate ang Kuya Oliver niya sa PMA. Nagsisilbi ito ngayon sa Naval Special Operations Group ng Philippine Navy at kasalukuyang miyembro ng Presidential Security Group na naka-assign sa Mansion House Detachment.
Dapat kasama niya ngayon ang kuya niya kaya lang ay napatawag ito sa Malacañang Palace at kinailangang i-postpone ang pag-akyat nito ng Baguio nang ilang araw. Pinapili nito si Hazel kung gusto na niyang mauna o hintayin pa ang Kuya. Dahil excited, sinabi niyang mauuna na siya. Kilala naman siya ng mga tauhan nito kaya okay lang na hindi niya kasama ang kapatid.
Binayaran ni Hazel ang driver bago isinara ang pinto ng taxi. Hinila niya ang bag patungo sa gate at ngumiti sa sarhentong nakabantay doon.
"Sergeant Talavera!"
"Uy, Ma'am Hazel!" bati ng sarhento. Suot nito ang black-and-gray-patterned combat uniform ng mga PSG at sukbit sa isang balikat ang rifle nito. Nakangiti itong lumapit sa kanya at kinuha ang bag niya. "Bakit hindi kayo nagpasundo, ma'am?"
"Okay lang po, Sarge," sabi niya nang papasukin siya nito. "Hindi ko rin naman po sigurado kung anong oras ako dadating." Tumabi siya nang kaunti nang may mga nakiraan para makapasok at makapagpa-picture sa grounds. "Mukhang busy po tayo ngayon ah."
"Marami nga pong tao. Iking!" tawag nito sa isa pang sarhentong nasa loob ng guard house. "Ihatid mo nga muna si ma'am sa barracks."
"Naku, okay lang ako, Sarge. Hindi naman mabigat itong mga bag ko."
"Hayaan niyo na si Iking, ma'am," nakangiti pa ring pilit ng sarhento.
Lumabas ng guard house ang isang matangkad na sundalo. Gray-and-black din ang uniporme nito at may dala ring rifle. Mas bata ito kay Sgt. Talavera at noon lang nakita ni Hazel. Ipinakilala siya nito sa batang sundalo na mahiyaing ngumiti sa kanya at kinuha ang mga dala niya.
"Okay lang bang wala ka d'un sa gate?" tanong niya habang naglalakad sila paakyat sa driveway patungo sa barracks ng mga PSG.
"Okay lang po, ma'am," sabi ni Sgt. Enrique "Iking" Ramos. "Kaya naman po ni Top 'yun. Saka sandali lang naman po ako."
"Gaano katagal ka nang naka-assign dito?" tanong niya.
"Mga three months pa lang po, ma'am. Pero taga-La Union lang naman po ako kaya okay na rin po. Mas madali po rito kaysa sa Malacañang ako ma-assign."
"Ah, sabagay."
Medyo mahiyain si Sgt. Ramos pero makuwento naman kaya hinayaan itong magsalita ni Hazel habang naglalakad sila.
May matatangkad na mga puno sa gilid ng daan patungo sa barracks ng PSG. Tiningala ni Hazel ang tuktok ng mga iyon. Medyo malakas ang hangin at malamig iyon kahit pa summer pero 'yun ang gusto ng dalaga. Kaya rin naman siya nagsabi sa kuya niyang sasama siya rito paakyat nang umuwi ito sa kanila sa Pasig noong weekend. Gusto niyang mas maagang umakyat bago niya kailangang bumalik na sa dorm bago magsimula ang huli niyang taon sa kolehiyo. Sa UP Baguio nag-aaral si Hazel. Journ major siya na kasalukuyang freelance reporter din ng Northern Luzon bureau ng isa sa mga pinakamalalaking pahayagan sa Pilipinas.
BINABASA MO ANG
The Mansion
ParanormalCOMPLETED Published by Bookware Publishing. --- Hindi naniniwala sa multo si Hazel pero hindi niya maikaila na baka totoo nga ang mga ito nang magsimula siyang makaramdam ng kababalaghan habang nakatira sa barracks ng PSG sa Mansion sa Baguio City...