Kahit umaga na siya nakatulog, maaga ring nagising si Hazel. Parang may buhangin sa likod ng mga talukap niya pero bumangon na rin siya nang makitang bumangon na ang halos lahat ng mga kasama niya sa sala maliban kay Tan na mahimbing pa rin ang tulog. Mag-isa na lang din siya sa sofa.
"O, ang aga mo namang bumangon," puna ni Kuya Oliver nang makitang naka-upo na siya. Hindi pa rin naka-uniporme ang kuya niya. Nakasuot pa rin ito ng T-shirt at sweatpants na ginamit nito sa pagtulog at tayo-tayo pa ang buhok. Pero may dala na itong tasa ng umuusok na kape.
"Kuya, nakita mo si Aaron?"
"Nagpaalam kanina," sagot nito na lumalapit para ibaba ang tasa sa center table. "Sa 'yo na 'yang kape. Magtitimpla na lang ako ulit." Sinimulan nitong ayusin ang hinigaan nito. "Nagising ako kaninang naka-upo siya d'yan sa may paanan ko. Akala ko si Kamatayan! Buti na lang at hindi ako tumili." Tumawa si Hazel. "Maglilibot lang daw siya sa compound. Hindi daw kasi siya mapakali."
Nagsimula siyang mag-alala. "Bakit daw?"
Nagkibit-balikat ang kuya niya. "Hindi ko alam. Pero kung ako siya, baka gan'un din ako kung malaman kong pupuntahan ninyo ako rito matapos ang dalawang taon na pinaniwalaan kong patay na ako at nakalimutan n'yo na ako."
Inabot niya ang braso ng kuya niya at nilingon siya nito. "One, don't talk like that. You're invincible," pabiro niyang saad kahit sa puso niya gusto niyang paniwalaan na gawa nga sa titanium ang kuya niya at hindi ito tinatablan ng bala. "And two, kung mangyari man sa 'yo 'yung nangyari kay Aaron, hindi ka rin naman namin susukuan."
Napangiti si Oliver at inabot siya nito para guluhin ang buhok niya. "Salamat."
Napatingin si Hazel sa mga sundalong nasa kusina na tulong-tulong na naghahanda ng almusal.
"Sinabi mo ba sa kanila na buhay siya?" tahimik niyang tanong sa kapatid.
"Hindi pa. Naisip kong mas mabuti kung ikaw o si Aaron na lang ang magsabi sa kanila."
"Hindi ko pa nababanggit eh," sabi niya. "Kaya nagwala 'yung asungot sa barracks eh dahil narinig yatang sinabi ko kay Aaron na buhay siya. Baka ma-trigger na naman kaya di ko muna sinabi kina Top."
Ang kuya naman niya ang lumingon kung saan parang istriktong yaya ng makukulit na mga bata si Top sa kusina.
"Sabihin mo na sa kanila," udyok ni Kuya Oliver. "Para may idea na sila, lalo na si Top."
Pinag-isipan ni Hazel ang gagawin. Hindi kasi talaga niya matantiya 'yung halimaw na 'yun sa barracks. Pero siguro naman puwede na niyang sabihin sa mga kasamahan ni Aaron. Tumango na si Hazel. His friends deserved to know. Lalo na si Top.
★・・・・・・★・・・・・・★・・・・・・★
Nang tawagin sila ni Iking para sabihing handa na ang almusal, ginising na rin nila si Tan para sabay-sabay na silang kumain.
"Anong oras darating 'yung pamilya ni LT, ma'am Hazel?" tanong ni Peralta habang pinapaikot nila ang pinggan ng tocino at pritong itlog sa mesa para makakuha ang lahat.
"Mga ten daw," sagot niya. Kumpleto na sa pinggan niya 'yung pagkain niya dahil lagi siyang priority ng mga ito. Maubusan na ng kanin ang iba, basta siya raw eh dapat busog. Tumikhim siya at nagsalita bago pa mabago ang usapan. Si Top ang nilingon niya para dito direktang sabihin ang gusto niyang ipaalam sa mga ito. "May kasama sila mamaya, Top."
"Sino po?"
"Si Aaron."
Huminto sa pagkilos ang lahat bukod kay Kuya Oliver na patuloy sa pagsubo ng kanin. Lumingon sa pagtataka ang mga sundalo kay Hazel.
BINABASA MO ANG
The Mansion
ParanormalCOMPLETED Published by Bookware Publishing. --- Hindi naniniwala sa multo si Hazel pero hindi niya maikaila na baka totoo nga ang mga ito nang magsimula siyang makaramdam ng kababalaghan habang nakatira sa barracks ng PSG sa Mansion sa Baguio City...