Ten

4K 220 152
                                    

A/N:  이것은 종현을위한 것입니다

---

Alam ni Hazel na napakarami pa nilang dapat pag-usapan ni Aaron. Ang dami pa niyang gustong itanong at ang dami pa niyang gustong malaman. Habang pinabubula ang foam facial wash sa mga pisngi niya, gumagawa na siya ng listahan sa isip niya ng mga kailangan niyang i-research.

Life after death dahil ayan nga, nandito pa si Aaron matapos nitong mabaril. Exorcism para sa kung anuman ang iniwan ni Reyes sa kabilang silid. Telekinesis para malaman niya kung paano nagagawa ni Aaron na magpagalaw ng mga bagay gamit ang energy na gine-generate ng isip nito. Clairvoyance dahil nakakakita siya ng multo kaya baka meron siya n'un.

Kailangan pa niyang kausapin si Captain Cabrera ulit para mag-follow up kung naibigay na ba nito ang numero niya sa mga magulang ni Aaron. Teka, paano kung itanong na lang niya kay Aaron mismo kung puwede ba niyang tawagan ang mga magulang nito? Siguro naman gusto rin nitong ma-contact ang pamilya.

Nagbanlaw siya ng mukha at tinuyo iyon pagkatapos ay dinampot na niya ang mga gamit niya para lumabas na ng banyo.

Napangiti siya nang makitang magkatabing naka-upo sina Iking at Aaron sa sofa. Base sa masayang ngiti ni Iking, hindi nito alam na katabi na nito ang huli.

"Okay ka na, ma'am?" tanong nito na tumatayo. Tumayo na rin si Aaron.

Tumango siya kay Iking at sinabayan siya nito sa paglalakad para ihatid siya sa kuwarto niya. Kanina si Tan naman ang sumusunod-sunod sa kanya. Mukhang bantay-sarado siya ng mga bodyguards.

"Iking, may question ako," tanong niya sa lalaki. "Ba't di ka pa rin nagpapalipat kahit ganito dito?"

Saglit na nag-isip si Iking at huminto sila sa tapat ng pintuan ng silid niya. "Ang totoo, ma'am, hindi ko kasi maiwan 'yung mga tao. N'ung namatay si Lt. Tanjuatco, bagong pasok pa lang po ako n'un sa Army. Bukod d'un sa mga kasama ko sa training, sila po rito 'yung una kong pamilya. 'Tapos namatay po si LT sa mga kamay ng isa rin sa 'min." Umiling si Iking. "Mahirap iwan 'yung mga taong nakasama mo, na tumulong po sa inyo at tinulungan ninyo, matapos 'yung gan'ung pangyayari. Alam ko pong darating 'yung panahon na ma-re-reassign kami pero habang hindi pa po sinasabi sa 'kin, dito muna ako." Ngumisi na ito. "'Tsaka si LT naman po 'yung kasama namin. At kahit hindi man po si Lt. Tanjuatco 'yun, mas nakakatakot po si Top sa kanya. Alam naming di kami mapapahamak basta lang po di kami unahing atakihin sa puso."

Napalingon ito sa kaliwa bago napalundag dahil nakita na nitong nakatayo pala roon si Aaron.

"Utang na loob naman, LT!" sigaw nito habang hawak-hawak ang dibdib. "Ako naman ang paglalamayan dahil sa 'yo!"

"Masasanay ka rin," ani Aaron.

Tumango si Iking na hindi pa rin inaalis ang palad sa dibdib. Pero inangat nito ang kamay at sinundot si Aaron sa braso.

"Solid ka naman, sir," mangha nitong tanong bago muling sinundot ang lalaki. Pero ngayon, lumusot na ang daliri nito sa braso ni Aaron. Mabilis na hinila ni Iking ang kamay.

"Huwag kang matakot. Hindi naman kita sasaktan eh."

"Maliban na lang kung mamboso rin ako ano po?"

"Oo naman."

Pinagmasdan ni Iking si Aaron. "Pero kayo, sir, di naman kayo namboboso? Kasi kapag nakita niya akong may kinakamot na di ko dapat kinakamot in public, kasalanan n'yo na 'yun."

"Yuck!" tawa ni Hazel.

Napangiti si Aaron. "Hindi ako pumapasok sa mga kuwarto n'yo. At madalas, umaalis ako kapag nandito kayo sa labas. Hindi n'yo kasi alam na nandito ako eh. Ayoko namang makinig sa usapan na hindi ko dapat naririnig. Pero ano, sorry tungkol d'un sa mga ilaw na pinatay ko n'ung di ko alam na nasa kusina ka pala ha. 'Tsaka 'yung nagsasara ako ng pinto sa banyo na naririnig mo. Nagpa-practice pa lang kasi ako n'un."

The MansionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon