Agad nilang narinig ang kaguluhan sa ibaba pagkapasok nila ng barracks. Sa kabila ng matinding takot, sumunod si Hazel sa dalawang sundalo sa hagdan.
Malakas ang hangin sa ibaba na para bang may matinding bagyo roon. Sa dulo ng corridor, malapit sa silid ni Aaron, nagkukumpulan ang mga PSG na sumisigaw at tila may hinihila. Nanlaban si Hazel sa hangin para makalapit pero napatili siya sa takot nang bigla niyang makitang umangat sa ere si Tan na para bang may kung anong enerhiya na humahawak sa leeg nito. Nakita niya ang takot sa mga mata ng sundalo habang nasa leeg ang mga kamay para hilahin paalis ang hawak ng hindi nito nakikitang kalaban.
Sinubukan itong abutin ni Iking pero biglang lumipad palayo ang lalaki na tila ba hinawi ito ng kung anong hindi nila nakikitang braso. Muling tumili si Hazel dahil humampas ang katawan nito sa pader.
Pagkatapos ay hinigop ng silid sa dulo ang hanging malakas na umiihip sa buong barracks. Hinila rin papasok si Tan bago malakas na ibinalabag pasara ang pinto.
Tumayo si Iking at ang mga PSG na kanina ay napahiga sa sahig. Binayo nila ng mga kamao ang pinto at tinadyakan ni Peralta ang doorknob para buksan iyon para mabawi ang kaibigan. Naririnig nila ang mga sigaw ni Tan mula sa loob at ang alingawngaw ng tawa na tila nanggaling sa kailaliman ng lupa.
"Aaron!" sigaw ni Hazel nang makitang halos liparin ng lalaki ang silid pagkatapos ay naglaho ito nang makarating sa pinto. Hinabol ito ni Hazel.
Huminto na ang mga sigaw ni Tan mula sa loob pero napasinghap si Hazel dahil mula sa siwang sa itaas ng pinto, nagsimulang tumulo ang malapot na dugo.
"Fuck!" sigaw ni Oliver pero hindi takot ang narinig niya sa tinig ng kuya kundi matinding galit. Sumigaw na rin si Iking bago nito binangga ng sarili nitong katawan ang pinto. Napuno ng dugo mula sa kahoy ang balikat at tagiliran ng mga ito nang salitan nilang binangga ang pinto. Hindi nila iyon natibag pero inulit ng mga ito ang ginawa para mabuksan iyon at mailigtas ang kaibigan.
Hinawakan ni Top si Hazel sa braso para hindi na siya lumapit sa mga ito. Ipinagpatuloy nina Kuya Oliver at Iking ang pagbangga at pagtadyak sa pinto na hindi pinapansin ang pagtilamsik ng dugo at ang pagkalat niyon sa sahig.
Muli nang papalapit si Iking sa pinto nang bumukas iyon at nahipan ng malakas na hangin ang dalawa, dahilan para bumangga silang muli sa pader sa tapat ng pintuan. Sinundan iyon ng malakas at galit na sigaw ng isang lalaki, bago patakbong lumabas mula sa silid si Aaron. Litaw ang mga sugat nito sa sentido, dibdib at sikmura, at maputla na naman ang mukha ito. Akay-akay nito ang duguan din at walang malay na si Tan.
Ibinaba ni Aaron ang lalaki sa sahig bago nito nilingon ang pinto ng silid. Inangat nito ang isang kamay at biglang muling hinigop ng silid ang hangin at maging ang dugo sa sahig at sa pinto na para bang pinapanood nila ang isang pelikulang pabaliktad ang pakaka-play. Sumenyas si Aaron na tila hinihila pasara ang pinto at sumara iyon nang hindi hinahawakan ng binata. Nawala ang hangin pero hindi ang tunog ng sigaw ng galit ng nasa loob, at hindi huminto ang pagpipilit nitong buksang muli ang pinto.
Nag-angat si Aaron ng paningin sa kanya at unti-unting bumalik sa normal ang hitsura nito.
"Hazel, tumawag ka ulit kay Kenneth," sabi ng binata. "Sabihin mo hindi na natin kayang maghintay hanggang sa Biyernes."
Wala siyang ibang nagawa kundi ang tumango.
Binuhat nina Oliver at Iking si Tan, at inakyat sa itaas para dalhin sa kotse ng kuya niya. Duguan kasi ang ulo nito, tumutulo rin ang dugo mula sa ilong at may marka ito sa lalamunan na korteng mga daliri. Buhay ang lalaki pero para masiguro na rin nilang nasa mabuti itong kalagayan, dadalhin na nila ito sa ospital para mapatingnan sa doktor. Ibinagsak daw ito ni Reyes sa sahig at marahil nabagok ang ulo. Kung may konkusyon ito, mas mabuti nang maagapan.
BINABASA MO ANG
The Mansion
ParanormalCOMPLETED Published by Bookware Publishing. --- Hindi naniniwala sa multo si Hazel pero hindi niya maikaila na baka totoo nga ang mga ito nang magsimula siyang makaramdam ng kababalaghan habang nakatira sa barracks ng PSG sa Mansion sa Baguio City...