Eight

3.2K 184 25
                                    

Tulala pa rin si Hazel makalipas ng ilang oras. Naka-upo siya sa isang bangko sa Wright Park. Parang kanina pa niya pinapanood ang mga kabayo pero ang totoo, wala siyang nakikita. Kung sabay-sabay mag-Zumba ang mga iyon sa harapan niya, hindi iyon mapapansin ng dalaga.

Himala nga na nakapagbihis siya. Nakasuot siya ng maong, puting sneakers, 'tsaka uniporme ni Top. Hindi niya sigurado kung sa pagmamadali niya ay nakapagsuot ba siya ng underwear o kung nakapagsuklay ba siya. Parang natuyo na lang ng hangin ang buhok niyang sigurado niya ay buhol-buhol.

Pero hindi iyon ang mahalaga ngayon.

Si Henry. Si Henry na araw-araw niyang kausap at si Lt. Aaron Benedict Tanjuatco ay iisa. Ang bago niyang kaibigan at current crush ay isang multo. Hindi niya alam kung saan mag-fo-focus eh. Masyadong maraming kailangang i-proseso.

Niyakap niya ang sarili niya nang maalala ang hitsura nito kanina. Tumatayo kasi ang mga balahibo niya. Mukha itong bangkay. Hindi, hindi bangkay. Zombie! Mukha itong zombie. Maputla, walang dugo ang mga labi, may milky film na tumatabing sa mga mata na nakikita lang niya sa mga bangkay sa police procedural TV shows. Tumutulo ang dugo mula sa butas sa sentido nito, at duguan din ang harapan ng uniporme dahil sa mga tama ng bala.

Journalist siya kaya dapat parang dapat matibay ang sikmura niya. Mamaya ilagay siya ulit sa police beat? Pero paano siya masasanay sa buhay na bangkay--at paano nangyari 'yun?--na nagtatanggol sa kanya sa manyakis na namboso sa kanya?

Isa pa 'yun! Hayop na Jun 'yun! Kung di lang siya naunahan ng takot niya kay Henry--Aaron!--kanina, baka ifinlush niya sa toilet ang mukha ng hinayupak na 'yun!

"Ma'am?"

Sa kabila ng ingat sa tinig ng lalaking tumawag sa kanya, napasinghap pa rin sa gulat si Hazel.

"Sorry, ma'am," sabi ni Top na nakatayo na pala sa likuran niya.

"Top."

Lumapit na ito at naupo sa tabi niya sa bangko. Dahil nga suot niya ang uniform top nito, walang jacket ang sarhento. Naka-itim na T-shirt lang ito, camouflage pants at combat boots. Itinatago rin pala ng uniporme nito ang suot nitong thigh holster sa kanan nitong hita kung saan naroon ang isang .45 caliber na baril.

"Okay ka lang, ma'am?" pangungumusta nito. "Sinundan kita kanina paglabas mo kasi baka kung mapaano ka. Pero tanghali na kasi. Baka gusto mo nang bumalik? Hindi ka pa nagtatanghalian eh."

"Hindi pa po ako nagugutom."

Mahina itong tumawa. "Sabagay. Ako rin naman hindi pa rin nagugutom. Pagkatapos n'ung nakita natin kanina? Baka sa isang linggo na ako ulit kumain. 'Tapos next year na ako makakatingin ulit nang derecho sa dinuguan."

"Top!" reklamo niya na natawa na rin.

Ngumisi ito sa kanya bago nila binalingan ang mga kabayo na dumaan sa ibaba lang ng kung saan sila naka-upo.

"Ano po bang nangyari kanina?" tanong ng lalaki.

Niyakap ni Hazel ang sarili at kinuskos niya ang mga braso.

"Nagpaalam po kasi si Sgt. Peralta kanina na kung puwede niya akong iwan saglit para maligo. In-offer ko na d'un na lang siya sa banyo ko kasi hindi pa naman po mainit 'yung tubig na panligo ko. Naiwan po ako sa kusina kasama n'ung mga pinsan niya pero sandali lang po 'yun kasi ang bilis po maligo ni Sarge. Nag-usap kami ni Jason pero 'yun pong si Jun, tinanong niya kung may boyfriend daw po ako at kung puwede niya kunin 'yung number ko. Sabi ko po hindi. Nagalit siguro."

"Sabi ni Peralta, isinama daw niya sa kuwarto 'yung dalawa bago ka pumunta ng banyo. Nagpaalam daw 'yung isa na kukuha ng tubig sa kusina. Mabilis ngang magbihis 'yang si Peralta eh. Pero hindi pa raw siya 'tapos narinig na niyang may parang sumabog sa banyo mo at na sumigaw na nga raw 'yung pinsan niya." Pinagpag ni Top ang ibabaw ng pantalon nito. "Pababa na kami sa sleeping quarters n'un kasi naka-usap ko si Henry tungkol sa 'yo. Ang sabi niya hindi ka raw niya nakakausap at na hindi ka pa nga raw niya nakikilala. Ayun na. Naisip ko nang baka multo 'yung nakaka-usap mo. Natakot akong baka si Reyes pa 'yun kaya tinakbo ko na. Dumating kami na nagkakagulo na nga sa banyo."

The MansionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon