Kinailangang alalayan nina Oliver at Top si Major Lopez para makaupo ito sa sofa at kinailangan hilahin pabukas isa-isa ang mga daliri nito para mabitawan ng chaplain ang prayer book nito at ang bote ng Holy Water. Binigyan ito ni Tan ng tubig ngunit gan'un pa man, hindi ito agad nakapagsalita.
Si Oliver ang nagtanong kung ano ang nangyari sa loob at si Hazel na ang pinagkuwento ni Aaron. Hindi nito binanggit na multo siya at hindi rin iyon binanggit ng iba. Hindi rin naman nagtanong ang chaplain kung sino siya at saan siya nanggaling dahil si Hazel lang ang nakita nitong nahila papasok sa silid pero dalawa silang lumabas. Inisip na lang nilang masyadong natuliro ang lalaki.
Tinapik ni Aaron si Oliver sa balikat at nilingon siya ng mas batang tinyente.
"Kailangan kong umalis muna," pabulong niyang paalam. "Sabihin mo kay Hazel."
"Saan ka pupunta?" pabulong din nitong tanong.
"Kailangan ko lang magtago kay Major Lopez."
Nanlaki ang mga mata ni Oliver habang nakatingin sa kanya. Siguro dahil nagiging transparent na siya sa harapan nito. Nararamdaman na talaga niya ang pagod niya.
"D'un ka na sa kuwarto namin," sabi ni Oliver. "Hahanapin ka ni Hazel mamaya eh. Buti na 'yung alam niya kaagad kung nasaan ka."
Tumango siya. Hindi na siya nakapagpasalamat dahil matapos sulyapan ang chaplain at nasigurong hindi nito mapapansin kung bigla siyang mawala, naglaho na si Aaron.
Hindi tulad ng dati na sa tuwing makakadama siya ng pagkahapo ay nahihila siya sa silid niya, ngayon, nakita niya ang sarili niya sa silid nina Hazel. Nanghihina siyang napaupo sa kama nito. Saglit lang siyang nakadama ng hiya at pagdadalawang-isip bago siya tuluyang nahiga.
Naaamoy niya si Hazel sa unan nito. Hindi tulad n'ung buhay siya, hindi ganoong katalas, pero naaamoy niya ito. Hindi niya alam kung paano 'yun pero nagpapasalamat siya.
Pumikit siya at sinubukang bawiin ang enerhiyang nagamit niya kanina. Medyo pahirap na nang pahirap labanan ang anino ni Reyes. Palakas na ito ng palakas. Para itong natututong lumaban sa tuwing haharapin niya ito.
Ang problema, hindi niya alam kung paano ito tuluyang puksain.
Madali lang kung kasama niya ang pamilya niya. Malamang alam ng mga ito ang gagawin at kung paano. Kung nalaman lang siguro niya agad kung sino si Rogelio noong una at maagap niyang nabanggit ang lalaki sa mga magulang. Nagtiwala kasi siya rito gaya ng pagtitiwala niya sa iba niyang kasama sa Navy. At bakit hindi? Magkasama sila sa training, sa combat. The guy had watched his back. Malay ba niyang dapat pala eh nagdududa siya sa tuwing tatanggi itong makilala ang mga kamag-anak niya.
At bakit noon lang siya nito sinaktan? Dahil noon lang ito natuto ng black magic?
Kung anuman ang dahilan nito kung ba't 'yun ang pinili nitong oras, epektibo 'yun dahil narito siya ngayon, nakakulong kasama ng anino nito.
"Aaron?" mahinang tawag ni Hazel mula sa pintuan.
Bumangon siya at nagpakita rito. May pag-aalala sa ngiti nito nang lumapit ito sa kanya at naupo sa tabi niya.
"Kumusta ka na?" tanong nito na pinagmamasdan ang mukha niya.
Ngumiti rin siya rito. "Eto, okay lang. Patay pa rin."
Napalakas ang tawa ni Hazel saka siya nito kinurot sa ilong. Pagkatapos ay itinulak siya nito ulit pahiga. Sumunod siya rito at kinuha ang kamay nito para ipatong sa dibdib niya sa ibabaw ng puso niya.
"Ano 'yung nangyari kanina?" mahina nitong tanong.
"Lumalakas siya."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
BINABASA MO ANG
The Mansion
ParanormalCOMPLETED Published by Bookware Publishing. --- Hindi naniniwala sa multo si Hazel pero hindi niya maikaila na baka totoo nga ang mga ito nang magsimula siyang makaramdam ng kababalaghan habang nakatira sa barracks ng PSG sa Mansion sa Baguio City...