Kinuha ni Mrs. Tanjuatco ang braso niya at giniya siya palapit dahil hindi siya makakilos. Nagsimula siyang umiyak kahit pa pinilit niyang pigilan ang mga emosyon. Hindi niya kinaya. Tumulo ang mga luha hanggang sa humahagulgol na siya habang pinagmamasan si Aaron Benedict na himbing na himbing na natutulog sa kama.
Naupo siya sa tabi ng lalaki at kinuha ang kamay nito. Mas lalo siyang napahagulgol nang madama ang init ng palad nito. Pamilyar kasi sa kanya ang pakiramdam ng kamay ni Aaron, ang sukat niyon, ang hawak niyon gayong ngayon lang talaga niya nahawakan ang totoong kamay ng binata. Inangat niya iyon sa mukha niya at inilapat ang palad nito sa pisngi niya habang patuloy ang pagtulo ng mga luha.
"Sabi ko na eh," hikbi niya. "Sabi ko na sa kanya buhay pa siya. Ayaw niya maniwala."
"He's a fighter," saad ng mommy ni Aaron na basa na rin sa luha ang mga pisngi.
Matagal lang niyang pinagmasdan ang lalaki habang umiiyak. Hindi niya mapigilan ang sarili sa tindi ng paninikip ng dibdib niya. Hinayaan lang niyang bahain siya ng mga emosyon niya. At matapos ang mahabang oras, nang sa wakas ay mapakalma na niya ang sarili, nakuha niyang pagmasdan ang lalaki gamit ang praaktikal na mga mata. Tinuyo niya ang mga pisngi.
"Hindi po siya naka-life support?" tanong niya dahil bukod sa IV tubes sa kabila nitong kamay, walang ibang nakakabit sa katawan ni Aaron.
"He was for about two months. Muntik na akong mag-aral mangulam n'ung sabihin sa 'kin ni Bennett na alisin na namin siya sa life support. Kukulamin ko kasi talaga ang sarili kong asawa. Hindi ako makapaniwalang maiisip niya iyon tungkol sa sarili niyang anak! Pero sabi niya na magtiwala sa kanya at kay Aaron. So I did. We took him off life support and I realized he was breathing on his own." Suminghot ang ginang at naupo sa paanan ng kama.
Muling tiningnan ni Hazel si Aaron. He looked like his "ghost" pero halatang alaga ito. Malinis ito, maayos ang buhok, maiksi at malinis din ang mga kuko. May ilang IV bags na nakasabit sa isang stand sa tabi ng kama nito pero bago pa mag-alala ay naisip ni Hazel na 'yun lang ang nag-susustain sa binata dahil hindi nga ito kumakain at umiinom.
"So he's in a coma?" paglilinaw niya kahit pa malinaw na iyon ang estado ng binata.
"By definition, he is. But basically, he's only unconscious because his astral body is not in his physical body."
"Hindi po ninyo alam na marunong siya mag-astral project?"
"Hindi. Hindi talaga. N'ung buntis ako sa kanya, naghanda na ako. Nabasa ko kasi sa mga diaries ng mga lola ko na minsan, kahit baby pa lang, marunong nang mag-astral project ang mga bata sa pamilya namin. Sabi ng mommy ko, kailangan din daw niya ako patulugin sa astral plane kung gusto niyang makapahinga talaga ako. Pero hindi si Aaron. Wala akong naging gan'ung problema sa kanya n'ung bata siya. At n'ung dumating 'yung panahon na na-realize na niya na hindi siya katulad ng mga pinsan niya na may kakaibang abilidad, sinubukan ko siyang turuan pero hindi niya nagawa kahit minsan."
"Noon lang po," maramdaming deklara ni Hazel. "N'ung gabing 'yun."
Tumango si Mrs. Tanjuatco. She touched her son's leg more to comfort herself than anything. "Hindi namin sigurado kung ano ang nangyari noon dahil nga wala sa amin ang makahanap sa kanya. Wala siya sa astral plane at hindi rin naman siya mahanap ng mga pinsan niyang nakakadama ng mga sumakabilang-buhay na. At kung nandito naman siya sa katawan niya at hindi lang magising, may mga pinsan siyang telepathic pero hindi rin nila makausap si Aaron. It was like he just ceased to exist.
"Halos mabaliw na ako n'un. Iba kasi 'yung koneksyon naming mag-anak. Pisikal naming madarama kung may isang mawala. At n'ung makita ko siya sa ospital, naka-coma ang anak ko at hindi ko alam kung paano siya gigisingin. May tama siya sa ulo, sa dibdib at sa sikmura. The doctors had to reconstuct his skull. One bullet punctured his lung. Then they had to remove part of his intestines to save him. May mga taong hindi gan'un kalubha ang kalagayan pero hindi nag-survive."
BINABASA MO ANG
The Mansion
ParanormalCOMPLETED Published by Bookware Publishing. --- Hindi naniniwala sa multo si Hazel pero hindi niya maikaila na baka totoo nga ang mga ito nang magsimula siyang makaramdam ng kababalaghan habang nakatira sa barracks ng PSG sa Mansion sa Baguio City...