Four

3.4K 194 48
                                    

Lumabas ng silid si Hazel nang marinig ang mga tinig ng mga sundalo. For a moment, natakot siyang baka minumulto siya dahil di ba nangyayari iyon? 'Yung naririnig mo na maraming tao sa labas pero pagbukas mo ng pinto wala naman? Pero nakita niyang magkakatulong na maghanda ng tanghalian sina Iking, Sgt. Tan, Sgt. dela Vega at si Top. Tuluyan na siyang lumabas at naglakad para puntahan ang mga ito.

"Ma'am Hazel," tawag ng huli nang mapansing nakatayo siya sa pintuan ng kusina. "Kumakain ka ba ng patola? May alam na luto si Iking na patola at miswa. Masarap siya." Pero nawala ang ngiti nito nang mapansin marahil ang mukha niya. Ibinaba nito sa mesa ang hawak na gulay bago siya nilapitan at giniya paupo sa isang silya sa mesa.

"Iking, ikuha mo nga ng tubig si ma'am!" utos ng sarhento bago siya muling binalingan. Lumuhod ito sa harapan niya. "Ano'ng nangyari?"

Inabot niya rito ang piraso ng papel na nakuha niya sa silid. Kinuha iyon ni Top. "'Yan po 'yung papel na nilipad sa ilalim ng pinto ng bodega," paliwanag niya.

Nag-angat ng ulo ang lalaki para tingnan siya. Bumulwak ang tubig na sinasalin ni Iking sa baso. Lumipad ang mga patolang kinuha ni Sgt. Tan mula sa mesa para hugasan at nabitawan ni Sgt. dela Vega sa lababo ang cooking bowl kung saan nito hinuhugasan ang bigas na isasaing.

Si Top ang nagsalita habang nag-re-recover ang mga tauhan nito. "Nakapasok po kayo d'un sa kuwarto?" mahina at kalmado nitong tanong.

"Hindi ko po alam," simula ni Hazel na gulung-gulo sa mga pangyayari. "Kanina po, pagdating ko rito, naisip kong subukan ko ulit buksan 'yung pinto. Kasi, Top, kahapon, talaga pong napihit ko 'yung doorknob eh. Bukas po talaga siya. N'ung dumating kayo, saka lang siya nag-lock ulit. Sabi ko baka may nagbibiro lang. Kaya sinubukan ko po ulit."

Napatingin siya sa mga sundalong nagmamadaling nagsipaglapit sa isa't-isa sa likuran ni Top dahil sa takot habang dala-dala ang mga pinggan, baso, rice cooker at mga patola.

"Ano pong nangyari?"

Ikinuwento niya ang mga naganap mula nang bumaba siya hanggang sa magmulat siyang nasa kama na siyang muli at na nasa tabi nga niya ang papel na dapat ay nasa kabilang silid.

Napansin niyang mahigpit na ang yakap ng mga sundalo sa likuran ni Top sa mga kagamitan sa kusina na kanya-kanya nilang dinampot kanina bago siya magsimulang magkuwento.

"Top, alam po ba ninyo kung ano 'yung nangyari d'un sa kuwarto na 'yun?" tanong ni Hazel.

"Teka lang, lalabas muna ako," paalam ni Iking na handa na namang kumaripas ng takbo bago pa makapagkuwento si Sgt. Talavera.

Hinablot ni Top ang likod ng uniporme nito. "Ikaw ang magluluto ng patola. D'un ka sa kalan."

"Pero, Top--"

"Heh!"

"Opo," mabilis na sagot ng subordinate na nagmamadali namang lumapit sa lababo para ito na ang maghugas sa mga patola.

Bumuntong-hininga si Sgt. Talavera at humila ito ng upuan saka naupo sa tabi ni Hazel. Ibinaba nito ang papel sa ibabaw ng mesa sa tapat niya.

"Ang totoo niyan, ma'am, hindi po talaga namin binubuksan 'yung kuwarto na 'yun," simula nito na hindi tumitingin sa kanya. "'Yung huli po 'yang nakabukas, mahigit two years ago na po 'yun, n'ung nag-imbestiga po ang mga pulis dahil meron pong binaril na PSG d'yan."

Nakita ni Hazel na nag-sign of the cross si Iking sa may lababo.

Maging siya ay nanlamig sa nalaman. Malinaw pa sa alaala niya 'yung nakita niya kanina na hindi niya alam kung vision o panaginip o totoong nangyari.

The MansionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon