Three

4K 182 37
                                    

Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Hazel na balikan ang silid nang araw na iyon. Sinamahan kasi siya ng mga off duty na PSG habang nagsusulat siya. At dahil hindi siya masyadong maka-concentrate kapag may kasama, nakinood na lang siya ng pelikula nang magsalang ng DVD ang isa sa mga ito. Si Top ang nagluto ng hapunan para sa kanila at sabay-sabay silang kumain. Bumalik siya sa silid niya matapos tumulong maghugas ng pinggan pero hindi nawalan ng tao sa labas hanggang sa makatulog na siya kaya hindi na niya nausisa ang katabing silid.

Kinabukasan naman, maaga pa lang ay naririnig na niya ang mga kasama sa labas. Bumangon na lang din siya para masimulan na ang araw.

Matapos mag-almusal, nagpaalam na siyang lalabas muna para magkapagtrabaho. Ang totoo, gusto lang niyang maglibot sa grounds para masilayan ang poging PSG na nakilala niya kahapon. Ano'ng sabi ni Iking na pangalan ng lalaki?

Asus! Kunyari pa siyang nalimutan niya.

Dala ang Filofax, tablet at higante niyang pouch ng mga panulat, naglakad si Hazel palayo sa barracks. Doon siya sa mansion tatambay. Dadaan naman siguro si Henry roon. Makasilay man lang siya. O kung hindi man, at least tahimik doon.

Pagdating niya sa mansion, naupo siya sa harapan ng main entrance ng bahay. May ilang baitang paakyat doon mula sa driveway na may bubong. Pagkatapos ay may area sa harapan niyon na may damuhan kung saan nakatayo ang isang flagpole.

Saglit na naghintay si Hazel, nagmamasid kung sakaling mamataan niya si Henry pero nanatiling tahimik ang kapaligiran. Ubod pa rin ng lamig sa kabila ng sinag ng araw kaya hindi siya nag-alis ng jacket. Niyakap niya ang sarili habang naghihintay pero walang dumaan kahit pa 'yung mga kilala na niyang mga miyembro ng PSG.

Nagpasiya na lang si Hazel na magsimula nang magtrabaho. Sumandal siya sa dingding saka ikinabit ang keyboard niya sa tablet. Pagkatapos ay ipinatong niya iyon sa kandungan niya bago siya nagsimulang mag-type.

Nasa kalagitnaan siya ng paglalarawan sa grounds nang mamalayan niyang may nagmamasid sa kanya. Lumingon siya sa direksyon ng driveway pero napatili siya sa gulat dahil hindi niya inakalang halos nasa tabi na pala niya si Henry.

"Diyos ko ka naman, Sarge!" sigaw na naman niya pero may halo namang tuwang di niya maipaliwanag ang takot at gulat.

"Pasensya na po, ma'am."

"Ipinaglihi ka ba sa pusa?" Kinabog-kabog ni Hazel ang dibdib niya.

Nag-aalangang napangiti ang lalaki. "Sorry po talaga."

Umayos ng upo si Hazel para nasa baitang sa ibaba ng inuupuan niya ang mga paa niya. Subtle invitation ba para maupo ang lalaki sa tabi niya... kung gusto nito. Pero malabo 'yun dahil kilala naman niya ang mga sundalo. Minsan kailangang derechahan para ma-gets.

Tiningala niya ito. Ang guwapo nga rin naman talaga ni Kuya ano? 'Tsaka ang kisig din talaga. Kahit siguro sa gitna ng mga makikisig na sundalo eh stand out ito at ito pa rin ang mapapansin talaga, hindi lang dahil matangkad ito pero ang guwapo talaga eh.

Natawa na lang siya nang mapagtantong pinagmamasdan din siya nito. "Ako nga po pala si Hazel," sabi niya na inaalok ang kamay rito. "Kayo po si Henry, di po ba?"

Tumungo ang sundalo sa kamay niya at tiningnan iyon na tila ba nagdadalawang-isip ito na makipagkamay sa kanya. Teka, marumi ba 'yung palad niya? Bago niya iyong mabawi sa pagkapahiya, inabot na iyon ng lalaki. Pero pinisil lang nito iyon bago mabilis na binitawan. Halos hindi naramdaman ni Hazel ang pagdantay ng palad nito sa palad niya. Mahiyain ba ito o takot ito sa germs ng ibang tao? Di naman siguro. Mahirap maging sundalo kung madirihin.

"Ba't po hindi kayo sumasabay sa almusal?" pangungilit niya dahil baka bigla na naman siya nitong layasan kung wala siyang matinong topic na maisip. "Ah, opo nga pala. Taga-dito kayo sa Baguio so malamang nag-aalmusal na kayo sa bahay bago kayo pumasok. Ano'ng oras po kayo pumapasok?"

The MansionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon