Uno

624 49 36
                                    

Ang Prinsesa ng Tondo

Paikot-ikot ang katawan ko sa kawalan. Bumabagsak ako at pakiramdam ko ay may pwersang humihigop sa akin nang buo. Kung ito na ang katapusan ko, sana'y maganap na dahil pakiramdam ko hihiwalay na ang katawan ko sa kamalayan ko.

Bumagsak ako sa malamig at basang lupa. Umuulan kaya't nararamdaman ko ang pagbagsak ng ulan sa aking mukha at buong katawan. Nakadapa ako habang malalim ang paghinga.

Tangan ko pa rin ang sugat na iginawad sa akin ng taksil na iyon, kaya nauubos na rin ang aking lakas. Hindi ko na maikilos ang aking mga kamay at paa. Nalalapit na ang aking tuluyang pagkawala.

Hanggang sa may narinig akong boses. Isang boses na malapit lang sa akin. Hindi ko siya nakikita ngunit alam kong malapit lang siya. Nagsasalita pa rin siya ngunit nanlalabo na ang paningin ko. Basta nararamdaman ko pa na may mga kamay na humahawak sa akin. Gusto kong sumigaw ng 'Lapastangan' dahil hindi nila inaayos ang pagkakahawak sa akin ngunit tuluyan na akong hinatak ng antok.

Nagising ako dahil may dumadampi sa pisngi ko. Isang kamay na may hawak na pamunas ang una kong nakita pagmulat ko ng aking mga mata, na pagmamay-ari ng isang dalaga. "Gising ka na pala Kuya."

"K-Kuya?" Pag-ulit ko sa sinabi niya dahil hindi ko naman siya kapatid.

"Ay, bet ko ang boses mo. Husky," sagot niya sa mabilis na paraan kaya wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. "Hi Kuyang Pogi. Ano ang pangalan mo?" Kumakaway pa siya sa akin mula sa kinauupuan niya at bigla akong naasiwa sa kanya.

"Hindi mo ba ako nakikilala?" Mahinang tanong ko sa kanya dahil imposible namang hindi.

Napatakip siya sa bibig niya na tila nagulat. Sinasabi ko na nga ba. "Ay teka, sikat ka ba Kuya? Sabi na eh! Teka, artista ka ba? Model? Celebrity?"

Nakaramdam ako ng pagkahilo sa mga pinagsasabi niya. "Hindi kita maintindihan. Asan ba ako?"

"Nandito ka sa puso ko. Charing!" Aniya na hindi ko na naman naintindihan. "Pero seryoso Kuya, nandito ka sa bahay ko, dito mismo sa kwarto ko."

"Nasaan ba ako? Sa Azoedia ba ito?"

"Ano? Azowbia?"

"Azoedia, ang kabisera!"

"Ay hindi Kuya," tugon niya. "Nandito ka sa lugar ng mga siga at matatapang! Kung saan isinilang si Gat Andres Bonifacio! Ang isa sa mga sinaunang kaharian dito sa bansa, Tondo, Manila, Philippines!"

Nakatingin lang ako sa kanya. Wala kasi akong naintindihan. Siguro'y isang kalaban ang isang ito sapagkat nililinlang niya ako. "Tondo?"

"Uh huh."

"Sabi mo isa itong dating kaharian?"

"Uh huh."

Napaisip ako. Sa pagkakatanda ko, wala namang ganung kaharian na iyon ang pangalan. Kaya ngayon sigurado na akong niloloko ako ng babaeng ito. Sinamaan ko siya ng tingin. "Kay lakas ng iyong loob na lokohin ako, babae. Hindi mo ba talaga nakikilala kung sino ako?"

"Sorry naman pero hindi eh! Sino ka bang talaga?"

"Ako si---" sasagot na sana ako nang biglang bumukas ang pinto ng silid na ito at tumambad sa amin ang tatlong lalaki na may hawak na mga bagay. Nakatutok iyon sa amin.

"Taas ang kamay! Raid 'to!" Sigaw ng isa sa mga lalaking pare-pareho ang kasuotan.

Agad namang nagtaas ng kamay ang babaeng kasama ko. "Teka po Mamang Pulis, ano pong meron? Jusko naman hindi po kami mga adik!"

"Hindi kami nanonokhang!" Giit ng lalaki na sa tingin ko ay may hawak ng isang uri ng sandata. "May nakapagtimbre sa amin na nandito raw sa unit na ito ang leader ng Dugo-Dugo Gang na si Romeo Sasalico alyas Boy Balbas!"

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon