Ang Wikang Alam ni Boy Bigwas Na Hindi Alam Ni Xyron
Nilukob ako nang matinding galit, siguro dahil na rin sa kadahilanang may marka nga si Boy Bigwas ng tatsulok na siyang nagpapahirap sa bayang ito. Kaya hindi ko na pinigilang ilabas ang aking mga kakayahan. Isang lundag, isang sipa, at ilang siko at suntok ang natanggap nila sa'kin sa ilang segundo lamang. Basta't paglapag ko sa semento ay lahat sila ay nakahiga na. Wala ng malay ang mga ito maliban kay Boy Bigwas na nanlalaki ang mga mata na nakatingin sa'kin. "S-Sino ka?"
Yun ang tangi niyang tanong habang tinititigan ko siya. Nagdadalawang-isip kasi ako kung tatapusin ko siya ngayon o hindi. Mukha kasing hindi rin nila ako titigilan. Ayoko rin namang madamay si Tiffany sa gulong ako lang naman ang walang kamalay-malay na pumasok.
"Ako nga si Xyron."
"H-Hindi yun...ang...ang ibig kong s-sabi...hin," hinihingal niyang tugon. "Sino k-ka at bakit s-sobrang lakas mo? M-Mabilis ka din..."
Napangisi ako sa mga papuri niya. "Ako nga si Xyron. Isa akong Emperador."
"Emperador?"
Tumango ako. "Ako ang pinakabatang naging Emperador sa lugar na aking pinanggalingan. Ako ang humalili sa dating Emperador na si Emperador Brandy."
"Pinagloloko mo ba ako?" Giit niyang tila naasar sa sinabi ko.
"Hindi kita niloloko, Boy Bigwas. Ang totoo niyan, kaya kong kitilin ang mga buhay niyo sa isang pagsugod lang, pero hindi ko ginagawa dahil maawain akong Emperador."
"Nag-training ka ba sa martial arts? Martial artist ka ba?"
Kumunot ang noo ko sa mga tanong niya. "Hindi ko alam kung ano ang mga sinasabi mo."
"Pansin ko nga," aniya. "Napapansin kong hindi mo naiintindihan kapag Ingles. Hindi ka rin siguro nakapag-aral tulad ko."
Natawa ako dun. Itinuro ko ang sarili ko at taas noo akong tumawa nang malakas. "Ako? Hindi nakapag-aral? Ako, na isang Pantas, na siyang pinakamatalinong angkan sa buong mundo, ay hindi nakapag-aral? Nakakatawa naman iyon. Hindi mo alam kung ilang aklat na ang nabasa ko sa puntong ito, Boy Bigwas. At walang kaalaman na hindi ko pa napag-aaralan. Walang kasaysayang hindi ko pa naulinigan. Ganun ako katalino, at ganun ako kadakila."
Natawa na rin si Boy Bigwas. Hindi yata siya makapaniwala sa lawak ng karunungan ko. Kung sabagay, kahit sino naman ay hindi makapaniwala kapag natutuklasan nilang walang kaalaman na hindi ko pa napag-aralan. Iyon ang aking maipagmamalaki sa kahit sino man. At iyon ang hinding-hindi makukuha ng ulupong na si Yohan Caleb. Kung ipagkukumpara ang mga laman ng aming mga utak, ang sa kanya'y parang sa isang disyerto. Tuyo at walang buhay. Habang ang sa akin ay tila isang masaganang gubat sa gilid ng isang bukal. Kumpleto sa lahat ng magbibigay buhay sa kahit anong nilalang.
"Sa tingin ko marami ka pang hindi nalalaman Emperador Xyron," panunuya niya. "May mga bagay ka talagang hindi mo maiintindihan."
"Talaga? Ano naman yun?" Panghahamon ko.
"Tulad na lang ng kung anong meron sa The quick brown fox jumped over the lazy dog."
"HA?"
"Kita mo na? Ni hindi mo nga naintindihan ang sinabi ko! Bwahahaha!"
Nagpupuyos na ako sa galit dahil sa pagtawa niya sa akin. Hindi kasi maaari ito! Hindi pwedeng may alam siya na hindi ko alam!
"Ulitin mo ang sinabi mong mga kataga, Boy Bigwas!" Utos ko sa kanya pero mas lalo lang lumakas ang tawa ng gago, at marami pa siyang sinabi na di ko rin maintindihan, tulad na lang ng kung bakit daw ba doo, doo, doo, ang huni ng baby shark kung nasa ilalim naman ito ng tubig. Naiinis ako dahil hindi ko malaman ang mga pinagsasabi niya. Kaya ang ginawa ko, sinapak ko siya at tumama ang ulo niya sa semento at nawalan siya ng malay. Umuwi ako kina Lala at hindi ako natulog buong magdamag.
BINABASA MO ANG
The Misadventures of the Black Hole Emperor
AdventureQuiarrah Spin-off Story Clueless ang Emperador na si Xyron sa mundong kanyang napuntahan pagkatapos siyang matalo ng Diyos ng Kamatayan. Habang nasa mundong ito, makikilala niya si Tiffany, ang babaeng sasagip sa kanya, si Serge, isang drug-dealer...