Ventei y Uno

135 10 2
                                    

Ang Pagsabog

Wala na akong sinayang na panahon. Kaagad akong nakipagkita kay Serge para pag-isipan kung ano ang gagawin namin. Hindi maaaring saktan nila si Tiffany lalo na't wala naman siyang kinalaman sa gulo sa pagitan ng dalawang grupo.

"Hindi ako makapaniwalang nahuli nila si Madam Jaja," ani Serge. Nasa manibela siya ngayon ng sinasakyan naming van na tinatahak ang SLEX. Patungo kamu ngayon sa meet up place nina Damian at Abel. Katabi ko siya habang sinusubukan kong tawagan ang tampalasang si Damian.

Sa mga leader ng bawat chapter ng pangkat ni Madam Jaja, isa sa mga palaging bukambibig ng mga tao sa loob ng samahan ay ito ngang si Damian na sinasabing susunod na magiging pinuno kapag mapahamak si Madam Jaja. Wala raw kinatatakutan at lalong walang sinasanto ang lalaking ito, na sinasabing ilang malalaking tao na rin daw ang napatay sa larangang ito.

"Hindi kaya may nagtraydor sa atin? Wala namang nakakakilala sa itsura ni Madam Jaja sa labas ng grupo eh. At sigurado ako na kahit mismo sina Abel at Rudel ay hindi kilala nang buo ang itsura ni Madam."

Sang-ayon ako sa sinasabi ni Serge. Sobrang maingat si Madam Jaja. Kapag lumalabas siya ay palagi siyang nakaduot ng mask o kaya ay disguise. Imposibleng nakita na nina Abel ang mukha ni Madam Jaja nang buo. Kahit nga mga miyembro namin, tulad nina Boy Bigwas, ay hindi pa nakikita ang tunay na mukha ng pinuno namin. Kaming mga leader lang ang nakakakita sa mukha niya ng walang takip. Kaya kung paano nila nahuli si Madam Jaja, hindi ko alam. Inside job lang ang nakikita kong kasagutan sa nakahaing palaisipan sa amin ngayon.

"Saka na siguro natin isipin yan kapag nabawi na natin sina Tiffany at Madam Jaja. Ang kailangan nating gawin ngayon ay mag-isip ng paraan para mabawi sila..." nang hindi ko naibubunyag na may kakayahan ako at hindi ako mula sa mundong ito, pagtatapos ko sa sinasabi ko sa utak ko.

Kung labanan lang kasi ang pag-uusapan, batid kong kaya ko silang patumbahin lahat. Ang mahirap ay kung paano ko iyon magagawa nang hindi maghihinala sa akin ang mga kasamahan ko. Sa puntong ito kasi, marami-rami na rin akong nagagawa na magpapataas ng kilay ng mga kasama ko. Pasalamat nga ako't hindi pa nila ako pinagdududahan ngayon.

"Kung tama ang narinig ko kina Ricky at Low, Xyron, eh kakilala ng syota mo ang mag-utol, di ba?"

Tumango ako. "Kababata niya sina Rudel at Abel."

"Kaya pala..." ani Serge na napatango. "Ngayon naiintidihan ko na kung bakit si Tiffany ang hinihingi nilang kapalit kay Madam Jaja. Mukhang sangkot pala sa magulong buhay na 'to ang chicks mo pre, eh."

Napabuntong-hininga ako dahil kahit ngayon ay nahihirapan akong tanggapin ang katotohanang iyon. Ayoko kasi sana siyang maging bahagi nang masalimuot na mundong ito. Ngunit wala na akong magagawa sa bagay na iyon. Konektado na siya noon pa sa mga karibal ni Madam Jaja kaya ang tanging magagawa ko na lamang ngayon ay bawiin siya mula sa Damian na iyon at protektahan siya. Mula ngayon, kailangang nasa tabi ko na siya palagi.

"Ang ipinagtataka ko lang, Serge," sambit ko, "eh kung paano nakilala ni Damian si Tiffany."

"Hindi ka na dapat magtaka," sagot niya naman agad. "Dating kanang kamay ni Abel si Damian na lumipat lang sa'tin. Kaya malamang kilala na niya ang syota mo. Posibleng magkakilala na sila noon pa kaya alam din niya kung saan nakatira si Tiffany."

"Kaya pala..." Kaya pala ang daling matunton ni Damian si Tiffany. Posibleng kakilala nga niya ang mga ito. "Teka, paano kung itong si Damian ang traydor? Paano kung espiya siya ni Abel sa atin?"

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon