Nueve

271 30 9
                                    

Ang Bagong Bodyguard



Parang may isang panibagong mundo ang nagbukas sa akin ng dahil sa Internet--- magdamag na naman akong gising dahil sa kaka-browse ko sa mga sites. Nakabili na kasi ako ng isang panibagong smart phone at pinag-aralan ko kung paano ito gamitin.

Malaki ang naitulong sa'kin ng dictionary na ibinigay ni Tiffany, kaya't naintindihan ko agad ang pasikot-sikot sa cellphone. Dahil na rin sa aking taglay na matalas na pag-iisip, hindi ako nahirapang intindihin ang mga salitang Ingles, hanggang sa natuklasan kong may application sa Playstore na nagtuturo ng basic English.

Tuwang-tuwa ako dahil ang bilis kong natutunang mag-English. Nang pakiramdam ko ay kaya ko na, nagpunta na ako sa Internet at nagsimula na akong mag-research. Kay raming bagay ang natuklasan ko doon. Gumawa din ako ng accounts tulad ng sa Facebook. Nagtingin-tingin ako doon nang tabihan ako ni Tiffany sa inuupuan ko.

"Bago ang phone mo ah. Bilis mo naman yatang magkaroon niyan. Di ba kakapasok mo lang sa trabaho mo?" Tanong niya.

"Mabait kasi ang amo ko," paliwanag ko naman pero mukhang hindi siya kumbinsido.

"Ikaw Xyron ah, ayusin mo yan... Baka mamaya nanghahablot ka pala ng cellphone sa may Recto kukutusan talaga kita 'pag nagkataon."

"I'm not a thief, Tiffany," sabi ko na ikinatawa niya.

"Sosyal! Spokening dollar ka na!"

"Of course. May binasa din naman kasi akong mga English novels dito sa Internet."

"Talaga? Ano naman?"

"Tulad ng To Kill A Mockingbird, The Catcher in the Rye, Love in the Time of Cholera, at Dorian Gray. Tapos binabasa ko na rin ngayon ang Harry Potter series..." Nakanganga na pala sa akin si Tiffany habang nagsasalita ako, kaya ako na mismo ang nagsara sa bibig niya sabay kindat sa kanya. "Baka mapasukan ng langaw ang bibig mo, Tiffany."

Hinampas niya ako sa braso ko. "Ikaw kasi eh! Wag mo akong bibiglain nang ganun! Hindi ako prepared!" Nagkakatawanan kaming dalawa nang dumating sina Lala at Loriebelle na nagbubulungan. Nang makita nila kami sa labas ng bahay ni Tiffany, agad nila kaming nilapitan.

"Uy, Ate Tiffany! Kuya Xyron! Nakita niyo na ba 'tong trending na video sa Facebook? Nakakakilig talaga as in super!" Ipinakita nila sa amin ni Tiffany ang video sa phone nila at pinanood namin ni Tiffany ang video. Kuha iyon ng isang babaeng nahilo sa daan at muntik nang mawalan ng malay, tapos may sumaklolong traffic enforcer sa kanya. Dinala nito ang dalaga sa ospital at binigyan pa ng bulaklak at get-well card. At dahil sadyang may itsura ang lalaki ay maraming netizens ang kinilig sa ginawa nitong pagtulong sa dalaga. Inaabangan na nga raw ngayon ng mga tao kung magkakatuluyan sila o hindi.

"Grabe no? Swerte ni Ate! Hinimatay lang dahil sa init ng panahon, magkakajowa pa yata!"

"Oo nga eh," tili pa ni Loriebelle. "Couple goals! Mapi-feature yan sa KMJS tingnan niyo... Yieee....."

"Sus!" Kontra naman agad ni Tiffany. "Couple goals couple goals. Walang poreber!"

Ngumuso sa kanya si Lala. "Alam mo Ate ang bitter mo talaga."

"Kasi totoo namang mahirap na makahanap ng true love ngayon mga bessy," sagot naman ni Tiffany. "Pupusta ako, hanggang landian lang ang dalawang yan."

"Paano mo nasabi?"

"Basta... abangan niyo na lang sa tv," aniya. "Una, siyempre mapi-feature sa KMJS ang love story nila. Tapos kapag ikasal na sila, sa Magpakailanman naman yan sila ipapalabas. And then magkakaroon sila ng away at magkakasakitan sila, hanggang sa may makukulong sa kanila. Diyan naman papasok ang Imbestigador. At siyempre mahihirapang maka-move on 'yung girl kaya sasali siya bilang studio contestant sa Wowowin at doon niya ipapakilala kay Kuya Will ang pinakapogi niyang Tatay. Tapos 'yung pinakapogi niya namang Tatay, grab the opportunity na kasi nga national tv na yan, so mega talak siya ngayon ng mga hugot sa buhay tapos 'yung girl hindi rin magpapatalo yan. Super banggit din siya ng mga pinagdaanang dagok sa buhay at magpapasalamat siya sa tatay niya dahil di siya itinakwil kahit na nagpakatanga siya sa pag-ibig. Tapos sasabihin niya kay Kuya Wil na kakanta siya bilang talent niya, at magco-concert siya dun kahit na boses ipis siya."

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon