Ang Malaking Tindahan
Kahit wala naman akong kasalanan ay napatakbo na rin ako nang marinig ko ang sunod-sunod na malalakas na putok ng kung anong bagay. Mabuti na lang at sadyang maliksi ako kaya't hindi naman ako naabutan ng kung sino mang humahabol sa akin.
May masikip na pasilyo akong nadaanan at doon ako nagtungo hanggang sa marating ko ang isang daan na maraming tao. Humalo ako sa karamihan at naglakad-lakad. Maya-maya, may narinig akong dalawang babae na nag-uusap at sinundan ko sila.
"Ang lalakas ng loob ng mga hinayupak!" Singhal ng babaeng may katandaan na. "Talagang sa kasikatan ng araw pa ginagawa ang transaksyon! Eh matagal na pala silang minamanmanan ng PDEA!"
"Nagkaputukan na pala diyan sa kabilang kalye! Nandiyan daw 'yung iskorer tsaka 'yung runner!"
"Yun nga lang hindi daw naabutan!" Sagot ng kasama nito at agad kong napagtanto na isa ako sa pinag-uusapan ng dalawa. "Mabilis daw tumakbo eh! Parang di daw tao!"
"Jusko kaya nga runner di ba? Natural mabilis talaga 'yung tumakbo!"
"Mabilis na parang kabayo? Aba, baka dating atleta ang gunggong! Ang tatanga nga lang nila at dito pa talaga sila sa Tutuban nagnenegosyo!"
Hindi na ako nakatiis at sumabat ako bigla. Kinalabit ko si manang at nanlilisik ang mga mata ko sa kanya. "Hindi mo ako kilala! Kaya hindi mo ako dapat iniinsulto dahil walang Pantas na tanga! Naiintindihan mo ba, gurang?"
Napanganga sa akin ang dalawang babae, bago din ako pagsisigawan. "Aba, bastos kang bata ka ah! Bakit ka naninigaw? Inaano ka ba? Teka, ikaw ba 'yung hinabol ng mga pulis kanina?" Tanong nito at nakakuha na kami ng atensiyon ng mga tao sa paligid namin kaya nagdalawang-isip na ako kung makikipag-away pa ba ako.
"Mare, hindi yata..." buti na lang at nagsalita ang kasama nito na animo'y sinusuri ako. "Baka akala niya siya 'yung sinasabi nating tanga..."
"Tara na nga! Baka manakit pa yan!" Dagdag naman nito na masama pa rin ang tingin sa'kin. "Iba na talaga ang mga kabataan ngayon! Kasalanan 'to ng PBB eh!" Naglakad na sila palayo at kumilos na din ako upang hanapin ang mga kasama ko kanina. Mabuti na lang at medyo natatandaan ko pa naman kung saan ako nanggaling kanina, ngunit napahinto ako sa aking nakita sa tindahan na nasa aking kaliwa.
Naeskandalo ako sa nakita kong ibinebenta ng isang lalaki na nakalatag pa sa sahig! Mistulang mga laruan lamang ito na may kawangis ang hugis kung ibenta dito sa lugar na ito! Sadyang kapangahasan at kawalan ng moralidad! Agad kong itinuro ang tindero. "Ikaw! Wala ka na ba talagang kahihiyan? Bakit ganyan ang iyong mga paninda! Kay bastos mo!"
Akmang sisipain ko na sana ang mga paninda niya ng may mga kamay na humigit sa'kin palayo sa lalaki at ng mga makasalanan niyang paninda. "Xyron, jusko bakit ka tumitingin sa mga vibrator?" Tanong sa'kin ni Tiffany na parang siya pa ang naeskandalo. "Teka, don't tell me gumagamit ka nun?"
"At sa anong kadahilanan ko naman gagamitin ang mga malalaswang bagay na iyon?" Sagot ko sa kanyang nagagalit na rin. "At ikaw babae, bakit ba ang tagal mo? Sa sobrang tagal mong dumating, kung ano-ano na ang nangyari sa akin dito!"
"Sorry naman!" Aniya. "Nagtratrabaho nga ako di ba? Pasalamat ka nga at pinayagan ako ni bossing na puntahan ka. Naloka kasi ako sa mga texts ni Loriebelle! Hindi daw nila kinakaya ang powers mo! At tsaka nakita ka daw nilang nakipag-usap dun sa mga siraulong yun? Sina Boy Bigwas? Hoy lalaki ka sabihin mo lang kung gusto mong maging kriminal at nang mapalayas kita sa bahay ng mas maaga!"
"Ang ingay mo sa tenga!" Reklamo ko naman dahil parang bulkang putok nang putok ang bunganga nitong si Tiffany, kanina ko pa siya gustong sampalin tulad ng ginagawa ko sa mga pasaway kong mga tagapagsilbi sa Azoedia.
BINABASA MO ANG
The Misadventures of the Black Hole Emperor
AdventureQuiarrah Spin-off Story Clueless ang Emperador na si Xyron sa mundong kanyang napuntahan pagkatapos siyang matalo ng Diyos ng Kamatayan. Habang nasa mundong ito, makikilala niya si Tiffany, ang babaeng sasagip sa kanya, si Serge, isang drug-dealer...