Ang Gusaling May Pula at Dilaw na Pintura
"Bitiwan mo muna ako, Xyron!" Hinihingal pa si Tiffany nang mapahinto kami sa isang madilim na eskinita. Medyo nakalayo na kami mula sa kinaroroonan nina Abel at nung Rudel na yun. Napahawak ako sa pader at napayuko ako. Kahit na nagawa kong makatakas, napagod din ako sa mga ginawa ko lalo na't gumamit ako nang kaunting Majika.
"Sumunod ba sila?" Mahina ngunit sapat na madinig ni Tiffany ang tanong ko.
"Sa tingin mo ba masusundan pa nila tayo pagkatapos nang ginawa mo sa kanila?" Sermon sa akin ng kasama ko. "Baka nga nap-patay mo na sila eh!" May nginig sa boses na iyon ni Tiffany kaya't napatingin ako sa kanya.
Natigilan ako nang makita kong nanginginig nga siya at halatang maiiyak na. Bakas sa mukha niya ang pangamba. At alam kong magmamarka sa kanya ang nakita niya kanina.
Ano nga ba ang tawag sa ganung karanasan? Trauma? Yun yata yun. Nabasa ko na ang tungkol dun sa ilan sa mga aklat na nabasa ko rito sa mundong ito. Kung tama ako, hindi lang basta takot sa naganap ang meron ngayon si Tiffany kundi takot mismo sa'kin. At hindi iyon maaaring maganap.
"Tiffany... sorry..." sabi ko sa kanya. Hinawakan ko siya sa mga kamay niya at tinitigan nang mataman. "Alam ko na nag-aalala ka sa mga yun---"
Pinandilatan niya ako agad at nagsituluan na ang mga luha niya. "Natural mag-aalala ako sa magkapatid na yun, Xyron! Mga kababata ko sila! At best friend ko si Rudel!"
"Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko," giit ko naman dahil medyo hindi ko rin nagustuhan ang sinabi niya. "Nakita mo kung ano ang ginawa nila sa akin."
"Alam ko naman yun Xyron pero kailangan mo ba talagang gamitin ang powers mo sa kanila?" Giit niya sa akin. Namalayan ko na lang na nakatulala na ako sa kanya dahil sa mga sinasabi niya.
"Tiffany, kung hindi ko ginawa ang ginawa ko, ako ang papatayin nila."
"Kahit na!"
Kumunot ang noo ko sa sinagot niya. "Kahit na? Kahit na binaril nila ako? Ibig sabihin ba nito, mas kinakampihan mo sila?"
"Wala akong kinakampihan," paliwanag niya, "pero kung hindi ka rin naman sumugod doon, hindi ka rin naman nila sasaktan. Akala ko pa naman, matino ang trabaho mo, Xyron. Yun pala, katulad ka rin naman pala nila Kuya Abel. Pare-parehas kayong nasa mundo ng mga sindikato!"
Hindi na ako nakasagot doon sa sinabi niya kahit na gustong-gusto ko siyang sagutin. Alam ko rin naman kung ano ang iniisip niya. Na masama rin akong tao dahil ano pa nga ba ang dahilan ko kung bakit ako nandoon sa teritoryo nina Abel? Siguro sa paningin ni Tiffany ngayon ay isa na rin akong mamamatay-tao.
"Wag na muna tayo magtalo, Tiffany. Kailangang lumayo muna tayo. Tara na," sabi kong tumalikod na at naglakad. Hinila ko na siya sa kamay at tahimik na kaming naglakad sa pasilyo. Binunot ko naman ang phone ko gamit ang isa kong kamay at kinontak ko na sina Serge, Ricky, at Low.
Tahimik lang kaming naglalakad ni Tiffany. Alam kong galit pa siya sa ginawa ko at medyo naiinis din ako na parang mas nag-aalala pa siya doon sa dalawa kesa sa akin na nabaril. Ayoko nang mag-away pa kami dahil nga may sama ng loob na siya nang umalis siya noon. Gusto ko sana magkasundo na kami ngayon.
Nang makalusot na kami sa kabilang kalsada, natanaw ko sa pinakamalapit na kanto ang sasakyan namin ni Serge na nakaparada sa tapat ng walang taong palaruan ng mga bata. Ang alam ko children's park ang tawag dito.
Lumapit na kami ni Tiffany sa sasakyan. Binuksan agad ni Serge ang pinto sa likod ng sasakyan at sumakay kami agad sabay biglang andar ng sasakyan. Nakita kong namumutla si Tiffany, siguro dahil hindi niya kilala ang mga kasama ko sa loob ng sasakyan kaya hinawakan ko ulit ang kamay niya nang mahigpit. Nginitian ko siya para hindi na siya matakot, bago ko tiningnan ang mga kasama ko.
BINABASA MO ANG
The Misadventures of the Black Hole Emperor
AdventureQuiarrah Spin-off Story Clueless ang Emperador na si Xyron sa mundong kanyang napuntahan pagkatapos siyang matalo ng Diyos ng Kamatayan. Habang nasa mundong ito, makikilala niya si Tiffany, ang babaeng sasagip sa kanya, si Serge, isang drug-dealer...