Trese

178 21 1
                                    

Ang Mga Butas


Dalawang gabi ng hindi umuuwi si Tiffany sa bahay niya kaya nag-aalala na ako. Nagpatulong na nga ako kina Loriebelle at Lala na hanapin niya pero hindi namin siya nahanap. Umabsent pa nga ako sa trabaho para lang hanapin siya. Ngunit hindi talaga namin alam kung nasaan siya. Hindi ko naman masabi sa dalawa kung bakit siya umalis ng walang paalam. Alam ko kasing mas kamumuhian ako ni Tiffany pag sinabi ko ang mga nakita ko sa kanya gamit ang aking Marka.

"May isa pa kaming alam na pwede niyang puntahan, Kuya Xyron," nag-aalalang suhestiyon ni Lala sa'kin. Kinulit ko pa kasi silang dalawa ni Loriebelle kung may alam pa silang pwedeng puntahan ni Tiffany.

"Saan naman?"

"Sa San Jose del Monte sa Bulacan," sagot ni Lala.

Kumunot ang noo ko dun sa binanggit niyang lugar. "Di ba nasa hilaga yun ng Tondo? Isang probinsiya ang Bulacan di ba?"

Natatawang tumango si Lala. "Ang weird mo talagang magsalita, Kuya Xyron. Pero tama ka sa mga sinabi mo. Siguro mga eighty percent sure ako na baka nandoon nga si Ate Tiffany. Yan ay kung tama ang hinala ko na nagkaroon kayo ng LQ at ayaw ka na niya munang makita."

Inirapan ko siya. "Hindi kami nag-LQ," giit ko. Alam ko na kasi kung ano yun. Nabasa ko na sa Internet.

Pero humagikhik lang dun si Lala. "Deny pa more! Pero sige, bahala kayo sa trip niyo. Malalaki na naman kayo eh!"

"Wala kaming relasyon kung yan ang tinutumbok mo," paglilinaw ko pa. "Pero teka nga Lala, bakit dun sa Bulacan magpupunta si Tiffany kung sakali? Ano namang meron dun?"

"Ganito kasi yun Kuya," aniya. "Doon kasi nakatira si Kuya Rudel."

"Rudel? Sino yun?"

"Best friend ni Ate Tiffany."

"Best friend?" Naguguluhang ulit ko sa sagot ni Lala. Meron pala siyang ganun?

Natawa na naman sa akin si Lala. "Don't tell me hindi mo alam kung ano ang best friend?"

"Alam ko kung ano yun," sabi ko agad. "Nagulat lang ako na meron siyang ganun."

Tumango-tango naman si Lala. "Kung sabagay, loner kasi si Ate Tiffany kaya di mo aasahan na may mga close friends siya. Pero yun nga, may bff siya dati. Yun si Kuya Rudel."

"Dati? Bakit dati?"

Tila nag-alangan pang sumagot si Lala. "Eh kasi nga nagkalabuan sila nung... nung nalaman ni Kuya Rudel na yun nga...na---"

"Na naging prostitute dati si Tiffany," dugtong ko sa sinasabi niya kasi parang wala naman siyang balak sabihin yun sa'kin nang diretso. "Huhulaan ko. Ayaw nung Rudel sa natuklasan niya. Nandiri siya na ganun ang matalik na kaibigan niya."

"H-Hindi naman sa ganun," sabi agad ni Lala. "Kuwan kasi...si Kuya Rudel---"

"May pagtingin siya Tiffany. At nasaktan siya nang malaman niya na isang prostitute si Tiffany," pagkumpleto ko na naman sa sinasabi niya na ikinalaki ng mga mata niya.

"Paano mo nalaman yun Kuya?" Gulat na tanong niya. "Kinuwento na ba sa'yo ni Ate Tiffany ang tungkol dun?"

Umiling ako. "Kakatanong ko pa lang sa'yo kung sino si Rudel di ba?"

"Ah oo nga pala. Sorry naman." Humagikhik na naman siya na nadiskubre kong nakakairita pakinggan. Kaya napailing ako. Yun nga lang iba ang basa ni Lala dun sa pag-iling ko. "Kuya, hindi mo ba pupuntahan dun sa Bulacan si Ate Tiffany?"

"Hindi ko alam," pag-amin ko dahil totoo iyon. Hindi ko talaga alam kung dapat ko nga ba siyang puntahan doon.

"Kuya naman eh! Puntahan mo na! Gusto mo samahan ka pa namin ni Loriebelle!" Sabi niyang nagtatatalon pa. "Halata namang hindi ka na mapakali! Ikaw din baka magsisi ka kapag di mo siya pinuntahan doon! Baka magkabalikan pa ang dalawang yun! Ikaw din ang kawawa no!"

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon