Ang Alyas
"Hindi mo dapat yun sinabi sa kanya," galit na sabi sa'kin ni Lala nang malaman niya ang nangyari sa pagitan namin ni Tiffany. Hindi ako kinausap ni Tiffany nang sundan ko siya kaya sinabi ko na kay Lala ang nangyari. Nandoon ngayon sa bahay niya si Tiffany at nagkukulong doon. Kumatok na nga ako at sinabihan siyang mapanganib na naroon siya dahil nga kina Boy Bigwas ngunit ayaw niyang makinig sa'kin.
"Sinabi ko lang naman kung ano ang nalalaman ko," sabi ko. "Ano ba ang masama dun?"
"Masama? Seryoso ka, Koya? Tinatanong mo yan?" Parang gigil na rin sa'kin si Lala kaya itinulak niya ako palabas ng bahay niya. "Alam mo, bakit hindi ka muna magpahangin sa labas? Para naman mahipan nang preskong hangin 'yang utak mo! Insensitive!"
Wala na akong magawa nang ipagtulakan niya ako palabas sabay tikom ng pinto. Gusto kong magalit at magsisigaw sa pagkaasar dahil ngayon lang ako nakaranas ng ganitong uri ng kabastusan.
Ang lakas ng loob ng Lala na iyon! Isa akong Pantas! Ako ang Emperador! At di hamak na mas mataas ang aking antas sa lipunan!
Ngunit kahit ganun, napahinga na lang ako nang malalim dahil ayoko rin namang makipag-away sa mga taong tumutulong sa'kin habang nandito ako sa kaharian ng Tondo. Kaya ang ginawa ko, lumabas na lang ako at naglalakad-lakad sa labas. Nang mapadaan naman ako sa bahay ni Tiffany, nakita kong bukas ang ilaw sa loob at kahit papano'y gumaan ang loob ko dahil hindi siya lumayo.
Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad, patungo sa isang bulwagan kung saan may mga kalalakihan doon na naglalaro. Pumasok ako sa bulwagan at naupo sa mga sementong upuan sa gilid gaya ng mangilan-ngilang taong nanonood rin ng laro.
Pinagmasdan ko ang mga lalaki. Nag-aagawan sila sa iisang bola at nag-uunahan silang ihagis at ipasok iyon sa isang posteng may butas. Napansin kong nagpaparamihan sila ng puntos doon.
"Kuya, bili ka ng ice candy..."
Nag-angat ako ng tingin sa isang batang lalaki na lumapit sa'kin. Madumi siya at maitim, ngunit nakangiti siya sa'kin gamit ang mga mata niya. May inaalok siyang pagkain sa'kin. "Ano yan?"
"Ice candy, kuya pogi," sagot niya at napansin kong may pagkamalamya ang tinig niya. "Ube flavor. Masarap 'to."
"Magkano?" Tanong ko na lang dahil hindi ko naman alam kung ano 'yung ube flavor."
"Lima lang Kuya."
Kinapa ko ang bulsa ng suot kong pantalon at binilang ko ang mga baryang naroon. Marunong na kasi ako ngayong magbilang ng pera nila sa mundong ito. Tinuruan ako ni Tiffany. Madali lang naman pala.
"Sige, bigyan mo ako ng isa."Natuwa ang bata at nagpasalamat pa. Tinikman ko ang ice candy at masarap naman. Sa katunayan, nagustuhan ko ang tamis nito. Ngayon ko nga lang natikman ang ganitong uri ng pagkaing malamig. "Kuya, baka gusto mo pa ng isa?" Alok pa ng bata.
"Wala na akong pera. Saktong lima lang ang dala ko."
Sumimangot ang bata, pero naupo na rin siya sa tabi ko, na ikinagulat ko. Nakatingin na rin siya sa mga naglalaro. May mga babae sa kanan namin ang nagtilian ng isa sa mga lalaking naglalaro ang nakapasok ng bola doon sa posteng may butas. "Hays, ang popogi nila no, Kuya? Ang sasarap pa. Maglaro ka din kaya, kuya pogi, Para pagkakaguluhan ka rin ng mga hitad."
Natawa ako doon sa sinabi niya. "Bakit naman ako magpapakapagod na makipag-agawan ng bola kasama sila? Bibili na lang ako ng sarling bola ko. Hindi pa ako mapapagod."
Natawa na rin ang batang katabi. "Anubey, kuya. Joker ka pala eh. Pero sabagay may point ka rin. Kaso Kuya pag basketball player ka, marami kasing hahanga sa'yo. Admirers ba." Kinindatan pa ako ng batang lalaki na nagpaasiwa sa akin nang bahagya. "Basta kasi gwapo ang naglalaro, sikat dito Kuya. Sali ka kaya sa liga?"
BINABASA MO ANG
The Misadventures of the Black Hole Emperor
AdventureQuiarrah Spin-off Story Clueless ang Emperador na si Xyron sa mundong kanyang napuntahan pagkatapos siyang matalo ng Diyos ng Kamatayan. Habang nasa mundong ito, makikilala niya si Tiffany, ang babaeng sasagip sa kanya, si Serge, isang drug-dealer...