Ang Asset
Naabutan kong napapalibutan nang maraming tao ang harapan ng bahay ni Tiffany. Karamihan sa kanila sumisigaw at nag-aalala, kaya napaisip tuloy ako na baka nga prinsesa talaga itong tampalasang babaeng ito. Ngunit ang nakapagtataka, walang umaawat sa kriminal. Lahat sila parang nanonood lang ng isang palabas.
"Bitawan mo 'kong hayop ka!" Narinig ko ang pagsigaw ni Tiffany kaya nakipagsiksikan ako sa mga nakausyusong tao upang mapunta ako sa harapan. "Kapag ako nakawala, papatayin talaga kitang demonyo ka!"
"Tumahimik ka! Papatayin kita! Ikaw ang nagsumbong sa mga pulis kung nasaan ako!" Sumbat naman ng lalaking sa pagkakaalam ko ay si Boy Balbas.
"Ano? Bakit ako? Anong pakialam ko sa'yo? Nasisiraan ka na ng ulo! Yan ang napapala mo dahil parati kang sabog!"
"Wag mo nang galitin, Tiffany!" Sigaw naman ng isang dalagita na umiiyak sa gilid. Nakilala ko din ang boses nito. Eto marahil 'yung kaibigan niya. "Baka gilitan ka pa sa leeg niyan! Asan na ba ang mga pulis o mga tanod? Nasaan ba sila pag ganitong may krisis?"
May isang lalaking nagtakang lumapit kina Tiffany at kay Boy Balbas pero nakita siya agad ng lalaki na umatras at itinutok pa lalo ang hawak nitong patalim sa leeg nito. "Sige, lumapit kayo nang maging malamig na bangkay na itong pokpok na ito!"
Nagpupumiglas na si Tiffany, at kahit na galit ako sa kanya, nakaramdam ako ng takot para sa kanya. Panandalian lang iyon, pero nakaramdam ako ng takot na baka mamatay na siya ngayon.
"Hayop ka talaga! Idinamay mo pa ako sa mga kagaguhan mo! Wala ka na talagang nagawang tamang leche ka! Kunin ka na sana ni Lord...ay wait, ni Satanas pala!"
"Pwes isasama kita sa impiyerno!" Sagot naman nung lalaking parang nababaliw na. Hindi ko alam kung may lugar ba talagang Impiyerno dito o parang pagmamalabis lang nila iyon, at naging interesado ako bigla doon. Tunay ngang napakami ng pagkakaiba ng ibang mga lugar sa kung saan ako lumaki. Para akong bata dito na natututo pa lamang ng bagong kaalaman.
"Kuya Max, nasaan na daw ba ang mga tanod? Pati mga pulis?" Hikbi pa ng kaibigan ni Tiffany. "Ang babagal naman nila..."
Sumagot naman 'yung kinakausap niyang matabang lalaki na halos katabi ko lang. "Naku Loriebelle! Wag ka nang umasang aabot sila dito! Baka pagdating nila dito, isang pitsel na ang dugong makukuha mo mula sa leeg niyang kaibigan mong alam mo na---!"
"Grabe ka naman Kuya! Bakit naman?"
"Kase lahat ng mga tanod andun kina Kagawad Balong! Birthday ni Kagawad kaya nag-iinuman na sila! At 'yung mga pulis naman, malamang na-trapik pa yun sa may Rodriguez! Palaging trapik dun di ba?"
"So ano 'to? Hihintayin na lang nating bumuyangyang diyan ang mga international organs ni Ate Tiffany?"
Natawa naman 'yung lalaki. "Internal hindi international! Sumama ka kaya diyan sa kaibigan mo at magpagilit ka na rin sa leeg mo! Hirap mong kausap!"
"Ano? Whatchu seying? Am I stupid? Im not stupid! Ikaw nga diyan ilang upuan na plastik na nasira mo sa mga parlor games, pinagtawanan ba kitang Buddha ka?" Sigaw din ni Loriebelle kaya di na ako nakatiis. Pasekreto kong pinatid 'yung lalaking Max na nagawa pang mang-insulto habang may nangyayaring krimen sa harap niya. Natumba siya at pinagtawanan pa siya ng mga tao.
Natigilan ako saglit. Bakit sila ganito? Bakit parang may mali sa mga taong nandito? At bakit parang may mali sa lugar na ito?
"Ano? Di mo pa ba aaminin na ikaw ang asset ng mga pulis?" Bulyaw ni Boy Balbas kay Tiffany. "Umamin ka na kundi dadanak talaga ang dugo mo dito!"
"Sabi ng hindi nga ako ang asset eh!" Giit ni Tiffany at naramdaman kong malapit nang mangyari ang hindi dapat mangyari kaya ginawa ko na ang magagawa ko kahit ayoko sanang gawin ito.
BINABASA MO ANG
The Misadventures of the Black Hole Emperor
AdventureQuiarrah Spin-off Story Clueless ang Emperador na si Xyron sa mundong kanyang napuntahan pagkatapos siyang matalo ng Diyos ng Kamatayan. Habang nasa mundong ito, makikilala niya si Tiffany, ang babaeng sasagip sa kanya, si Serge, isang drug-dealer...