Diez

284 30 9
                                    

Ang Haka-Haka


Maaaring naging katapusan ko na ang sandaling iyon, dahil hindi na ako nakakilos dahil na nga sa mga kaganapang sabay-sabay pa, lalo na nang magsunod-sunod ang mga bala ng baril na umulan sa amin. Hindi ko na nga alam kung paano ako nagawang iligtas ni Madam Jaja. Ang alam ko lang nagawa niya kaming hilain ni Serge pabalik sa loob ng kanyang mansyon at doon kami nagkubli hanggang sa tumigil ang mga putok ng baril.

Si Serge ang unang nagsalita sa aming tatlo. "Ang iba nating mga kasamahan..." hinihingal pa siya habang nagsasalita. "Sina Boy Papaya at Boy Uraro---"

"Wala na tayong magagawa," sagot naman agad sa kanya ni Madam Jaja. Ngayon ko lang napansing may tama din siya sa kanyang braso. Daplis lang iyon ngunit masagana pa rin ang dugo na dumadaloy doon. Kanya na itong binabalot ngayon ng tela. "Ganun talaga. Malalagasan tayo," tumingin siya sa akin saka tinuro ako. "Ngayon Xyron, gusto mo pa rin bang mapabilang sa grupo ko? Ganito ang buhay namin araw-araw. Parating nasa bingit ng kamatayan. Kung aatras ka na at gusto mo nang tumiwalag ngayon dahil sa nangyari hindi kita pipigilan."

Nagkatinginan kami at hindi ako nagpasindak sa kanya dahil alam ko namang sinusubukan niya ako ngayon. "Wala akong balak umalis. Hindi ako duwag."

Nginitian niya naman ako. "Yan ang gusto ko. Kailangan ko talaga ng mga batang matatapang sa grupong ito. Kulang ka pa sa karanasan ngunit huwag kang mag-alala, magiging madali lang iyong pagsasanay dahil ako mismo ang magsasanay sa'yo."

Tumango naman ako. "Pero teka, hindi ba tayo aalis dito? Baka may dumating na mga pulis."

"Wag na nating isipin pa yan," sabi naman ni Serge. "Tinext ko na si Chief Abogado tungkol sa insidente. Hindi na nila tayo papakialaman. Ang isipin natin ay kung paano natin mababalikan sina Abel."

"Tama ka," pagsang-ayon din naman ni Madam Jaja. "Hindi naman ako papayag na ganun-ganun na lang yun."

"Kung ganun ano ang balak niyo Madam Jaja?"

Napahinga siya nang malalim. "Ako mismo ang reresbak sa kanila. Maghahanda lang ako," aniya bago umalis ng silid na iyon. Umalis din muna si Serge para tingnan ang mga kasamahan naming naiwan kanina sa labas. Batid ko ng mga malalamig na mga bangkay na sila ngayon kaya hindi na ako sumama pa sa kanya. Bagkus ay nagmuni-muni akong mag-isa sa harap ng isang malaking salamin.

Naganap na naman ang mahiwagang pangyayari sa akin. Hindi ko maintindihan, ngunit batay sa dalawang pagkakataon na nagaganap ito, tila may pagkakapare-pareho ito. Una, parehong naglaho na parang bula ang mga cellphone na hawak ko at pangalawa, ang mga sugat na tinamo ko sa katawan ay naghilom din na parang walang nangyari.

Wala akong ideya kung bakit nangyayari ang mga iyon ngunit sa aking palagay ay hindi iyon nagkataon lamang. Talagang iyon ang nagiging resulta ng kakaibang pangyayaring iyon.

Ngunit bakit iyon nangyayari? At sa paanong dahilan? Hindi ko lubos maisip kung anong uri ng majika ang nagbibigay sa akin ng kakayahang iyon--- kung isa nga ba iyong kakayahan na maituturing. At iyong boses...bakit ko narinig ang boses ng taong iyon? Hindi naman ako nagi-ilusyon di ba? Talagang narinig ko ang boses ng Binibining Gaga na iyon. Ngunit bakit sa lahat ng boses na maaari kong marinig, ay ang tinig pa ng matandang huklubang yun?

Ngunit marami na akong nabuong haka-haka sa aking isipan. Posibleng isang uri ito ng majika na gumagana lamang kapag nasa bingit ako ng kamatayan, ngunit ito'y aking agad pinagdududahan sapagkat ngayon lamang naman ito sumulpot sa tanang buhay ko. Kaya maaaring dito lamang din sa mundong ito gumagana. Maaaring isa itong uri ng majika na dito lang matatagpuan, na isa ring bagay na mahirap paniwalaan dahil halos wala namang majika ang mga nilalang sa mundong ito.

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon