Ang Karibal
Hindi ako makapaniwala. Akala ko'y namamalikmata lamang ako. Ngunit hindi. Talagang nasa harapan ako ngayon ng palasyo kung saan ako isinilang at lumaki. Talagang narito ako ngayon sa mundong aking pinanggalingan!
Ngunit hindi ito ang tanawin na inaasahan kong makikita ko. Bakit nawawasak ang Azoedia sa aking harapan? At bakit tila isang napakatinding delubyo ang dumaan dito?
Ano ba talaga ang nangyari?
At doon ko siya nakita. Hindi ko pa tiyak noong una kung tama nga ba ang nakikita ko. Ngunit hindi ko na maitatanggi na siya na nga iyon.
Nakalutang siya sa hangin. Nakaharap siya sa kung nasaan ako, ngunit hindi niya yata ako nakikita, dahil kung nakikita niya ako, dapat kanina niya pa ako sinugod.
Ngunit para lang akong hangin sa kanya, habang nakamasid siya sa nawawasak na lupain at mga kabahayan. Maya-maya, nakita kong may kasama na siya doon sa itaas.
Ang apat na Sandata ni Yohan!
Kung ganun, kakampi na nga niya talaga ang mga ito. Hindi na ako nagulat. At dahil hindi ko makita si Yohan o si Aravella, ibig sabihin lang na sa wakas ay natalo na ng Diyos ng Kamatayan ang mga ito.
Isa na siya ngayong tunay at ganap na Imortal.
At nagsisimula na ang pagkawasak ng aming mundo.
***
Nagising ako sa ilalim ng talahiban. Hindi ko alam kung nasaan na ako. Agad akong tumayo at sinuri ang aking paligid. Nasa isang masukal akong lugar.
"Gising ka na."
Nakita kong naglalakad si John Lloyd patungo sa'kin. May dala siyang isang supot na sa tingin ko ay pagkain ang laman. Hindi na ako naghintay na ibigay niya sa akin iyon. Kinuha ko na iyon at binuksan, tapos kumain na ako. Ngayon ko lang din kasi napagtanto na gutom na gutom na pala ako.
"May mineral water din diyan," dagdag niya habang pinagmamasdan akong kumain. "Bilisan mo, para makauwi ka na."
"Nasaan ba tayo?" Nagtatakang tanong ko.
"Nasa isang bakanteng lote tayo malapit sa highway. Wag kang mag-alala, may kalayuan na ito dun sa maisan. Tinago kita dito habang nilalabanan ko ang nilalang na yun."
"Ano nga ba ang nangyari?" Hindi ko mapigilang itanong. "Bigla na lang akong napunta sa...sa---"
"Sa pinanggalingan mong mundo," pagtapos niya sa sinasabi ko. "Alam ko, dahil ganun din ang nangyari sa akin nang hawakan niya ako."
Napatigil ako sa pagnguya sa sinasabi niya. "Anong ibig mong sabihin? May kakayahan ang nilalang na yun na dalhin tayo ng panandalian sa mga mundong pinagmulan natin?"
"Hindi sa ganun," tugon ni John Lloyd. "Sa tingin ko, hindi iyon ang kakayahan niya. Dahil nang hinawakan niya ang sandata ko, nasira iyon. Nalagas din ang mga halamang nahawakan niya."
Kumunot ang noo ko dun. "Kaya ba binalaan ako ng kasamahan mong babae na huwag akong magpapahawak sa kanya?"
"Ganun na nga."
"Nasaan na ba siya? Yung babaeng kasama mo?"
Seryoso akong tiningnan ni John Lloyd. "Wala na si Bea."
"Anong ibig mong sabihing wala na siya?"
"Nang masakal ka ng nilalang na yun, nawalan ka ng malay," panimula niya. "Balak ka na niyang paslangin at dun na lumaban ulit si Bea. Sinubukan niya tayong iligtas, ngunit wala siyang nagawa."
BINABASA MO ANG
The Misadventures of the Black Hole Emperor
AdventureQuiarrah Spin-off Story Clueless ang Emperador na si Xyron sa mundong kanyang napuntahan pagkatapos siyang matalo ng Diyos ng Kamatayan. Habang nasa mundong ito, makikilala niya si Tiffany, ang babaeng sasagip sa kanya, si Serge, isang drug-dealer...