Onze

211 24 7
                                    

Ang Dayo





Sinubukan kong hanapin ang nilalang na yun ngunit bigla na lang itong naglaho. Sa isang kisapmata, nawala ito sa aking paningin. Hindi ko naman magawang hanapin siya dahil pumasok nga ako sa aking trabaho tapos kasama ko pa si Tiffany. Ayoko kasing malaman niya ang mga hiwagang nagaganap sa akin. Kinakabahan kasi ako na baka madamay pa siya. Hindi ko pa alam kung anong panganib ang naghihintay sa'kin.

Pagkarating ko sa headquarters ay naging maayos naman ang aking trabaho. May mga nasigawan pa nga akong mga tauhan dahil sa kabobohan nila. Muntik pang mabulilyaso ang trabaho namin. Mabuti na lang at nakapag-isip ako agad ng paraan upang mailigtas ko ang aming grupo mula sa kapahamakan. At mabuti na rin na kasama ko dito si Serge na naging kasangga ko sa larangang pinasok ko. Kahit papaano ay gumagaan ang mga bagay-bagay lalo na kapag may hindi pa ako nauunawaan.

Kasalukuyan kaming nasa isang liblib na lugar dito sa isang probinsiya na kung tawagin ay Bulacan at katatapos lang ng aming transaksiyon kasama na si Madam Jaja. Malalaking tao ang naging kanegosasyon namin kaya naging mabusisi si Madam Jaja sa bawat items na binigay niya. Nasigawan pa nga niya ako nang magkamali ako ng bigay sa isa sa mga tauhan ng kausap namin. Pinagdudahan ko kasi ang taong iyon.

Hindi iyon madaling napalampas ni Madam Jaja. Pabalik na kami ng Maynila ngunit galit pa rin siya sa akin, na tinitiis ko na lamang sapagkat ngayon lamang may nagalit sa akin nang ganito katindi. Kahit ang aking yumaong amang hari ay hindi pa ako nakagalitan nang ganito. Kaya ganun na lamang ang aking pagtitimpi na huwag sumagot.

"...kung hindi ko napansin ang pagkakamali mo ay baka nabaldog na tayo, Xyron!" Dinig kong sermon pa rin niya sa akin. Nasa loob na kami ng sasakyan. Napapatingin sa akin sa salamin si Serge na nasa unahan at nagmamaneho. Nasa likuran naman kami ni Madam Jaja. "Naiintindihan mo ba kung anong pwedeng nangyari kung naibigay mo yun nang ganun, ha Xyron? Milyon ang naging lugi natin kung sakali! Hindi ko in-expect sa'yo 'to!"

"P-Pasensiya na, Madam Jaja," buong pagpapakababa ko kahit na may nagsasabi sa utak ko na sipain ko na lamang siya palabas ng sasakyang ito. "Hindi na mauulit."

"Talagang hindi na mauulit, Xyron. Dahil ire-reassign na lamang muna kita kina Boy Bigwas. Pamunuan mo muna ang mga gunggong na yun dun sa Tondo."

"Sige po."

"Bakit ba parang wala dito ang isipan mo? Ano bang inaalala mo diyan?" Nagtatakang tanong niya. "Kanina pa kita napapansin na parang wala ka sa hulog."

Hindi ako agad nakasagot. Hindi ko naman kasi pwedeng sabihin na hanggang ngayon balisa pa rin ako dahil sa nakita kong nilalang kaninang umaga. Sinubukan ko namang iwaksi sa isipan ko ang bagay na iyon ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa iyon makalimutan. Malakas kasi ang kutob ko na ang misteryosong nilalang na iyon ay katulad ko. Na hindi siya nagmula sa dimensiyong ito.

"Baka puyat lang si Xyron, Madam," si Serge na ang sumalo sa akin. "Ganyan din ako dati di ba."

Napabuntong-hininga na lang sa aming dalawa ni Serge. "Ewan ko sa inyo. Sakit din talaga kayo sa ulo eh. Basta nagkasundo tayo na kapag mabulilyaso tayo dahil sa isa sa inyo eh pasensiyahan na lang ah..."

Tahimik na lang akong tumango dahil baka kung ano pa ang masabi ko sa babaeng ito. Hindi ko rin talaga maintindihan ang ugali nitong si Madam Jaja. Madalas naman ay ang bait niya sa akin. Ngunit may mga pagkakataon din talaga na ang init ng ulo niya kahit na wala kaming nagagawang kasalanan ni Serge.

Sabay na kaming umuwi ng Tondo dahil pareho naman kaming doon tumutuloy. Magkalayo nga lang. Naimbitahan niya na rin ako minsan na doon na lamang din tumuloy sa inuupahan niyang apartment ngunit tumanggi ako dahil ayokong iwan si Tiffany. Kahit papano'y naging malapit na rin ako sa babaeng yun. Tinukso nga ako ni Serge nang madahilan ko siya.

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon