Docce

223 16 4
                                    

Ang Suliranin

Dinala ako ng misteryosong nilalang sa tuktok ng isang building, kung saan makikita mula dito ang kalakhang Maynila. Sa ngayon, alam ko na ang lugar na ito ay tinatawag na Maynila, at hindi na isang kaharian ang Tondo kundi isang district na lamang.

Magkaharap kami ng nilalang na isang lalaki at mukhang kaedad ko lamang siya. Ang kaibahan lamang namin ay ang kanyang wangis. Ang kanyang itsura at mga marka sa kanyang katawan ay nagpahiwatig agad sa akin kung ano siya, kahit na suot niya rin ang kasuotan ng mga tagarito sa mundong ito.

"Isa kang Centurion," sabi ko sa kanya. Hindi siya sumagot kaya nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Hindi ko akalaing may katulad mo dito. Paano ka napunta dito?"

"Mamaya na ako magkukwento," sabi niya naman. "Hintayin muna natin ang iba pang mga katulad natin."

Kumunot ang noo ko sa tinuran niya. "Katulad natin?"

Tumango siya. "Hindi lang ikaw at ako ang may ganitong sitwasyon, Xyron."

"Kung ganun, nasaan sila?"

"Nasa kani-kanilang mga tinutuluyan," aniya. "Ngunit parating na sila. Tinawag ko sila upang makilala mo sila."

Hindi na ako nagsalita pa. Tahimik lang kaming naghintay. Siya, nakatunghay sa kalangitan na para bang binabasa niya ito habang ako naman, gulong-gulo na ang utak. Hindi lang kasi ako makapaniwala sa natuklasan ko, na mayroong mga katulad kong nakulong din dito sa mundong 'to. Lalo na't isang Centurion ang isang ito. Pero dapat naisip ko nang hindi ako nag-iisa dito. Dapat naisip ko nang maaaring nangyayari talaga ang ganitong uri ng kaganapan sa pagitan ng iba't-ibang mga mundo.

"Ano nga pala ang pangalan mo?" Tanong ko sa kanya.

Nilingon niya ako. "Sa tingin mo sasabihin ko sa'yo?" Nakangisi niyang sagot.

Ngumiti din ako. "Akala ko sasabihin mo, sapagkat malayo ka naman sa pinanggalingan mo."

"Sa tingin ko, wala namang mangyayari sa akin kapag binanggit ko sa'yo ang aking pangalan. Ngunit hindi ko pa rin gagawin iyon. Mahirap na. Ikaw si Xyron Vander."

Natawa na ako nang bahagya. Akala ko pa naman maiisahan ko ang Centurion na ito. Ang kanilang mga pangalan kasi ay may taglay na majika. Ang sino mang nakakaalam ng kanilang mga pangalan ay hindi nila magagamitan ng kanilang pambihirang taglay na majika. Ganun ang nangyari kay Aravella noong maging Centurion siya. "Kung ganun ano ang itatawag ko sa'yo?"

"John Lloyd."

"Pangalan yun ng mga taga dito ah," komento ko.

"Yun na nga ang punto ko," sabi niya tapos natigilan kami pareho nang biglang umihip ang isang malakas na hangin, tapos napakurap lang ako at pagdilat ko, may mga tao nang nakatayo sa harapan ko.

Agad akong napaatras, sa pag-aakalang aatakehin nila ako. Kumilos kasi sila bigla, pero imbes na sa akin sila magtungo ay kay 'John Lloyd' sila lumapit. "Siya na ba ang bagong dayo?" Tanong ng isang pandak na lalaki na may puting buhok na. Mukha siyang sinaunang tao, iyong tipong namuhay na nang matagal sa mundong ito.

"Siya na nga."

Pinagmasdan nila akong lahat. Binilang ko sila sa utak ko at nakita kong sampu silang lahat. Anim na lalaki at apat na babae. Kung titingnan silang mabuti, mukha naman silang mga taga rito lamang dahil na rin sa paggayak nila ng mga kasuotan ng mga ordinaryong tao. Sa katunayan nga, itong si 'John Lloyd' lang ang mapagkakamalan mong hindi taga rito sa mundong ito.

"At tama ba ang dinig ko sa sinabi mo, John Lloyd?" Tanong sa kanya ng isa sa mga babae. Payat ito at matangkad. "Siya ang Emperador?"

"Siya na nga," sagot naman ni John Lloyd. "Si Xyron Vander, ang Pantas na Emperador ng Azoedia."

The Misadventures of the Black Hole EmperorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon