Part 5

25.6K 549 20
                                    

BLACK AND WHITE ang tema ng homecoming party. Ang mga lalaking bisita ay nakaitim na suit habang ang mga babae ay magkakahalong itim at puti ang gowns. Naipagpasalamat ni Derek na mabilis niyang naitago ang pagkagulat sa mga bigating bisita na nagkalat sa bulwagan ng Visperas Hotel kung saan ginaganap ang party. Sa loob ng ilang taon mula ng maipatayo niya ang kanyang restaurant ay maraming beses na siyang nagkaroon ng customer na mga politiko, artista, socialites, anak mayaman at negosyante. Kaya hindi na bago sa kaniya ang makakita ng mga taong kabilang sa alta-sosyedad. Still, the crowd surprised him. Maybe because he realized that all these people are here for Jella.

"Maiwan na kita. Pupuntahan ko ang date ko," paalam ni Keith na tinapik ako sa balikat at saka mabilis na naglakad palayo.

Namulsa si Derek at kaswal na naglakad-lakad. Hinahanap ng tingin si Jella pero mukhang wala pa sa bulwagan ang dalaga.

"Derek."

Lumingon siya. Nakita niya si Trick Alfonso, may kasamang may-edad na babae. Isang tingin pa lang ay alam na niyang mag-ina ang dalawa. Ngumiti siya. "Hey."

Ipinakilala ni Trick sa kaniya ang ina. Magalang niyang binati ang babae na agad ding nagpaalam para puntahan ang isang kakilala na natanawan nito.

"So, naisama ka nga ni Keith," sabi ni Trick nang maiwan silang dalawa. "He was excited to bring you here. Mag-iingat ka. Baka ginagamit ka na naman niyang materyal para sa isa sa mga libro niya."

Nawala ang ngiti niya. "Subukan niya lang. Malilintikan na talaga siya sa akin."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Trick. Sa kasamaang palad ay ganoon lang ngumiti ang lalaki. "Matagal ko nang hinihintay na may magturo ng leksiyon kay Keith. If it's going to be you, then tell me ahead of time so I can watch."

Napangiti na siyang muli. "Nasaan na ba iyon? Ang sabi niya may date daw siya."

Lumampas ang tingin ni Trick sa balikat niya. "Ayan na siya. Kasama ang date niya."

Lumingon si Derek. Nakita niya si Keith kasama ang isang elegante at magandang babaeng tila nasa sisenta ang edad. Nakaabriste ang may-edad na babae sa kanyang kaibigan. Napansin niya na natuon ang atensiyon ng lahat sa dalawa at nagkaroon ng mga bulung-bulungan.

Umangat ang mga kilay niya. May palagay siyang hindi kamang-anak ni Keith ang babae. There is something intimate about them. Keith himself looks entirely different from usual.

"That's Matilda St. Clair. Siya ang nag organisa ng party," sabi ni Trick.

Pamilyar ang pangalan ng may edad na babae. Subalit nawala na sa isip ni Derek na alalahanin kung saan niya narinig ang pangalan ni Matilda nang mahagip ng kanyang mga mata ang talagang gusto niyang makita sa pagtitipon na iyon.

She was wearing a long gown. Sa karagatan ng mga puti at itim na kasuotan ay lutang na lutang ang kulay ng suot nito. It was bloody red, made of smooth fabric that hugs her curves like second skin. Sa isang iglap ay naintindihan niya kung bakit black and white ang konsepto ng pagtitipon. Iyon ay upang madaling makita kung para kanino ang gabing iyon. Para sa magandang babaeng nakasuot ng pula.

Nakataas ang noo ni Jella at may munting ngiti sa mga labi. Tila isang reyna na pinagmamasdan ang kanyang kaharian. Tumabi ang dalaga kay Keith at Matilda. Nagsalita ang may-edad na babae, nagpapasalamat sa mga dumalo sa gabing iyon. Nagpalakpakan ang mga bisita. Si Derek ay hindi nakakilos sa kinatatayuan, napatitig lamang sa mukha ng dalaga na amin na taon na niyang hindi nakikita ng personal.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon