Part 8

21K 495 6
                                    

KUMUNOT ang noo ni Derek at bumalik sa kasalukuyan ang isip nang may mapansin siyang kakaiba sa kilos ni Jella. Kasalukuyang nakikipagngitian at nakikipag-usap ito sa isang lalaki habang sumisimsim ng wine sa hawak na kopita.

"Nagseselos ka ba?" biglang tanong ni Keith. Gulat na napasulyap siya sa kaibigan na nakatingin din sa direksiyon ni Jella.

"No."

Umangat ang kilay ng lalaki. "Ah. She's not the dramatic type and you're not the jealous type. Ganoon ba iyon?"

Nagkibit balikat si Derek. "Hindi rin naman siya selosa."

"Wala siyang rason para magselos. Patay na patay ka sa kaniya noon at kahit sino malalaman iyon kung makikita ka nila noong magkarelasyon pa kayo," sagot ni Keith.

"Patay na patay din siya sa akin noon. Mas magaling lang siyang magtago ng nararamdaman kaysa sa akin. Patas lang kami."

Natawa ang kaibigan niya. Hindi naman malakas pero napatingin pa rin sa kanila ang mga bisita. Kanina pa napapansin ni Derek na marami ang interesadong nagmamasid kay Keith. Kilala ng mga tao roon ang lalaki. Kahit siya ay curious sa kung ano ang relasyon nito kay Matilda St. Clair. Pero saka na niya ito kukulitin. Kapag nasa loob na lang sila ng Bachelor's Pad kung saan alam nilang pareho na lahat ng pag-uusapan ay hindi makakalabas.

Sa halip ay ibinalik niya ang tingin kay Jella. Nagitla siyang makita na kahit nakikipag-usap pa rin ito sa iba ay nakatingin na ito sa kaniya. Bahagyang nakakunot ang noo nito. Gumanti siya ng pangungunot ng noo. Maya-maya ay tila may sinabi ito sa kausap na lalaki na sumulyap din sa direksiyon nila. May panghihinayang at pagkadismaya siyang nakita sa mukha ng lalaki bago ibinalik ang tingin sa dalaga na nagsimula nang maglakad palayo rito at palapit naman sa kanila ni Keith.

Nakalapit na sa kanila si Jella at nakatitig sa mukha niya nang sa wakas ay mapagtanto ni Derek kung ano ang kakaiba rito na kanina pa niya iniisip kung ano. "What's wrong with your hand?" tanong niya.

Natigilan ang dalaga at kumislap ang pagkabigla sa mga mata. Kung tama rin siya ng basa sa bahagyang pagbabago ng ekspresyon nito ay nataranta ito.

"Her hand looks fine to me," komento ni Keith na nakatingin sa kamay ni Jella na may hawak sa kopita ng wine.

"Tama siya. Walang problema sa kamay ko," sagot ng dalaga na mukhang nakabawi na.

"Kanang kamay ang ginagamit mo mula pa kanina," giit ni Derek. "You're left-handed."

Napipilan si Jella. Maging si Keith ay natigilan bago tumikhim at mahinang nagpaalam at mabilis na tumalilis palayo. Naiwan silang dalawa na nakatayo roon. Magkalapat ang mga paningin.

Itinaas ng dalaga ang noo at dumeretso ng tayo. "Walang problema sa kamay ko. I just decided to use my left-hand only when necessary to protect it. Ito ang kasangkapan ko sa career ko."

"Kailan pa? You're a total left-handed. Kahit kapag kumakain ka, nasa kaliwa ang kutsara at nasa kanan ang tinidor. At kapag kumakain ka ng noodles na may sabaw, pinagpapalit-palit mo ang kutsara at tinidor sa kaliwa mong kamay dahil hirap kang gamitin ang kanan mo sa pagsandok ng sabaw, hindi ba? Even tonight, you look awkward while using your right hand."

Namilog ang mga mata ni Jella. Pagkatapos ay tumiim ang mga labi at bumakas ang iritasyon sa mukha. "Oh for God's sake, anim na taon na ang lumipas. Mahirap bang paniwalaan na may nabago sa akin?"

Tumiim din ang mga labi ni Derek. Saka siya bumuntong hininga at nag-iwas ng tingin. Noon niya napansin na napunta na sa kanila ang atensiyon ng mga bisita. Karamihan ay may kuryosidad nang nakatingin sa mga kamay ni Jella. Natigilan siya at muling napatingin sa dalaga. Partikular sa tainga nito na nakumpirma niyang namumula. She's getting embarrassed. Pinagalitan niya ang sarili dahil doon. Inalis niya ang kopita sa kamay nito, ipinatong sa lamesa at saka ito hinawakan sa siko. "Magpahangin muna tayo," mahinang sabi niya at maingat itong hinigit palakad. Hindi tumanggi si Jella. Pero may palagay siyang hindi iyon dahil gusto talaga nito ang ideya niya. Malamang ay kanina pa rin nito gustong tumakas sa atensiyon ng mga tao sa paligid.

Lumabas sila ng bulwagan. Tahimik sa lobby ng hotel. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang makalayo sila sa ginaganap na pagtitipon. Nang marating nila ang malaking mural na ipininta ni Draco sa pader ay saka lamang binitiwan ni Derek ang siko ng dalaga. Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila bago nyia nagawang magsalita. "Alam ko na mahabang panahon ang lumipas. Hindi ako umaasa na katulad ka pa rin ng dati dahil kahit ako, alam ko na hindi na ako tulad ng dati. Marami ang nagbago. Pero huwag mo naman akong gawing tanga, Jella. Yes, we are no longer in a romantic relationship. Pero may pinagsamahan tayo. Mali ba na mag-alala ako sa iyo dahil bigla kang umuwi ng Pilipinas na halatang may itinatago?" Mahina lamang ang boses niya pero bahagya pa rin iyong nag-echo sa lobby.

Humalukipkip ang dalaga at sandaling napatitig lang sa higanteng painting sa tabi nila. May kumislap na pait sa mga mata. Nang muli nitong ibaling ang tingin sa kaniya ay napagtanto ni Derek na hindi nito sasabihin sa kaniya ang totoo. Nawala kasi ang ekspresyon sa mukha nito. Nagmukhang manika na naman. Katulad noong una niya itong nakita anim na taon ang nakararaan.

"I appreciate your concern. At uulitin ko. I'm perfectly okay. Hindi mo na ako kailangan alalahanin pa. Sigurado ako na abala ka. Masaya akong makita ka pero hanggang dito na lang ang kumustahan natin, okay? Goodbye." Tinalikuran siya nito at lumalagutok sa sahig ang mga takong na naglakad palayo.

Akala ni Derek ay babalik ang dalaga sa party. Sa halip ay pinindot nito ang button ng elevator at nang bumukas iyon ay mabilis na sumakay. Sumara nang muli ang mga pinto niyon nang may mapagtanto siya. Sa hotel na iyon tumutuloy si Jella.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon