Napatitig si Jella sa mukha nito at may nakapa siyang kirot sa kanyang dibdib na sinamahan ng kudlit ng inggit. Dahil napagtanto niya na sa tuwing tumitingin siya sa salamin sa nakaraang mga buwan ay wala na ang mga emosyong iyon sa mukha niya. Mga emosyon na dati ay nararamdaman din niya para sa kanyang career at sa pangarap na buong buhay niyang inalagaan sa kanyang puso.
Kaya nang unti-unting mawala ang passion at enthusiasm niya, nang unti-unti ay naging mahirap na para sa kaniya ang mag-isip ng mga bagong disenyo at nitong nakaraan lang, nang maganap ang isang pangyayari na nagpalala sa kanyang sitwasyon, bigla ay hindi na niya alam kung ano ang gagawin. She feels so lost. Ano ang dapat niyang gawin kung bigla na lamang nawala sa mga kamay niya ang talent at pangarap na dahilan niya kaya siya bumabangon at kumikilos sa araw-araw mula pa noong bata pa siya? Should she continue to hold on to her dream that seems to be slipping off her fingers or give up?
Bumalik ang tingin ni Derek sa kaniya at kahit ayaw niyang magpakita ng kahinaan ay nagbaba pa rin siya ng tingin. Napatingin siya sa kanyang mga kamay at bigla ay tila ba bumigat ang mga kubyertos na hawak niya. Pero pinilit pa rin niyang sumubo ng pagkain kahit hindi na niya masyadong nalalasahan iyon. Dama niya ang matamang pagmamasid sa kaniya ng binata. Wala sa loob na bahagyang humigpit ang hawak niya sa mga kubyertos.
"Jella," untag nito sa kaniya.
Lakas loob na tumingala siya. Nakikita niya sa mukha nito na may gusto itong itanong. May bumikig sa lalamunan niya. "What?"
Ilang segundo ang lumipas bago bahagyang ngumiti si Derek. "Nagbabakasyon ka ba o mananatili ka na dito sa Pilipinas?"
Hindi siya agad nakasagot. Oo at sinabi ng agent niya na magbakasyon siya. Pero habang tumatagal ay napapaisip siya kung babalik pa ba siya ng amerika. May babalikan pa ba siya doon? Pero dito sa Pilipinas, may lugar din ba siya kung magdedesisyon siyang manatili?
"Jella?"
Lumunok siya, dumeretso ng upo at itinaas ang noo. "Nagbabakasyon lang ako."
Tumango-tango si Derek, may munting ngiti sa mga labi. "Gaano katagal?"
Muli ay natigilan siya bago maingat at tapat na sumagot, "I don't know."
Napatitig ito sa mukha niya. "Kung ganoon ay may posibilidad na matagalan ka rito. Mananatili ka ba sa Visperas Hotel ng ganoon katagal? Hindi praktikal."
Pagak siyang natawa. "Saan naman ako tutuloy? What? Are you going to offer your place?" Huli na bago niya napagtantong mali siya ng sinabi. Nang matigilan si Derek ay uminit ang mukha niya.
"Unfortunately, hindi ko puwede ialok ang bago kong tinitirhan sa iyo," malumanay na sabi nito.
"I didn't mean it, silly," mabilis na sagot ni Jella kahit na hindi siya komportable sa naging sagot nito. Bakit hindi nito puwedeng ialok? Dahil may iba ng babae na nakatira doon? Agad din niyang pinalis sa isip niya ang ideya na iyon. Ano naman ngayon kung mayroon?
"Okay," sagot ni Derek na mataman pa ring nakatitig sa kaniya.
May bumikig sa lalamunan niya dahil pakiramdam niya ay nakikita nito ang mga bagay na hindi niya sinasabi. Nailang siya at nagkaroon ng masidhing pagnanais na takasan ang titig nito. Tumikhim siya at ibinaba ang mga kubyertos. "Salamat sa mga pagkain pero hindi ko kaya ubusin ang lahat ng ito ng isang upuan lang. Aalis na ako –"
"Stay."
Napahinto siya at napatingin sa binata na tumayo na. "Babalik na ako sa kusina. Tapusin mo ang pagkain mo. At kung may mga araw na gusto mong kumain o kahit tumambay lang, huwag kang magdalawang isip na bumalik balik dito." Nginitian siya nitong muli bago tumalikod at naglakad pabalik sa kusina.
Napasunod ng tingin si Jella, bahagyang nakaawang ang mga labi. Napagtanto niya na malamang nakita ni Derek na nailang na siya sa presensiya nito at balak nang umalis. Inunahan siya nito. Lihim siyang napabuntong hininga at napalis ang tensiyon sa kanyang katawan. Dahil ang totoo ay hindi pa niya nais bumalik sa kanyang hotel room. Hindi pa niya nais magkulong muli roon na ang tanging kasama ay ang alaala ng nakaraang ilang buwan at ang malabong posibilidad ng kanyang hinaharap.
ALAM ni Jella na hindi talaga praktikal ang manatili sa hotel ng matagal. Lalo at mamahaling suite ang kinuha niya nang mag check-in siya sa Visperas Hotel. Wala siyang balak magpunta sa bahay ng kanyang mga magulang na siguradong alam nang dumating siya ng bansa pero ni hindi pa rin nagpaparamdam. Patunay na hindi interesado ang mga ito na makita siya. Kailangan niyang humanap ng matitirhan. Kahit condo o apartment. Pero hindi siya komportable sa desisyon na iyon. Para bang may pinalidad na talagang mananatili na siya sa Pilipinas kung kukuha siya ng magiging tirahan niya roon. Sa isip at puso niya, hindi pa rin niya tuluyang mabitawan ang New York, ang siyudad ng katuparan ng kanyang pangarap.
Pero sabagay, kahit naman noong nasa New York siya, iniisip-isip din niya ang Pilipinas. Hindi rin niya mabitawan. Alam niya na hindi lamang iyon dahil sa Pilipinas siya ipinanganak at lumaki. Her childhood and family situation is not really pleasant. Kaya alam niyang iba ang dahilan kung bakit nakakapit pa rin ang isang bahagi ng pagkatao niya sa bansang iyon.
Sa huli ay nagdesisyon din si Jella na tumingin sa internet ng mga pinaparentahan o binebentang condominium unit. Naisip niya na maganda rin naman iyong investment. Maya-maya pa ay may nakita na siyang website na magaganda ang inaalok na condo. Barcenas Real Estate ang pangalan ng kompanya. Tinitipa na niya sa kanyang cellphone ang numero ng agent na nakalagay sa website nang biglang may kumatok sa pinto ng hotel suite niya. Napahinto siya at napatitig sa pinto. Muling may kumatok. Takang bumangon siya mula sa pagkakaupo sa kama at lumapit sa pintuan.
"Sino iyan?" tanong niya sabay bukas ng pinto.
"Food delivery!"
Napamulagat si Jella nang makita ang nakangiting mukha ni Derek. Muntik na niya mabitawan ang cellphone na hawak niya. Lalo na nang itaas nito ang malaking paperbag na may tatak ng restaurant nito para marahil ipakita sa kaniya.
"Anong ginagawa mo rito?" manghang bulalas niya.
Kuminang sa amusement ang mga mata ng binata. "Food delivery nga."
"Bakit?" mangha pa ring tanong niya.
Umangat ang kilay nito. "Dahil may isang babae ang nangako na papasyal sa Chef Derek's araw-araw pero tatlong araw nang hindi nagpapakita. Bakit hindi mo ako papasukin? Lalamig ang mga dala kong pagkain."
Kahit nalilito pa rin sa biglang pagsulpot nito ay nilakihan pa rin niya ang bukas ng pinto at gumilid. Pumasok si Derek sa hotel suite niya at napasunod na lamang siya ng tingin dito. Sandaling nailang siya na naroon ito. Pero dagli din iyong nawala nang lingunin siya nito at ngitian siya.
Sa halip, bumalik sa alaala niya ang mga panahong dinadalhan siya nito ng pagkain noong personal assistant pa siya ng isang designer at madalas siyang nalilipasan ng gutom dahil matindi magpatrabaho ang designer na iyon. Naalala niya noong inaabot siya hanggang pagsasara ng restaurant dahil doon siya tumatambay para gumawa ng sarili niyang designs at para na rin magkaroon siya ng oras na makita ito.
She remembered those times when they were more than friends but less than lovers, the early stage of their relationship. Ang pag-alala sa nakaraan ay isang uri ng kahinaan para sa kaniya. Lalo na noong nasa New York siya kung saan kapag nagpadala siya sa pangungulila at pagsisisi ay hindi siya mag-su-survive. Pero sa unang pagkakataon sa loob ng anim na taon, hinayaan niyang anurin siya ng nostalgia. Pabalik sa panahong kung magiging tapat siya ay aaminin niyang ang pinakamasayang parte ng buhay niya...
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)
RomanceJella gave up everything to become a successful fashion designer in New York. Malapit na niyang maabot ang tagumpay nang isang eskandalo ang sumira sa kanyang career. Wala siyang choice kundi ang bumalik sa Pilipinas, kahit nangangahulugang kailanga...