PAGKATAPOS ng charity event ay nagkaayaan ang lahat na sabay-sabay kumain ng hapunan. Minsan isang buwan na lamang daw kasi nagkakasama ang mga ito lalo at hindi na pala nakatira sa apartment building ng mga ito ang mga may asawa na. Sa Chef Derek's sila nagpunta.
Naitawag na ni Derek ang tungkol sa grupo nila kaya pagdating nila ay may nakaayos ng mga lamesa na pinagdikit-dikit upang maging isang mahabang dining table para magkasya sila lahat. Iniwasan ni Jella ang mapatingin sa direksiyon ng kusina nang magpaalam sandali ang binata para magtungo doon. Nakita kasi niya kanina habang papasok sila na sumilip si Celestine.
Sa halip ay itinuon niya ang atensiyon sa pakikipag-usap sa mga babae sa grupo nila. Nakakamangha na iba-iba ng personalidad ang mga ito pero magkakasundo. Marahil nahawa sa pagkakaibigan ng mga lalaki sa buhay ng mga ito. Ang isa sa mga babae ay kanina pa niya namumukhaan pero hindi lang alam ni Jella kung bakit pamilyar sa kaniya. Hanggang magkaroon sila ng pagkakataong mag-usap ni Daisy Alcantara.
"Nakalimutan mo na ako, ano?" nakangiting sabi nito.
Namilog ang mga mata niya. "Hindi kita nakalimutan. You just look so... different now," manghang bulalas ni Jella.
"You know each other?" tanong ng asawa nitong si Rob Mitchell. Napunta na ang atensiyon ng lahat sa kanila ni Daisy. Maging ang atensiyon ni Derek na nakalapit na sa lamesa nila.
Tumawa si Daisy. "Well, we were childhood enemies."
"She was a bully," sabi ni Jella. Sobrang maldita at sama talaga ng ugali ni Daisy mula noong mga bata pa sila hanggang high school. Palagi silang nag-aaway dahil hindi siya nagpapaapi dito. Nawalan sila ng balita sa isa't isa noong kolehiyo na sila. Hindi siya makapaniwalang ang babaeng nasa harapan niya na may malambot na ekspresyon sa mukha at mapagmahal na kislap sa mga mata ay ang Daisy na kilala niya.
"She's still a bully. When she feels like it," sagot ni Rob pero masuyo naman ang tingin sa asawa. Gumanti ng matamis na ngiti ang babae bago bumaling ulit sa kaniya.
"We live in the same exclusive village. Hanggang ngayon naroon pa ang mga bahay ng mga magulang natin, hindi ba? Nagpunta lang kami ng kapatid ko sa bahay ninyo weeks ago dahil nagpa-party ang parents mo. Akala namin para sa iyo pero wala ka naman doon."
Hindi nakasagot si Jella, may bumikig na pait sa kanyang lalamunan. Paano niya sasabihin sa harap ng mga ito na anim na taon na ang nakararaan mula nang huli niyang makaharap at makausap ang mga magulang niya? Nagkaroon ng nakakailang na katahimikan.
"Kung iisa ang village ninyo ni Daisy ibig sabihin anak mayaman ka pala," biglang sabi ni Cherry Mariano-Palanca. Napansin niya na sa mga babae doon ito ang pinaka-prangka.
"Of course she's rich. She's the only daughter and sole heir of the Perez Group Of Companies," sagot ni Trick Alfonso sa balewalang tinig. Na para bang hindi nito ibinunyag ang isang bagay na pilit niyang itinatago. Ni hindi nga niya iyon sinabi kay Derek noon.
Napasinghap ang mga babae at napasipol ang mga lalaki. Patunay na kilala ng mga ito ang pamilya niya. Paanong hindi kung bawat sulok ng Pilipinas ay mayroong nakatayong Pawnshop, Money Remitance, Money Changer at Ticketing na pag-aari ng pamilya nila at ipinangalan pa sa kaniya? Sa sobrang dami ay tumigil na siya sa pagbibilang noong lumampas na sa isang libo ang branches nila.
"Paano mo iyan nalaman? Sinabi sa iyo ni Madam Matilda?" manghang tanong ni Jella. Sa homecoming party lang naman niya nakilala ng personal si Trick kahit pa ang alam niya ay kakilala ng mga magulang niya ang mga Alfonso.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)
DragosteJella gave up everything to become a successful fashion designer in New York. Malapit na niyang maabot ang tagumpay nang isang eskandalo ang sumira sa kanyang career. Wala siyang choice kundi ang bumalik sa Pilipinas, kahit nangangahulugang kailanga...