Part 16

19.3K 450 12
                                    

BATID ni Derek na napipilitan lamang si Jella na tanggapin ang inaalok niyang tulong. Wala iyong kaso sa kaniya. Mas mabuti na iyon kaysa mapag-isa ito. Ilang beses man siya nitong tanggihan sa tuwing magboboluntaryo siyang samahan ito ay hindi pa rin siya titigil. Hangga't hindi napapalis ang pait at malalim na kalungkutan sa mga mata nito na pilit itinatago ng matapang na pananalita at walang ekspresyong mukha. Hangga't hindi niya nalalaman kung ano ang tunay na nangyari sa New York na naging dahilan kung bakit naging malamig ang dati ay passionate at energetic na Jella na nakilala niya anim na taon na ang nakararaan. Hindi siya magsasawang manatili sa tabi nito hangga't hindi niya nakikita na maligaya ang dalaga.

He got worried when she suddenly left the restaurant hours ago. Lalo siyang nabahala nang pagbukas nito ng pinto para sa kaniya kanina ay halatang nakataas ang depensa nito. Pero ngayon na nakikita niyang tuon na ang buong atensiyon nito sa pag-aayos ng condo nito ay napapangiti na si Derek. Hindi pa rin nakangiti ang dalaga pero hindi na rin ito expressionless na nangyayari kapag marami itong itinatagong emosyon.

Pagkatapos nilang mag-ayos sa kusina ay ang living room naman ang inayos nila. Siya ang taga tulak ng mga muwebles kung saan nito gusto ilagay. Kaunti lang ang mga binili ni Jella. Mga kailangan lang talaga. Katulad niya ay mas gusto nito na minimal lamang ang gamit sa bahay para hindi mukhang crowded. They both like empty spaces. Mas nakakahinga sila ng maayos.

Kinailangan ipilig ni Derek ang ulo para huwag isipin ang mga alaalang bumabalik sa kaniya ngayong nag-aayos sila ng tirahan nito. Memories of his own apartment six years ago. Memories of her inside that apartment.

"Okay na iyan," biglang sabi ni Jella matapos niyang mailagay ang mahabang sofa paharap sa veranda. Ang tokador at ang mataas na bookshelf na lamang ang kailangan itulak papunta sa dapat paglagyan niyon. Sa unang pagkakataon mula nang pumasok siya sa unit ng dalaga ay hinayaan niya ang sariling tingnan ang kuwarto nito. Nakabukas ang pinto kaya nakikita niyang kama nga lang ang naroon. Sa gilid ng pader ay ilang kahon na mukhang hindi pa rin nabubuksan at isang malaking maleta na nakahiga sa sahig at nakabukas. Mga damit lamang ang nakikita niyang laman niyon.

Kumunot ang noo ni Derek. May hindi tama sa nakikita niya. May kulang. Nilingon niya si Jella. "Hindi ka na ba gumagamit ng sketch pad?"

Natigilan ito at sandaling napamaang sa kaniya bago nag-iwas ng tingin. Pero nakita na niya ang pagdaan ng sakit at pait sa mga mata nito. Nang hindi sumagot ang dalaga ay hindi na niya natiis pang manahimik. Humakbang siya palapit. "Ano ba talaga ang problema, Jella?"

Tumiim ang mga labi nito at humalukipkip na para bang pinoprotektahan ang sarili. Huminga ng malalim si Derek. "Hindi nawawala sa tabi mo ang sketch pad mo noon. Kahit saan ka magpunta, kahit sa pagtulog katabi mo iyon. Ang sabi mo kailangan iyon para kapag may naisip kang iguhit ay mahahablot moa gad. Pero kahit sa hotel suite mo at hanggang dito sa condo mo, wala akong nakikitang sketch pad. Bakit?"

Humigpit ang pagkakahalukipkip ni Jella at sandaling naisip niya na hindi ito sasagot. Na baka nga magalit pa ito sa kaniya. That maybe he's pushing her too far.

"I can't draw anymore," anas ng dalaga.

Napahinto siya sa paglalakad. Parang may asidong humiwa sa kanyang sikmura sa nahimigan niyang sakit at pait sa tono nito.

"Are you having an artist's block?" malumanay na tanong ni Derek. Iyon kasi ang sinasabi ng mga artikulo tungkol dito.

Pagak na tumawa si Jella at tumitig sa labas ng veranda. "Yes, I guess I have. Kung sana ganoon lang. If I'm just having an artist's block I know that it will pass and I will be able to draw again."

Kumurap siya. "Anong ibig mong sabihin?"

Marahas na bumaling ito sa kaniya, hindi na itinago ang mga emosyon. "Tama ka nang sabihin mong may mali sa akin. I can't draw anymore even if I want to. Even if I have images in my head, I cannot put them on paper anymore." Itinaas nito ang kaliwang kamay at may bumikig sa lalamunan ni Derek nang makitang mamasa ang mga mata ni Jella. "Itong kamay na ito, hindi na ito nakikinig sa akin. Hindi na nito ginagawa ang gusto kong gawin nito. All my life I relied on this hand. My dreams relied on this hand. But I can't rely on it anymore. Hindi na kayang gumuhit ng kaliwang kamay ko, Derek," garalgal na wika nito.

Tumimo ang reyalisasyon sa isip niya at muntik na siyang mapalapit nang tuluyan sa dalaga para yakapin ito ng mahigpit. Sa halip ay nakuyom na lamang niya ang kanyang mga kamao. "Your hand is injured?" manghang tanong niya.

"Yes," anas nito. May tumulong isang patak ng luha sa isa nitong mata na marahas nitong pinahid. Pagkatapos ay mabilis itong tumalikod sa kaniya. Humugot ng malalim na paghinga si Jella na para bang kinakalma ang sarili.

Humigpit lang ang pagkakakuyom ng mga kamao ni Derek. Kung sana ay may karapatan pa siyang yakapin ito. Pero hindi na tulad noon ang relasyon nila ngayon. Hindi na sila tulad ng dati. Kaya kailangan niyang pigilan ang sarili. "Anong klaseng injury?" malumanay na tanong niya.

Muling huminga ng malalim ang dalaga pero hindi humarap sa kaniya. "Intra-articular fracture. I broke my wrist and it extended into the joint between my ring and small finger. Kinailangan operahan kaya patago akong sumailalim sa operasyon. Kahit ang agent ko hindi alam ang tungkol dito. Hindi ako nagpakita sa mga tao ng halos isang buwan dahil nakabenda pa ang kamay ko. Sumailalim ako sa physical therapy pagkatapos maalis ang benda. Para kahit papaano ay magamit ko ulit ng normal ang kaliwang kamay ko. Nakakahawak na ako ng mga bagay pero hindi na katulad ng dati. At ang pagguhit na buong buhay kong inensayo? Hindi na nito kayang gawin kahit pa anong subok kong gumuhit."

Saka pumihit paharap sa kaniya si Jella. May helpless na munting ngiti sa mga labi. Laglag ang mga balikat. Bakas ang pagkadismaya at pagsuko sa mukha. "So there. My dream is going down the drain. Dahil anong klaseng fashion designer ang hindi kayang iguhit ang mga disenyo sa isip niya? A desperate designer. A failure. Sa huli tama din ang mga magulang ko. Hindi ako magtatagumpay."

"Hindi iyan totoo," giit ni Derek.

Umiling si Jella, halatang hindi naniniwala sa sinabi niya. "I need to be alone. Just for a while," mahinang usal nito saka mabilis na naglakad palampas sa kaniya at papasok sa kuwarto nito. Hindi niya ito pinigilan dahil alam niyang kailangan nitong mapag-isa upang kalmahin ang sarili. Bagkus ay napasunod na lamang siya ng tingin sa likod ng dalaga.

Napahugot ng malalim na paghinga si Derek nang mawala na ito sa kanyang paningin. Nabanggit nito ang mga magulang at bigla ay naalala niya ang pagkakataong una niyang nalaman na hindi pala gusto ng mga ito na i-pursue ni Jella ang pangarap. Katulad din ngayon ang hitsura nito. Pero determinasyon at pagrerebelde ang mas namayaning emosyon sa dalaga noon. Hindi katulad ngayon na para bang suko at pagod na itong ipaglaban ang ambisyon.

Umupo siya sa sofa at napatitig sa labas ng veranda. Pagkuwa'y hinayaan niya ang sarili na balikan ang nakaraan...

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon