Part 21

18.1K 452 5
                                    


MALI si Jella nang akala na may iba nang kinakasama si Derek sa bago nitong tirahan. Napagtanto niyang imposible iyon nang makita niya ang iba pang residente ng gusaling tinirihan nito sa araw ng charity event kung saan siya isinama ng binata dalawang linggo pagkatapos nilang mag-ayos ng condo niya. Sa Tahanang Walang Hagdan sila nagpunta. Isang facility para sa mga Persons With Disability.

Puro lalaki ang mga kapitbahay ni Derek. Walo sa mga iyon ay may kasamang babae na nalaman niyang kung hindi asawa ay mga fiancée o kasintahan. Isa sa mga babaeng kasama ay si Janine Visperas na nobya pala ni Draco Faustino na isang sikat na painter. Kilala niya ang lalaki dahil fan siya ng art works nito. Kaya naman pala kilala ni Derek ang babae.

Katunayan ay mga kilala at matagumpay sa kani-kanilang karera ang mga lalaking naroon. Bukod sa makaagaw atensiyon ang pisikal na hitsura kahit lahat naman ay nakasuot lang ng jeans at simpleng t-shirt. Halos may nakikita siyang lumilipad na mga puso sa paligid dahil sa mga pareha. Napangiwi siya na mukhang nakita ng binata dahil nang mapatingin siya rito ay bumakas ang paghingi ng paumanhin sa mga mata nito pero nakangiti naman. "Huwag mo na lang sila pansinin. Ganiyan talaga sila. Nasanay na kami."

Napatitig siya sa mukha nito. "At ikaw? Wala kang isinasama sa mga event ninyo na ganito?"

"Meron." Natigilan si Jella. "Si Dina. Kapag libre siya." Ah. Ang nag-iisa nitong kapatid na babae. Napakurap siya nang mapagtantong nakahinga siya ng maluwag. Hanggang sa magsalita itong muli. "Minsan naman si Celestine. Kapag feeding program ang event. Mahilig magpakain iyon."

Tumango na lang siya kahit hindi interesado na makinig sa pagbibida nito. Hindi siya komportable sa tuwing binabanggit nito ang pangalan ng babae. "At ngayong araw? Ano ang gagawin natin?" pag-iiba niya sa usapan.

"Career orientation at Fund Raising," biglang sabi ng kung sinong lalaki sa likuran nila.

Nang lumingon sila ay isang nakangiting lalaki na mahaba ang alon-along buhok at balbas sarado ang nakita ni Jella. Katulad ng lahat ng mga lalaking naroon ay guwapo din ito.

"Keith," bati ni Derek sa bagong dating. Pagkatapos ay ipinakilala sila nito sa isa't isa.

"Anong ibig mong sabihin sa career orientation?" tanong niya.

"Dito kasi sa Tahanan, binibigyan ng oportunidad ang mga PWD na i-explore ang mga kaya nilang gawin bilang kabuhayan at career. Basically nandito tayo para lang magbigay ng maiiksing talk tungkol sa mga karera natin at kung paanong kaya rin nilang gawin ang mga iyon. Madalas, ang kailangan ng mga tao ay encouraging words para gumaan ang pakiramdam nila, matutong mangarap at kumilos para tuparin ang pangarap na iyon. Magsasalita ka rin ha?"

Umawang ang mga labi ni Jella para magprotesta pero hindi niya nagawa. May bumikig kasi sa lalamunan niya. Paano siya magbibigay ng encouragement sa iba kung ang sarili niya ay hirap siyang i-encourage?

"Pagkatapos ay titingnan naman natin ang mga produktong ginagawa nila rito. Puwedeng bilhin ang mga magugustuhan natin. Iyon ang fund raising na parte ng event," sabi naman ni Derek.

May lumapit sa kanila na isa sa mga nagtatrabaho sa Tahanang Walang Hagdan para samahan silang pumasok sa loob kaya napunta na sa iba ang usapan. Kaagapay niyang naglalakad si Derek. Para bang naramdaman nito ang tensiyon niya na yumuko ito hanggang sa mailapit nito ang mga labi sa kanyang tainga. "Relax. Maiksing speech lang ang kailangan nila."

Napahugot siya ng malalim na paghinga at tumango.

NAKALIMUTAN na ni Jella ang pag-aalala niya kanina nang nagsisimula na ang event. Mainit at masaya ang naging pagtanggap sa kanila ng mga tao roon at sa totoo lang ay ikinabigla niya iyon. Para bang sa kabila ng iba't ibang kapansanan ay umaapaw pa rin sa pagiging positibo ang mga ito. They are not difficult to encourage because they are willing to listen intently to every speaker.

Natagpuan niya ang sarili na ibinabahagi na rin ang kanyang naging karanasan noong nagsisimula pa lamang siya bilang isang fashion designer. Sa simula ay naiilang siya. Lalo at nakikita niya ang interes sa mga mata ng mga nakikinig. What if they learned that she's now a failure? Ganoon pa rin ba ang magiging ekspresyon ng mga ito? Subalit sa tuwing nag-aalinlangan siya ay napapatingin siya kay Derek na tumatango bilang pagsuporta sa kaniya. Lumalakas ang loob niya at nagkakaroon ng kompiyansa ang kanyang pagsasalita.

Hanggang sa nadala na siya ng mga alaala noong bagong graduate siya at nagsisikap mapatunayan ang kakayahan niya. Bumalik sa kaniya ang mga panahong hindi siya tumitigil sa pagguhit para mahasa ang kanyang kakayahan. Ang mga panahong hindi siya sumusuko kahit anong dagok pa ang dumating sa kaniya matupad lang ang kanyang pangarap. Kahit nang magkagalit sila ng mga magulang niya. Kahit nang magkahiwalay sila ng lalaking mahal niya.

Sandaling napahinto sa pagsasalita si Jella nang bumaha sa kaniya ang reyalisasyon na iyon at may bumikig sa lalamunan niya. Nakalimutan na niya ang pakiramdam niya noon. She had forgotten the tenacity and determination she had back when she was still a no-name designer. Natabunan na ng kasikatang natamasa niya sa nakaraang mga taon at ng kagustuhang mapatunayan sa mga nasa paligid niya na hindi siya mahuhulog sa pedestal na kinatatayuan niya. Her career became just a job. She forgot that it used to be her passion.

Hindi niya alam kung bakit pero bigla siyang napatingin kay Derek. Nagtagpo ang kanilang mga paningin at nakita niya roon ang pag-unawa. Na para bang nakita nito nang sandaling bumaha sa kaniya ang reyalisasyon. Na inaasahan nitong mangyayari iyon sa kaniya kapag nagpunta sila roon.

Uminit ang kanyang mga mata at binawi ang tingin para mahamig ang sarili. Tinapos niya ang kanyang speech at nagpalakpakan ang mga nakikinig na mapalad na mayroon pang mga kamay. May iba kasi roon na wala ng mga iyon. At nagpapaalala iyon sa kaniya na sa kabila ng nangyari sa kaliwang kamay niya, masuwerte pa rin siya na hindi iyon pinutol at nagagamit pa rin niya sa pang-araw-araw niyang buhay.

Ang mas tumagos talaga sa puso ni Jella ay nang maglibot na sila sa exhibit. May mga painting sa isang panig ng maluwag na bulwagan kung saan naka-display ang mga likha ng mga taong may kapansanan. Nakakapanindig balahibo at nakakabagbag ng damdamin ang mga painting. At nang makita niya na ang may gawa niyon ay isang lalaking walang mga braso at daliri sa paa ang ginagamit upang humawak ng paintbrush ay namasa ang mga mata niya. Kinailangan niyang ibaba ang tingin para lang huwag maluha at maipakita sa napakaraming tao roon na apektado siya.

Napakurap siya at nahigit ang hininga nang maramdaman ang bahagyang pagdikit sa kaniya ni Derek hanggang sa halos wala ng distansiya sa pagitan nila. Pagkuwa'y naramdaman niya nang marahan nitong hawakan ang kanyang kamay. Pinaglingkis nito ang mga daliri nila na para bang tahimik siyang pinapakalma. Hindi na siya nagtataka na maging ang pagiging emosyonal niya sa mga sandaling iyon ay hindi nakaligtas sa pansin nito. Noon pa man ay sensitibo sa nararamdaman niya ang binata. Alam din nito kung kailan dapat magsalita at kung kailan tahimik lamang na tatabi sa kaniya. He has always been a source of comfort for her.

Napahinga siya ng malalim at napagtanto na nakatulong ang nearness ng binata para unti-unti siyang kumalma. She squeezed his had appreciatively. Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita niyang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Derek. Saka ito gumanti ng pisil.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon