Part 12

22.5K 502 11
                                    

NOTE: THIS IS A LONG CHAPTER. :)

DAY OFF ni Jella sa pagiging personal alalay ng isang designer sa araw na iyon. At sa mga susunod pang araw dahil nasa ibang bansa ang boss niya para dumalo sa Seoul Fashion Week. Kaya sinasamantala niya iyon sa pagguhit ng mga design na ilang linggo nang naglalaro sa utak niya pero hindi magkaroon ng pagkakataong iguhit sa dami ng pinagawa sa kaniya ng boss niya bago ito umalis. Kahit tuloy ang pag-aaya ng mga katulad niyang assistant na lumabas at mag party sa kung saang dance club ay tinanggihan niya. Una ay kahit mahilig siyang lumabas para mag-unwind ay hindi talaga siya komportable sa dance club. Pangalawa ay may nakita na siyang mas masarap tambayan.

May naglapag ng tasa ng green tea sa lamesa niya at napatingala siya. Agad siyang napangiti nang makita si Derek. Pero hindi ito gumanti ng ngiti at namaywang pa. "Puro kape lang ang laman ng tiyan mo. Alas diyes na ng gabi. Ang sabi mo day off mo, bakit nagtatrabaho ka pa rin?" malumanay ang pagkakasabi nito, hindi pasermon. Lalo lang tuloy siyang napangiti. Kung alam lang ng binata na ito lang ang nakakapagpangiti sa kaniya ng ganoon, ano kayang mararamdaman nito? Oh well, wala pa naman siyang balak sabihin ang tungkol doon.

"It's okay. Nagpapahinga ako. Sketching calms me," sagot niya.

Pinakatitigan siya nito bago bumuntong hininga at umupo sa katapat niyang lamesa. "A superwoman needs a break too, you know?"

Natawa siya. "I'm not a superwoman."

Napangiti na rin si Derek. "Kung hindi ka superwoman dapat nagpapahinga ka ngayon, hindi lang katawan mo kung hindi pati ang isip mo. Dapat nagpapahinga ka sa bahay at natutulog ngayong nagkaroon ka ng break sa trabaho mo."

May kurot na hatid sa kanyang puso ang huli nitong sinabi. Dahil ang bahay nila ang huling lugar na gusto niyang puntahan kung magpapahinga siya. She's trying to stay away from their house as long as possible. Kaya nga walang kaso sa kaniya kung madalas ay sa boutique ng boss niya siya natutulog dahil late na sila natatapos sa trabaho at maaga na naman ang simula kinabukasan. Kaya nga kapag may libre siyang oras ay nagpapaabot siya hanggang pagsasara ng Yellow Ribbon pagsapit ng alas dose ng umaga.

Pinalis niya ang kirot at sa halip ay pilyang ngumiti. Lumiyad siya hanggang bahagya na niyang mailapit ang mukha kay Derek. "Then I might really be a superwoman. Dahil himbis na magpahinga at matulog na katulad ng sinasabi mo, mas gusto ko sanang makipag-date sa guwapong chef na nasa harap ko ngayon."

Lumapad ang ngiti ng binata. Hanggang maging ngisi na iyon at lumitaw ang malalim na biloy sa magkabila nitong pisngi. Lumiyad din ito para lalong paglapitin ang kanilang mga mukha. "Then let's go on a date. Saan at kailan mo gusto?"

"Libre ako the rest of this week."

"Then let's go tomorrow."

Umangat ang kilay niya. "Hindi ka ba kailangan sa kusina bukas? Huwag kang magpabaya sa trabaho mo para lang samahan ako."

"Hindi ako magpapabaya. May ibang nakatalagang maging head chef bukas. Once a week ay binibigay ko ang reign ng kusina sa bunsong anak ng may-ari ng Yellow Ribbon. Parte ng training niya. I'm not going to be here forever but she will," sagot ni Derek.

Natigilan si Jella. "Are you going somewhere?" Hindi niya makinita ang lugar na iyon na wala ang binata. O mas tamang sabihin na hindi niya gusto ang isiping sa susunod na tatambay siya sa Yellow Ribbon ay wala na ito roon. Dahil ang totoo, sa nakaraang mga linggo mula nang magkakilala sila ay si Derek ang pinakamalaking rason kaya siya nagtutungo sa restaurant na iyon. Nakakalma siya at nawawala ang pagod niya makita lang ang mukha nito. Ang makita ang ngiti nito ang pahinga niya sa walang hinto niyang pagtakbo maabot lamang ang kanyang pangarap.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon