Part 10

22.2K 510 4
                                    

NAROON siya upang humingi ng pasensiya sa naging asal niya sa gabi ng kanyang homecoming party. At magpasalamat na rin sa pagpapatahimik sa mga tsismosa nang magdesisyon siyang huwag na tapusin ang pagtitipon at matulog na lamang sa hotel suite niya. Ang mga iyon ang kinakatwiran ni Jella sa isip nang lakas loob siyang pumasok sa restaurant na pagmamay-ari ni Derek.

Sandaling huminto ang pagtakbo ng mga isipin sa utak niya nang makita sa unang pagkakataon ang interior ng restaurant. Maluwag sa loob. Malalaki ang espasyo sa pagitan ng mga lamesa. Mataas ang kisame na may nakasabit na mga chandelier na gawa sa abaca. Filipino style ang kabuuan ng disenyo. Sa isang panig ay may bahagi ng kusina ang nakabukas para makita ng mga customer ang ginagawang plating ng mga order na pagkain. Kahilera niyon ay isang counter naman kung saan ginagawa ang drinks. Mukhang maaari ring umorder ng kape doon dahil naamoy niya ang aroma ng kapeng barako sa paligid.

Sa kabuuan, classy at homey ang Chef Derek's. Katulad ng may-ari.

"Welcome to Chef Derek's! Table for how many, ma'am?" masiglang bati ng isang waitress na lumapit sa kaniya.

Napunta sa bagong dating ang tingin ni Jella. "Mag-isa lang ako."

Bumuka ang bibig ng babae para sumagot nang bigla itong matigilan. Nanigas ang ngiti sa mga labi nito at namilog ang mga mata sa rekognisyon. Itinakip nito ang mga kamay sa bibig na para bang pinipigilan mapatili. "J-jella Perez," hindi makapaniwalang anas ng waitress.

Nailang siya. Pero lihim ding nagpasalamat na napigilan nitong lakasan ang boses. "Pwede na ba akong umupo?"

"Ah. Yes, yes. Follow me ma'am." Tumalikod ang waitress at naglakad papunta sa isang pandalawahang lamesa na katabi ng malalaking bintana. Umupo siya sa isang silya habang titig na titig na naman sa kaniya ang babae. Nang tingalain niya ito ay mukha naman itong nahiya. "Pasensiya na ho. Fashion design student kasi ako at isa kayo sa mga inspirasyon ko kaya nagsisikap akong makatapos. Kaya nga nang marinig namin ang nangyari sa inyo –" Huminto ang waitress, mukhang nanghilakbot bago dumaan ang guit sa mukha. Tumikhim ito at mabilis na inilapag ang menu sa harapan niya. "I'll take your order ma'am. Pasensiya na sa kadaldalan ko."

Tumango na lang si Jella at itinutok ang tingin sa menu kaysa maapektuhan ng mga salitang alam niyang sasabihin sana ng waitress. Lahat ng putahe ay hindi pamilyar sa kaniya. Marahil ay mga recipe na nabuo noong hindi na sila magkasama ni Derek. Mayroon ding dessert sa menu kahit sa pagkakatanda niya ay hindi nito specialty iyon. He used to try making different desserts at home. Pero ayon dito ay hindi pang restaurant ang kaledad niyon. Na mas magaling pa rin daw itong gumawa ng main dish. Bigla ay hinahanap-hanap ng panlasa niya ang simple at pambahay na luto ng binata.

"Nakapili ka na ba ma'am?" untag ng waitress.

Kumurap siya. Sinabi niya ang pagkaing hinintuan ng kanyang mga mata. Pagkatapos ay inabot na niya rito ang menu. Muntik na niyang itanong kung nasaan si Derek pero napigilan niya ang sarili. Hindi rin niya alam kung bakit nagpigil siya. Marahil ay tumatanggi ang kanyang pride na ipahalata na ito ang talagang pakay niya sa restaurant na iyon at hindi ang pagkain. Bago pa siya muling makapagsalita ay nakalayo na ang waitress. Huminga na lang siya ng malalim at itinutok ang tingin sa labas ng bintana.

Maya-maya ay naramdaman niya ang paglapit ng kung sino sa lamesa niya at naglapag ng pagkain. Napaderetso siya ng upo nang makita niya sa salamin ng bintana ang repleksiyon ng bagong dating. Napalingon siya.

"Here's your order ma'am," mapanudyong sabi ni Derek at mainit siyang nginitian.

SUOT pa rin ng binata ang chef's uniform nito. Aware din si Jella na nakatingin ang mga customer kay Derek. Hindi nakapagtataka dahil sa isang restaurant na katulad niyon, celebrity ang tingin ng mga customer sa head chef. Lalo at ito rin ang may-ari.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon