"Derek?"
Kumurap siya at napaderetso ng tayo nang mapagtanto na nakatayo na sa harap niya si Jella. Bumalik sa kasalukuyan ang isip niya pero ang emosyon ng nakaraan ay nag-iwan ng kahungkagan at kirot sa dibdib niya ngayon. Napahugot siya ng malalim na paghinga. Paulit-ulit.
"What's wrong?" tanong ni Jella, may pag-aalala na sa mukha.
Umiling siya at pilit na ngumiti. Nakaraan na iyon. Narito sa harap niya ang kasalukuyan. Mapalad siya na bumalik ito. Mapalad siyang magkaroon ng pagkakataong makasamang muli ang babaeng akala niya ay hindi na niya ulit makikita pa.
Inabot niya ang kaliwang kamay ng dalaga at inilapit iyon sa kanyang mga labi. Masuyo niyang hinalikan ang likod ng kamay nito. Pagkuwa'y dinampian niya ng munting mga halik ang bawat daliri. At saka inilapat ang mga labi sa palad nito.
"Derek?"
Nag-angat siya ng mukha, inilapat ang palad ni Jella sa kanyang dibdib kung nasaan ang puso niya at saka ito masuyong nginitian. "Walang problema," anas niya.
HINDI alam ni Jella kung bakit uminit ang gilid ng mga mata niya nang makita ang ngiting iyon ni Derek. Mas lalong hindi niya ipaliwanag ang pakiramdam na tila nilalamutak ang sikmura niya habang nadarama niya sa kanyang palad ang mabilis na tibok ng puso nito.
Napahinga siya ng malalim para hamigin ang sarili. Na mahirap gawin kung ipagpapatuloy ng binata ang pagtitig nito sa mukha niya. Tumikhim siya at pasimpleng hinigit ang kamay niya palayo sa dibdib nito at humakbang palayo upang magkaroon sila ng distansiya. Wala siyang tiwala na mapapanatili niya ang rasyonal na takbo ng utak niya kung mananatili silang halos magkadikit.
"Pasensiya ka na kung natagalan ako sa pakikipag-usap sa cellphone. Masyadong excited ang agent ko at hindi ko magawang magpaalam agad." Napatingin siya sa lamesa kung saan nakahain na ang pagkain. "Kumain na tayo."
"Bakit siya excited?" kaswal na tanong ni Derek nang pareho na silang nakaupo sa maliit niyang dining set para kumain. Nang sulyapan niya ang mukha nito ay wala na ang emosyong nakita niya roon kanina. Lihim siyang nakahinga ng maluwag dahil doon.
"Natabunan na kasi ng ibang isyu ang naging eskandalo ko bago ako umalis ng New York. Isang celebrity couple ang nagkabalikan kailan lang at ngayon buntis daw ang babae. Sikat sila at mas gossip worthy kaya ngayon nakalimutan na nila ako. Kaya ang kailangan ko na lang daw ay makagawa ng mga bagong disenyo para magkaroon ako ng comeback fashion collection."
"Magandang balita iyon, hindi ba?" nakangiting tanong ni Derek.
Bumuntong hininga siya. "Hindi naman ganoon kadali iyon," sagot niya habang sumasandok ng pagkain at nilalagyan ang plato sa harapan ng binata. Naglalagay na siya ng pagkain sa sariling plato nang mapagtanto niya kung ano ang ginawa niya. Napatingala siya sa mukha ni Derek at nakita niyang kumikinang ang mga mata nito at may mainit na ngiti sa mga labi. Patunay na napansin din nito ang ginawa niya. Hindi niya napigilan. She was used to doing it when they were living together.
Tumikhim si Jella. "Anyway, hindi madali ang gumawa ng designs para sa isang collection. Noon kaya ko pero ngayon..." Umiling siya.
"Nag-eensayo ka gumuhit araw-araw, hindi ba? Makakaya mo iyan."
Bumuntong hininga siya. "Inaamin ko na unti-unti nang bumubuti ang hitsura ng mga ginuguhit ko. Pero hindi pa rin iyon sapat para makagawa ako ng disenyo ko na puwede kong ipakita sa iba. Iyong mga komplikadong detalye ng mga damit na signature Jella Perez, hindi ko pa magawa."
"Hmm," tanging sagot ni Derek at sumubo ng pagkain. Pero nakikita niyang nag-iisip ito. Kumain na rin siya at nakailang subo nang muling tumingin sa kaniya ang binata. "May napansin ka ba nang una kang pumasok sa Chef Derek's?"
"It feels like you," mabilis na sabi niya.
Ngumiti ito, halatang natuwa sa kanyang sagot. "Bakit hindi ganoon ang gawin mo sa mga design mo? Make it feel like you."
"Like me? Anong ibig mong sabihin?" litong tanong niya.
"Hindi ako eksperto sa fashion. Jella, kahanga-hanga ang mga gawa mo. But I feel that you did all your designs to impress. I think in any form of art, actually, in everything that we do, we must do it to express who we are. Katulad ng condo mo. Mula sa mga muwebles hanggang sa kung paano mo inayos ang mga iyon dito, ginawa mo para ipakita kung anong klase kang tao."
Natigilan si Jella sa sinabi nito. Pagkatapos ay napatingin sa bahagi ng living room na tanaw mula sa kinauupuan niya. Simple at classic pieces ang mga muwebles na binili niya. Pero may mga design pieces lang siyang idinagdag katulad ng tatlong abstract painting na nakasabit sa pader ng living room niya, isang lamp shade na makulay, mga kurtina na katerno ng lamp shade at mga throw pillow na ganoon din ang disenyo. Marami pang ganoong klase ng display sa buong condo niya pero hindi makalat at crowded tingnan. She prefers her home simple, classic and with a slight touch of playful colors.
Bigla ay may bumahang ideya sa isip niya. Hindi niya kailangan ipilit ang dati niyang istilo na detalyado at komplikado. She can just play with colors and make her designs simple yet classy. Nanlalaki ang mga matang napatingin siya kay Derek na ngiting ngiti naman.
Mabilis na napatayo si Jella. "Kailangan ko ang sketchpad ko."
"Go ahead," naaliw na sagot ng binata.
Patakbo siyang umalis ng kusina, mabilis ang tibok ng puso sa pagkasabik dahil sa mga imaheng naglalaro sa isip niya. Kailangan niya maiguhit ang mga iyon kahit hindi pa pulido.
"You can thank me with a kiss, later, babe!" pahabol na sabi ni Derek.
Babe. Nakakakiliting marinig muli iyon sa mga labi ng binata matapos ang maraming taon. A kiss? Oh yes, she will. She will kiss him senseless for giving her the inspiration she badly needed. Pero higit sa lahat, hahalikan niya ito dahil iyon ang nais niyang gawin mula pa nang makita niya ito sa homecoming party niya. Hahalikan niya ito sapagkat iyon ang sinisigaw ng puso niya.
Napagtanto niya na noon ay palaging nangyayari iyon. Na sa tuwing kailangan niya ng inspirasyon, makausap lang niya si Derek ay bumabaha na ulit ang creativity niya. Kung paano nito nagagawa iyon sa kaniya ay hindi niya alam. Maybe he simply brings out the best in her. Siya kaya, ano ang nagagawa para sa binata maliban ang saktan ito? She wished she can do something for him too.
May bumikig sa lalamunan ni Jella nang maisip iyon pero pilit na lamang niyang binalewala. Nahawakan na kasi niya ang kanyang sketchpad at nagsimula na gumuhit.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)
RomanceJella gave up everything to become a successful fashion designer in New York. Malapit na niyang maabot ang tagumpay nang isang eskandalo ang sumira sa kanyang career. Wala siyang choice kundi ang bumalik sa Pilipinas, kahit nangangahulugang kailanga...