Part 13

19.9K 456 6
                                    

KINAILANGAN ni Jella na humugot ng malalim na paghinga para lamang palisin ang alaala ng nakaraan sa isip niya at harapin ang kasalukuyang sitwasyon. Napatitig siya kay Derek na inaayos na ang mga dalang pagkain sa maliit na lamesa. Kaswal pa itong nakaupo sa sofa sa tapat niyon na para bang normal lang na naroon ito sa hotel suite niya.

"What are you up to?" kunot ang noo na tanong niya.

Nag-angat ng tingin si Derek at nakaangat ang mga kilay na ngumiti. "Pakakainin lang kita. Sabi ko sa iyo puwede ka tumambay sa restaurant pero hindi ka na bumalik mula noong nagpunta ka roon. Kaya sigurado ako na nagkukulong ka lang dito."

Humugot ng malalim na paghinga si Jella. "Paano mo nalaman kung nasaan ang suite ko? Mariin kong ibinilin sa receptionist na itatawag muna sa akin kapag may naghahanap sa akin."

"Hindi ako sa receptionist nagtanong," sagot ni Derek. Pagkatapos ay iminuwestra siya nitong lumapit nang tila matapos na nitong ayusin ang mga pagkaing dala nito sa lamesa. "Kumain ka."

"Kanino mo nalaman?" kunot noong tanong niya, hindi tuminag sa pagkakatayo.

"Kay Janine. Huwag mo siya irereklamo. Kinulit ko siya hanggang mapikon na siya sa akin. Her family owns this hotel."

Babae. Alam niya na babae ang tagapag-mana ng Visperas Hotel. Pero hindi niya naisip na kilala ito ni Derek. May closeness sa paraan ng pagbanggit ng binata sa pangalan ni Janine. Pinalis niya ang hindi magandang pakiramdam sa sikmura niya sa isiping iyon. Umiling siya, nalaglag ang mga balikat at naglakad palapit sa lamesa. Umupo siya sa couch na katapat ng kinauupuan nito.

"Marami ka bang libreng oras para dalhan mo pa ako ng pagkain? Pupunta ako sa restaurant kapag nagutom ako," sabi ni Jella.

"I don't think you will come back," sagot ni Derek.

Hindi siya nakasagot. Napatitig lang sa mga pagkaing nakahain. Dahil tama ito. Tahimik na inabutan siya ng binata ng kubyertos at pasukong tinanggap niya ang mga iyon. Kumalam na rin ang kanyang sikmura dahil sa aroma ng mga pagkaing dala nito. Nagpapadeliver naman siya ng pagkain mula sa restaurant sa ground floor ng Visperas Hotel kapag nagugutom siya. Pero hindi pa nga lamang niya nagagawa iyon ngayong araw.

Nagsimula siyang kumain. Nang sulyapan niya si Derek ay may munting ngiti sa mga labi nito habang pinagmamasdan siya. Kumunot ang noo niya. "Huwag mo akong titigan lang. Sabayan mo ako kumain. Hindi ko kayang ubusin ang mga ito."

Lumawak ang ngiti nito at naglabas ng isa pang pares ng kubyertos. "Hindi pa nga ako kumakain," sabi nito bago nagsandok din at nagsimulang kumain.

Si Jella naman ang nahinto sa pagsubo at hindi napigilang hindi pagmasdan si Derek habang kumakain. Katulad pa rin noon ay mabagal ngumuya ang binata. Alam niya na iniisa-isa nito sa isip ang bawat sangkap na nalalasahan sa putahe na iyon. Pagkatapos ay ninanamnam ang kabuuang lasa at kapag nasarapan ay kuntentong ngumingiti.

Noon pa man ay alam na niya na ang pagharap nito sa pagkain ay katulad ng pagharap nito sa buhay. Alam nito kung kailan babagalan ang kilos para namnamin ang bawat sandali. Alam nito kung kailan hindi tama ang magmadali. At kapag nakakaranas ng bagay na nagbibigay dito ng contentment ay palaging may mainit na ngiti sa mga labi. Katulad ng kung paanong malinis at simple ang presentasyon ni Derek sa mga putaheng inihahanda nito, ganoon din kasimple ang gusto nito sa buhay.

Hindi katulad niya. She never dreamt of a simple life. Kaya nga lakas loob siyang nagtungo sa New York upang tuparin ang mataas niyang ambisyon. She never stopped moving to reach her goals. Kahit sa pagkain, noon pa man ay subo lang siya ng subo para lang mabusog. Hindi niya inaabala ang sarili sa pagnamnam sa lasa niyon o sa pag-alam kung ano ang mga rekado. Dahil para sa kaniya ay pagsasayang lamang iyon ng oras.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon