Part 28

19K 423 14
                                    

HINDI inaasahan ni Derek na mauuwi sa pagbabalikan nila ni Jella ang pagpunta niya sa condo nito. Pero hindi siya nagrereklamo. Katunayan ay natutuwa pa siya na dumating ang pagkakataon na iyon. Kaya nga hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

Dalawang linggo na mula nang huli silang nagkaharap at hindi niya natiis na hindi ito makita o marinig man lang ang boses nito kaya nang makakuha ng libreng oras ay sumugod siya agad doon. Nang makahalata siya na iniiwasan siya ng dalaga ay parang may sumuntok sa dibdib niya. Pero nang malaman na niya ang rason nito ay nabuhay agad ang dugo niya. Higit sa lahat ay ang pag-asa na mahal pa rin siya nito. That she still wants him. Kaya nang makompirma niya ang nadarama nito ay labis ang pagpipigil niyang halikan ito ng mariin sa mga labi. Nakuntento na lang siya sa pisngi sapagkat nadarama niya ang alinlangan ng dalaga.

Naiintindihan naman ni Derek kung bakit ganoon ang nararamdaman si Jella sa pagbabalikan nila. Binanggit nito ang pamilya niya. At kahit na sinabi niyang siya naman ang makakarelasyon nito ay batid din niya na mahalaga para sa kaniya ang pagsang-ayon ng mga magulang at kapatid niya. Mahalaga sa kaniya na tanggapin at mahalin din ng mga ito ang dalaga.

Bagay na magiging mahirap ngayon. Si Dina nga lang ay natutulili na siya sa panenermon at pang-ha-harass sa kaniya mula nang malaman nito na nagkikita na ulit sila ni Jella. Mabuti na lang at umuwi na ang kapatid niya sa Pampanga kung saan ito nakatira kasama ang mga magulang nila. Hindi na sa personal at sa cellphone na lamang siya araw-araw na sinesermunan.

"Nakalimutan mo na ba ang ginawa sa iyo ng babaeng iyon, kuya? Sinaktan ka niya! I was there, remember? I saw the moment she broke your heart. Hindi ako papayag na bumalik siya sa buhay mo. Hindi na siya tatanggapin nila Tatay at Nanay." Iyon ang palaging sinasabi ni Dina na sa tuwina ay buntong hininga lang ang naisasagot niya.

Sinulyapan ni Derek si Jella na kasalukuyang nasa living room ng condo nito at may kausap sa telepono. Agent diumano ng dalaga sa New York. Masaya siya na bumabalik na ulit ang passion nito sa career at gumuguhit na itong muli. Sa kabilang banda ay may kumukudlit sa dibdib niya sa isiping ang kahulugan niyon ay aalis na naman ito. Binabalewala niya ang pakiramdam na iyon. Inihanda na niya ang sarili nang makita niya ito sa homecoming party at mapagtanto niyang ito pa rin ang babaeng laman ng puso niya. She will always be the only one. Kailangan na lang niya ito kumbinsihin na sa pagkakataong iyon ay mag-wo-work na ang relasyon nila. Kailangan din niya kumbinsihin ang pamilya niya.

Sa naisip ay napabuntong hininga si Derek. Tapos na siyang magluto at nakahain na. Hinihintay na lamang niya si Jella para makakain na sila. Subalit mukhang matatagalan pa ito. Wala sa loob na natutok ang tingin niya sa kaliwang kamay ng dalaga. Partikular sa mga daliri nito. Para sa isang taong nagtatrabaho sa fashion industry ay hindi mahilig sa accessories si Jella. Ni minsan ay hindi niya ito nakitang nagsuot ng singsing.

Pinangarap niya noon na suotan ng singsing ang daliri nito.

I saw the moment she broke your heart, paulit-ulit na sinasabi sa kaniya si Dina. Sa totoo lang ay hindi na kailangan pa ipaalala ng kapatid niya ang tungkol doon. Malinaw niyang naaalala ang nakaraan sa kabila ng pagiging abala niya sa negosyo at sa masayang pagkakaibigan nila ng mga residente ng Bachelor's Pad. Naghilom na ang sakit na naramdaman niya noon. Pero minsan lalo na kapag mag-isa siya ay bumabalik pa rin ang alaala. Bumabalik iyon sa kaniya ngayon, habang nakatitig kay Jella. Napasandig siya sa kitchen counter at napahugot ng malalim na paghinga. Subalit dumaloy pa rin ang agos ng nakaraan.

NATULALA ang pamilya ni Derek nang sabihin niya ang kanyang plano para sa kanilang dalawa ni Jella. Isang araw iyon pagkatapos niyang dalhin ang dalaga sa bahay nila sa Pampanga para pormal itong ipakilala sa mga magulang at kapatid niya. Natawa siya sa reaksiyon ng mga ito.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon