HINDI nagpakita sa Yellow Ribbon restaurant si Jella sa araw na iyon. Nagtaka si Derek sapagkat hindi pumapalya sa pagpunta ang dalaga mula nang maging opisyal silang magkasintahan. Kahit nga pasara na sila ay dumarating pa rin ito para magkape at gumuhit habang hinihintay siya. Kaya nang lumabas siya ng restaurant pagsapit ng alas dose ng madaling araw at makita niyang nakatayo sa tabi ng sasakyan niya ang dalaga ay nagkaroon siya ng kutob na may hindi tama.
Mabilis siyang naglakad palapit dahil kahit nakatalikod si Jella ay nakikita niya ang tensiyon sa katawan nito. "Babe?" untag niya rito.
Umigtad ito at mabilis na pumihit paharap sa kaniya. Natigilan si Derek at parang may sumipa sa kanyang sikmura habang nakatitig sa mukha ng dalaga. Ilang segundo ang lumipas ay nilamutak ng galit ang dibdib niya. "Anong nangyari sa pisngi mo?" tanong niya sa pilit pinapalumanay na tinig. Namamaga ang kanang pisngi nito na para bang may sumampal. Kumuyom ang mga kamao niya. "Sino ang may gawa niyan?"
Namilog ang mga mata ni Jella nang hindi na niya naitago ang galit sa kanyang tinig. Lumipad ang kamay nito sa pisngi. "Halata ba?" mahinang tanong nito.
Tumiim ang bagang niya. "Hindi mo sinasagot ang mga tanong ko."
Huminga ng malalim ang dalaga at sumandal sa gilid ng kotse niya. "Huwag kang magalit. Nanay ko lang ang may gawa nito. It's a family matter so you cannot really do anything about it. I'm fine. Sampal lang ito. Mawawala rin ang sakit bukas."
Nalukot ang mukha niya sa tono nito na para bang normal lang na sinasaktan ito ng ina. Huminga siya ng malalim upang kalmahin ang sarili. "Nag away kayo?"
Tumaas ang noo ni Jella. "Hindi lang away. Gera. We made a bet that I must win. Pero habang hindi pa ako nananalo ay hindi na ako maaaring tumapak sa pamamahay nila. I am officially homeless." Bago pa makahuma si Derek na hirap siyang gawin dala ng pagkabigla ay dumeretso na ng tayo ang dalaga, lumapit sa kaniya hanggang ilang pulgada na lamang ang pagitan ng kanilang mga mukha at ngumiti. "Nagpunta lang ako para makita ang mukha mo. Kailangan ko humanap ng matitirhan kaya hindi ko ma-a-afford tumambay sa restaurant ninyo mula ngayon. So I want to look at your face to last me at least a few days." Tinitigan nga nito ang kanyang mukha at nang tila hindi nakuntento ay umangat ang mga kamay at lumapat sa magkabila niyang pisngi. Lumambot ang ekspresyon nito at naging mainit ang ngiti. "Tingnan mo nga. Okay na ako. Sabi ko na nga ba kailangan lang kita makita."
Bahagya itong lumayo at noon siya natauhan. Mabilis na hinawakan ni Derek ang mga kamay ni Jella bago pa nito tuluyang mabawi ang mga iyon. "Saan ka pupunta?"
"Sa opisina ng boss ko. May susi ako. Doon muna ako matutulog. Bukas na ako maghahanap ng matutuluyan."
Humigit ang hawak niya sa mga kamay nito. Hindi niya gusto ang isiping mag-isa ang dalaga sa opisina ng buong magdamag. Delikado. "Sumama ka sa akin." Hinigit niya ito at binuksan ang pinto sa passenger's seat ng kotse niya.
"Saan?" takang tanong ni Jella.
Hinarap niya ito. "Sa apartment ko. Doon ka magpalipas ng gabi himbis na sa kung saan. Hindi kita papayagan matulog sa opisina ng boss mo." Napamaang ito sa kaniya. Sinalubong niya ng determinadong tingin ang mga mata nito. Nakikita niya na tatanggi si Jella. Madalas ay nirerespeto niya ang mga desisyon nito pero sa pagkakataong iyon ay hindi siya magpapatalo.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)
RomanceJella gave up everything to become a successful fashion designer in New York. Malapit na niyang maabot ang tagumpay nang isang eskandalo ang sumira sa kanyang career. Wala siyang choice kundi ang bumalik sa Pilipinas, kahit nangangahulugang kailanga...