Part 14

19.3K 473 18
                                    

PAGSAPIT ng weekend ay tinawagan din naman ni Jella si Derek para sa pagpunta nila sa Real Estate Company. Iyon lang, nasa gusali na siya ng kompanya nang tawagan niya ito. May nakausap na siyang agent at pinapakitaan na siya ng mga brochure nang dumating ang binata. Pinangunutan siya nito ng noo nang makita siya at namaywang pa bago lumapit at umupo sa bakanteng silya sa tabi niya. Nagulat ang agent na kausap niya.

"Oh. For couple ba ang condo na gusto ninyo? Then I will show a different brochure –"

"No. Para lang sa akin," mabilis na sagot ni Jella.

Sandaling pinagpalit-palit ng agent ang tingin sa kanilang dalawa bago ipinagpatuloy ang pagpapaliwanag ng bawat brochure na ipinapakita sa kaniya. Maya-maya pa ay nakikisali na si Derek sa pagtatanong at pagpili ng condominium building kung saan siya titira. Sa simula ay nais niyang mainis na nangingielam ito. Pero hindi niya iyon magawa. Sa halip ay may dumaang emosyon sa dibdib niya na hindi niya maipaliwanag. Ayaw niyang aminin pero sa loob ng anim na taong pag-iisa sa New York, may mga pagkakataong nagigising siya na nangungulila siya sa pag-aalala at pag-aalaga ng binata. May mga pagkakataong hinahanap-hanap niya ang may kasamang nagdedesisyon kahit sa pinakasimpleng pagpili lang ng kakainin para sa hapunan.

"Jella," untag ni Derek.

Kumurap siya. Saka lamang niya napagtanto na nakatitig lang pala siya sa mukha nito. Dumeretso siya ng upo at dahan-dahang binawi ang tingin para magmukhang walang anuman sa kaniya na nahuli siya nitong nakatitig. Inalis niya ang ekspresyon sa kanyang mukha nang mapagtantong maging ang agent ay nasaksihan ang pagtitig niya sa mukha ng binata.

"Posible bang makita ko ngayong araw ang unit? Gusto kong makalipat sa lalong madaling panahon," sabi niya.

"Sure," mabilis at natutuwang sagot ng agent. Tumayo ito at nagpaalam sandali para kunin daw ang susi at iba pang kailangan sa pagbisita nila sa condo.

Naiwan sila ni Derek. Hinintay niya na magkomento ito sa pagtawag niya rito kung kailan naroon na siya. Pero himbis na gawin iyon ay nginitian pa siya nito. "Maganda ang lokasyon ng condominium building na napili mo."

Tumikhim siya. "Hindi lang ako ang pumili. Tinulungan mo ako. Salamat."

"It's my pleasure," sagot nito na uminit ang ngiti. May sasabihin pa yata ito pero lumampas ang tingin sa kaniya at parang may nakitang kakilala dahil itinaas nito ang kamay bilang pagbati. Napalingon siya.

Isang matikas at guwapong lalaki na nakasuot ng itim na suit ang papalapit at nakaangat ang mga kilay habang nakatingin sa direksiyon nila. Moreno ang lalaki. Mukhang suplado. "Anong ginagawa mo rito Derek?" tanong nito nang makalapit sa kanila.

Tumayo si Derek. Nakipagtapikan ng balikat sa lalaki bago itinaas ang brochure na hawak nito. "Kukuha ng condo unit."

Lalong kumunot ang noo nito. "Balak mo bang lumipat ng tirahan?"

Tumawa ang binata. "Of course not. Masaya ako sa Bachelor's Pad. Hindi para sa akin. Para sa kaniya. She's Jella Perez."

Tumayo siya nang mapunta sa kaniya ang atensiyon ng lalaki. "Jella, siya si Benedict Barcenas."

Nakipagkamay sa kaniya ang may-ari ng Real Estate company na iyon. Sandaling pinagmasdan nito ang mukha niya at may nakita siyang kislap ng rekognisyon sa mga mata nito na agad ding nawala nang maghiwalay ang mga kamay nila. "So, saan mo napili?" tanong ni Benedict.

Sinulyapan niya ang brochure na hawak. "The City Oasis. Mukhang maganda. Gusto ko na ang tema ng gusali ay resort style. At interesante na para talaga sa mga single ang condominium na ito."

Ngumiti ang lalaki. "Good choice."

Dumating ang agent na kausap nila at nanlaki ang mga mata nang makita si Benedict. Kinausap ito ng lalaki na ideretso sa sekretarya nito ang kung ano mang mapag-uusapan nila. Saka nagpaalam sa kanila dahil may meeting pa daw itong pupuntahan.

Tinapunan ni Jella ng tingin si Derek nang naglalakad na sila palabas ng gusali habang nasa unahan nila ang agent. "Paano mo nakilala si Benedict Barcenas?"

Ngumiti ang binata. "Through a common friend. At magkapitbahay kami."

May pakiramdam siyang malaman ang tipid na sagot nito pero hindi na siya nagkomento. Nakarating na kasi sila sa parking lot. Wala siyang kotse sa Pilipinas, naiwan niya sa New York ang sasakyan niya kaya nag-taxi lang siya nang magpunta sa Barcenas Real Estate. Si Derek may dalang sasakyan kaya sa binata sila sumabay ng agent papunta sa condominium building.

Wala pang kalahating minuto ay narating na nila iyon. Isang tingin pa lamang ni Jella sa gusali ay humanga na agad siya sa hitsura niyon. Lalo na nang ilibot na sila sa loob. Nauna ang mga amenities at panghuli ay ang mismong unit. Wala iyong kalaman-laman at ang unang nakakuha ng kanyang atensiyon ay pagbukas ng pinto makikita kaagad ang malaking glass French doors papunta sa maluwag na veranda na magandang punuin ng mga halaman at isang couch at coffee table. Nakinita din agad niya ang magiging disenyo ng unit na iyon.

She fell in love with it. Kahit pa ayaw talaga niyang ma-attach sa lugar na iyon. Dahil hindi naman siya sigurado kung magtatagal siya sa Pilipinas.

Sa huli ay binili rin niya iyon. Mabilis ang naging proseso at binigyan siya ni Benedict ng discount. Nang sumunod na linggo ay bumili na siya ng kama para sa kuwarto niya. Para lang may matulugan at nang makapag-check out na siya sa hotel.

Kararating lang niya sa bago niyang unit ay tumawag na si Derek. "Where are you?"

"Sa unit ko. Nag-check out na ako sa hotel."

Sandaling katahimikan. "Namili ka na nang hindi ako isinasama, tama ba ako?"

Naitirik ni Jella ang mga mata. "Kama lang. Para may matulugan ako. Bukas ko pa balak tumingin ng mga furniture. At para lang malaman mo, alam ko na hindi praktikal ang magpapasok ng mga estranghero sa unit ko na ako lang ang tao dito kapag nagpadeliver ako. Plano kong tawagan ka para magpasama sa pamimili."

"Good. Anong oras?"

Napailing siya. Kahit sa cellphone lang ay naririnig niya ang masayang ngiti sa tinig ni Derek. Sinabi niya rito ang oras at agad din itong nagpaalam. Narinig niya na maingay sa background kaya malamang ay nasa restaurant ito. Nakuha pa siyang tawagan kahit mukhang abala ito.

Napatitig siya sa kanyang cellphone at napaisip kung tama bang nakikipagkita siya ng ganoon sa dati niyang nobyo. Tama yata si Keith. They are a weird ex-couple. Pero tama din naman si Derek. Wala siyang ibang malalapitan at walang ibang handang tumulong at umintindi sa kaniya sa Pilipinas kung hindi ang binata lang. Ayaw na niyang magmatigas pa at tanggihan ito. Bukod sa gumagaan ang kanyang pakiramdam kapag kasama ang binata.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon