Part 15

19.1K 439 6
                                    

HULI na nang mapagtanto ni Jella ang magiging reaksiyon ng mga tao kapag pumasok siya sa isang Home Depot na may kasamang lalaki. Sa bedroom section sila unang dinala ng staff na nag-a-assist. Ipinakita ang mga double bed na matitibay daw. Bagay na bagay para sa mga 'bagong kasal' na katulad daw nila.

Tumawa si Derek. Tumiim ang mga labi niya at tinapunan ito ng matalim na tingin. Pagkatapos ay binalingan niya ang staff. "Hindi kami bagong kasal. At may kama na ako. Can we check out other sections please?"

Humingi ng tawad ang staff at mabilis silang dinala sa living room section. Nang sulyapan niya si Derek ay napapangiti pa rin ito na para bang may naiisip na nakakaaliw.

"Bakit ka nakangiti?" hindi nakatiis na tanong ni Jella.

Napasulyap ito sa kaniya. "Naisip ko lang na noon, nakinita ko ang sarili ko na kasama kang namimili ng mga gamit sa bahay. Kaya natawa ako na napagkamalan tayo ng staff na bagong kasal."

Napahinto siya sa paglalakad at napamaang sa binata. Bago pa siya makaisip ng maaaring sabihin ay napunta na sa harapan nila ang tingin nito. "That living room set looks good. Tingnan natin."

Napatitig siya sa likuran nito nang tumimo sa kaniya ang implikasyon ng sinabi nito. Naka-move on na talaga ito sa namagitan sa kanila anim na taon na ang nakararaan kung nagagawa nitong kaswal na buksan ang paksang iyon.

Huminga ng malalim si Jella. Niluwagan ang mga kamao na hindi niya namalayang naikuyom niya pala. At nang lumingon si Derek sa kaniya para imuwestra siyang lumapit ay itinaas niya ang noo at tumalima.

PAGKATAPOS nila mamili ay naaya siya ng binata sa restaurant nito upang kumain muna. Hapon pa kasi maidedeliver ang mga muwebles na napili niya. Ilang oras pa silang maghihintay kaya pumayag na siya. Baka kasi kailangan din ito sa restaurant at ayaw lang sabihin sa kaniya.

Napakaraming kumakain sa Chef Derek's nang dumating sila. Higit na mas marami kaysa noong nagpunta siya roon. Napansin ni Jella na halos lahat ay dessert ang kinakain at sa green board na nakadikit sa pader ng drinks counter ay may mga nakasulat na pangalan ng mga panghimagas.

"Ano iyon?" hindi nakatiis na tanong niya at itinuro ang board. Napatingin doon si Derek. Natigilan siya nang makita ang biglang pagsilay ng mainit na ngiti sa mukha nito at masuyong kumislap ang mga mata.

"Ah. Special desserts. Hindi kasama sa official menu dahil hindi regular na ginagawa ng patissier ang mga iyan. Ang mga special dessert ang dinadayo ng iba sa mga customer ng Chef Derek's." Bumalik ang tingin sa kaniya ng binata. "Kadarating lang niya galing sa isang food convention sa Hong Kong."

"Siya iyong sinundo mo sa airport?" tanong ni Jella nang iginiya na siya ni Derek sa isang pandalawahang lamesa. Pinaghatak siya nito ng silya. Umupo siya.

"Oo siya iyon," sagot nito at umupo na rin sa katapat niyang silya. "Subukan mo ang special dessert niya. Magugustuhan mo dahil mahilig ka sa sweets."

Tumango na lang siya. Hindi niya alam kung bakit hindi siya komportable sa nahihimigang pride at affection sa boses ni Derek habang ibinibida sa kaniya ang patissier nito. Mayroon siyang hindi maipaliwanag na kutob.

Nagkaroon ng linaw ang nararamdaman niya nang matapos nilang kumain ng main course ay may naglapag ng dessert sa kanilang lamesa. Napatingala si Jella. Isang babae na mukhang nasa early twenties ang edad ang nakita niya. Nakasuot ng puting uniporme na katulad ng kay Derek kapag nakatao ito sa kusina. Maganda ito. Slim ang pangangatawan. Maputi at makinis ang kutis. Mukha itong koreana. Namaywang ito at sa binata nakatingin. "Akala ko naman kung anong gagawin mo ngayong araw kaya wala ka sa kusina. Nakikipag-date ka lang pala."

Umangat ang kilay ni Jella. Hindi niya gusto ang tono ng babae. Pero si Derek ay tumawa lang at tumayo pa. Napaderetso siya ng upo nang akbayan nito ang babae. "Pagbigyan mo na ako. May gusto akong ipakilala sa iyo, 'Tine." Pinihit nito ang babae paharap sa kaniya. "Siya si Jella. Jella, this is Celestine. Siya ang patissier ng Chef Derek's."

Nagtama ang paningin nila ng babae. Pareho silang hindi nakangiti. Ilang segundo ang lumipas nang kumurap si Celestine at makita niya ang rekognisyon sa mga mata nito. Manghang napalingon ito kay Derek. "Jella? The same Jella..."

Nawala ang ngiti ng binata, sumulyap sa kaniya bago ibinalik ang tingin sa babae. "Yes." Maaliwalas pa rin ang ekspresyon ni Derek pero seryoso ang tono nito. Wari'y nagbababala.

Napagtanto niya na alam ng babae ang tungkol sa nakaraan nila ng binata. Ibig sabihin ay hindi lamang simpleng business partners ang relasyon ng mga ito. Kilala niya ang binata at alam niyang hindi ito ang tipong nagkukuwento ng personal at pribadong impormasyon sa iba maliban na lamang kung talagang malapit ito sa taong iyon.

Nagtitigan ang dalawa, nag-uusap ang mga mata. Sumama ang pakiramdam ng sikmura ni Jella. Nag-iwas siya ng tingin at tumingin sa wristwatch niya. Isang oras pa lang sila sa restaurant. Hinablot niya ang kanyang bag at dinukot ang wallet niya mula roon. "Magkano ang mga kinain ko?" tanong niya. Gusto niyang palakpakan ang kanyang sarili dahil kaswal at halos indifferent ang naging tono niya.

Sabay na napatingin sa kaniya ang dalawa na noon lang natapos magtitigan. Naglapag siya ng pera sa lamesa at tumayo.

"Saan ka pupunta?" manghang tanong ni Derek.

Tiningnan niya ito. "Uuwi na. Doon ko na lang hihintayin ang delivery. Salamat sa pagsama mo sa akin mamili. Kaya ko nang gawin ang pag-aayos mamaya." Saka niya tiningnan si Celestine na titig na titig sa kaniya. Tinanguan niya ito bilang pagbati dahil hindi niya magawang sabihing nagagalak siyang makilala ito. Ayaw din niyang magmaldita dahil wala naman siyang karapatang gawin iyon. Lihim siyang huminga ng malalim at ibinalik ang tingin sa binata. Tipid siyang ngumiti. "Aalis na ako. Thank you." Saka siya taas noong naglakad palabas ng restaurant at sumakay ng taxi pauwi.

HINDI pa man nagtatagal si Jella sa pagkakaupo sa sahig ng veranda habang nakatitig sa mga gusaling natatanaw niya mula sa labas ay tumunog na ang doorbell ng unit niya. Bumuntong hininga siya at tumayo.

Nagulat siya nang makita si Derek sa labas ng kanyang pinto. "Bakit –"

"Nag-usap na tayo na tutulungan kita mag-ayos sa unit mo. Kapag nakapangako na ako at naiplano na, ayoko na hindi tinutuloy."

Naitikom niya ang mga labi sapagkat alam niyang ganoon nga ang ugali ng binata. Wala siyang nakahandang argumento. Nagkatitigan sila, parehong ayaw magpatalo. Naputol lamang iyon ng pagtunog ng intercom na nakasabit sa kusina ng condo niya.

"Baka ang delivery na iyan," sabi ni Derek.

Bumuntong hininga siya. "Pumasok ka," aniya rito bago tumalikod para sagutin ang intercom.

Ilang minuto pa ay nagsimula na iakyat ng delivery men ang mga pinamili niyang muwebles para sa condo niya. Tumulong na rin si Derek para mapabilis. Inipon muna lahat sa living room. Nang sila na lamang ulit ng binata ay nilingon siya nito. "Unahin natin ayusin ang kusina."

Nilingon niya rin ito at hindi napigilan ang pagsilay ng amused na ngiti sa kanyang mga labi. "Alam ko na iyan ang sasabihin mo. Hindi mo ako pipilitin bilhin ang mga appliances at kung anu-anong gamit sa pagluluto kung wala kang intesiyon ayusin ang kusina. Just don't make it too complicated. I'm not a chef."

"Don't worry. I am a chef," nakangiting sagot nito. Pagkatapos ay binuhat ang mga kahon na naglalaman ng mga gamit sa pagluluto at dinala sa kusina. Si Jella ay natigilan at napasunod ng tingin. Naglalaro pa rin sa isip niya ang sinabi nito. Plano ba nitong dalasan ang pagpunta sa condo niya?

Ipinilig niya ang ulo para palisin ang isiping iyon. Itinuon na lamang niya ang tingin sa mga nagkalat na kahon sa kanyang harapan, pumulot ng para sa kusina at sumunod kay Derek.

Bachelor's Pad series book 9: THE IDEAL MAN (Derek Manalili)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon