SI DIGO AT AGUT
Anim na buwan makaraang tuluyan ng isinara ang mga lagusan.
Habang papalapit sa kanyang pinapasukan ay tila nakakaramdam na ng pagod si Lito. Mahigit sampung taon na siyang guwardiya sa bankong pinapasukan at nakakaramdam na siya ng pagkabagot sa paulit-ulit na gawain sa araw-araw. Napapailing na lang siya kapag naiisip na ang ginagawa niya noong unang araw na pagpasok niya ay kagaya pa rin ng ginagawa niya ngayon makaraan ang mahigit sampung taon. Hindi nagpapalit ng security agency ang bangko at hindi rin ito basta nagpapalit ng guwardiya kaya nakatali na siya sa ganitong trabaho.
Walang asenso.
May mga pagbabago naman na nagaganap sa kanyang trabaho. Noong nagsimula siya ay siya lamang mag-isa ang guwardiya ng bangko. Pagkaraan ng ilang taon ay dumami na ang mga parokyano nito kaya dinagdagan na sila. Noong una ay ginawang dalawa silang guwardiya, isa sa loob at isa naman sa labas. Makaraang maholdap ang bangko ay dinagdagan uli sila ng isa pa.
Nagpapalitan sila ng puwesto pagkatapos ng isang linggo. Ang isa ay sa loob, ang isa ay sa labas, at ang isa naman ay roving guard kung saan paikot-ikot sa paligid ng bangko hanggang sa 2nd floor kung saan nag-oopisina ang manager.
Sa tatlong puwesto, gusto niya ang roving guard. Hindi masyadong nakakainip dahil nakakapaglakad-lakad siya at maaari siyang makipag-usap sa mga empleyado na nakakasalubong niya. May maliit din silang quarters sa likod kung saan sila kumakain kapag breaktime. Doon ay nakakaidlip siya paminsan-minsan kapag walang nakakakita.
Gusto niya rin ang puwesto sa labas. Bagaman mainit sa katanghalian, nagkakaroon siya ng extra kita kapag sa labas ang puwesto niya. Ang mga parokyano na tinutulungan niya sa pagpasok at paglabas ng mga sasakyan ng mga ito sa bangko ay nag-aabot ng pera bilang tip. May nag-aabot ng bente pesos, minsan naman sampu ngunit ang madalas ay limang piso. Mas malaki magbigay yung mga nagpapalit ng tseke at yung mga nakautang ng malaki. Iyon ang kanyang inaabangan. Kahit papaano ay nakakaipon din siya ng mahigit dalawang daang piso sa maghapon. Pandagdag din sa kanyang panggastos sa araw-araw.
Ang pinakaayaw niya ay ang puwesto sa loob ng bangko. Bukod sa maghapong nakatayo, hindi niya kaya yung napakalamig na hanging binubuga ng airconditioning unit. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang napakalamig sa loob ng bangko. Hindi niya alam kung ang mga nagtatrabaho sa loob ay mga Pilipino o taga Alaska. Pagpasok ng mga ito sa umaga, agad isasagad ang setting ng aircon, magsusuot ng jacket at magtitimpla ng mainit na kape.
Kapag sa loob ng bangko siya naka-assign ay hindi siya nawawalan ng sipon.
Napakapa si Lito sa kanyang bulsa at nakahinga siya ng maluwag ng maramdaman ang lalagyan ng tableta. Lunes ngayon at sa loob ng bangko ang puwesto niya. Siguradong magbabara na naman ang ilong niya pag-uwi niya mamaya kapag hindi siya uminom ng gamot.
Ganito na lang lagi ang paikot-ikot na takbo ng buhay niya. Sa linggong ito, sigurado siyang sasama na naman ang pakiramdam niya dahil sa loob ng bangko ang puwesto niya. Sa susunod na linggo, kikita siya ng ekstra dahil sa labas naman ang duty niya at sa susunod uli ay makakaidlip siya kahit oras ng trabaho dahil roving guard naman siya. Wala talagang asenso ang ganitong klase ng trabaho. Paulit-ulit lang ang ginagawa sa araw-araw.
Biglang naalala ni Lito ang nangyari noong naholdap ang bangko.
Dalawa pa lang silang security guard noon. Sa labas siya noon nakapuwesto at sa loob naman ang kanyang kasama na si Rolly. Hindi niya makakalimutan ang nangyari noong araw na iyon. Dalawang lalaki ang lumapit sa kanya at nagtatanong kung paano magpalit ng tseke. Habang nagpapaliwanag siya ay biglang naglabas ng patalim ang dalawa at tinutukan siya sa tagiliran.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Pakikipagsapalaran
AdventureItutuloy mo pa ba kung ang inyong pagmamahalan ay tuluyan ng nahadlangan ? Itutuloy mo pa ba kung ang kasama mo mula noong simula ay wala ng maalala sa mga nangyari? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran sa ngalan ng pag-ibig at pagkakaibigan. Ito...