SI ITOY AT SI DASIG
Pagpasok pa lang sa loob ng silid-pulungan ay halos nararamdaman na ng tatlo ang galit ng mga naroon. Bagamat wala pang nagsasalita ay makikita na sa mukha ng mga pinuno ang matinding pagka dismaya sa kanilang ginawa.
" Simulan na ang pagtatanong," utos ni Falcon, " at dahil ako ang ama ng isa sa mga sinasabing lumabag sa ating batas, hindi ako makikialam sa inyong pagtatanong. Ang hatol sa kanilang ginawa ay manggagaling sa ibang pinuno at hindi ko ito pakikialaman."
Sumenyas ito kay Bukaw na magsimula na.
" Ipinaalam sa Pamunuan na sinubukan ninyong tatlo na gumawa ng lagusan palabas sa mundo ng mga tao," simula ni Bukaw. " Alam ninyong mahigpit na ipinagbabawal ang ginawa ninyo. Ito ay isang paglabag sa batas na napagkasunduan ng Pamunuan. Totoo bang ginawa ninyong tatlo ang paglabag na ito?"
" Hindi po totoo na nilabag naming tatlo ang batas," mabilis na sagot ni Pitta, " Ako lamang po ang gumawa ng paglabag. Walang kinalaman sina Danara at Agape sa aking ginawa."
" Danara, Agape, totoo ba ang sinasabi ni Pitta?"tanong ni Kilyawan, isa sa mga kasapi ng Pamunuan.
"Opo," halos sabay na sagot ng dalawa.
Bago pa lang pumasok ang tatlo sa silid-pulungan ay napag-usapan na nila ito. Ayaw man nila na akuin ni Pitta ang pagkakasala, napilitan din silang sundin ang kagustuhan nito.
" Alam ninyong maaari naming makita muli ang mga nangyari," sabat ni Gaeth," at ang pagsisinungaling sa Pamunuan ay nangangahulugan ng pagpataw ng dagdag na parusa."
" Hindi ako nagsisinungaling, " sagot ni Pitta, " Kung tumulong man sila sa akin, hindi dahil gusto nilang tumulong. Napilitan lamang sila ng iniutos ko na gawin nila iyon. "
" Ang paglabag sa isang batas, nais mo man ito gawin o hindi, ay isa pa ring paglabag," sagot ni Gaeth, " wala akong nakikitang pagkakaiba sa dalawa."
" Sa tingin ko , ito ay magkaiba," sabat ni Alsandair, na siya na ngayong kumakatawan sa Lahing Kataw, " Ang paglabag sa isang batas ,sa sarili mong kagustuhan ay malaki ang pagkakaiba sa paglabag kung saan ikaw ay sumusunod lamang sa utos ng iba, lalo na kung ang pagtanggi mo sa utos ay maglalagay sa iyo sa balag ng alanganin."
" Ngunit si Pitta ay kaibigang matalik ni Danara," sagot ni Gaeth, " hindi naman niya siguro sasaktan nito dahil lamang sa hindi pagsunod sa kanyang utos."
" Si Danara, bagamat isang Arbore, ay kinupkop ni Pitta mula ng mawala na ang kapatid nito," sagot ni Alsandair, "Mahirap para sa kanya ang tumanggi kapag si Pitta na ang nag-utos. Ganun din ang sitwasyon ni Agape. Hindi siya maaaring tumanggi kay Pitta na anak ng kanilang pinuno."
Sandaling nag-usap ang mga pinuno habang si Falcon ay nanatiling nakatayo lamang sa isantabi at hinayaan ang mga kasama na mag desisyon para sa kanyang anak.
Sinulyapan ni Danara si Pitta. Alam niyang anuman ang maging desisyon ng Pamunuan, isama man sila ni Agape sa parusa o hindi, si Pitta pa rin ang magkakaroon ng pinakamabigat na parusa ngunit tila hindi ito alintana ni Pitta. Nakatitig ito sa kawalan at nagsisimulang tumulo ang luha sa mga mata. Hindi maiwasan ni Danara ang maawa sa kaibigan. Ngayon lang niya nakitang ganito ito kalungkot.
Bagamat nasa harap ng mga pinuno, wala doon ang isipan ni Pitta. Parang hindi niya matanggap na hindi na sila magkikita ni Joshua kailanman. Hindi sumagi sa kanyang isipan na darating ang pagkakataong ito. Noong huli silang nagkita ay masaya pa siya bagamat alam nilang isasara ang lagusan. Inisip nila noon na kaya nilang lumabas sa lagusan kapag gugustuhin niya.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Pakikipagsapalaran
AdventureItutuloy mo pa ba kung ang inyong pagmamahalan ay tuluyan ng nahadlangan ? Itutuloy mo pa ba kung ang kasama mo mula noong simula ay wala ng maalala sa mga nangyari? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran sa ngalan ng pag-ibig at pagkakaibigan. Ito...