KAPARUSAHAN
Nagtalsikan ang mga pira-pirasong katawan ng mga Layhu ng magsimulang pakawalan ni Joshua ang kanyang mga palasong may dalugdug.
"Tatlo-tatlo ang palasong pinakakawalan niya ng sabay-sabay," sambit ni Kaluiy," walang laban ang mga kalahi nating nauunang sumugod. Kailangan na nating gumamit ng sandata."
"Mapapagod din 'yan," sagot ni Laipan," Huwag muna ngayon. Lubhang malayo pa tayo sa kanya at baka tamaan siya sa ulo o sa puso. Dagliang kamatayan ang mangyayari at ayaw ko ng ganoong kamatayan para kay Lagalag. Nais ko ay pahirapan muna siya bago putulin ang kanyang ulo."
" Ngunit marami sa atin ang mapapaslang bago mangyari ang sinasabi mo," sagot ni Kaluiy," Isang palaso na may dalugdug ay kayang kumitil ng dalawa o tatlong Layhu. Kapag ganyang gumagamit siya ng tatlong palaso ng sabay-sabay, kulang sa sampu ang namamatay bawat pagsugod nila."
"Ang sampung sinasabi mo ay dadagdag sa mga bangkay sa daanan at dahil dito, pasikip ng pasikip ang lugar na kanyang kinalalagyan. Sandali na lang at abot kamay na natin siya. Saka tayo gagamit ng sandata, ngunit gaya ng sinabi ko, ako lang ang papaslang sa kanya."
" Ngunit malaki ang mababawas sa ating lahi bago mangyari ang sinasabi mo," katwiran ni Kaluiy," alalahanin mo, Aradayon ang sandata niya at hindi mauubos. Bakit hindi natin akyatin ang bugtong-bato at gawin ang ginawa ko kanina sa puno? Kapag tinalon na namin siya at naging malapitan na ang laban, hindi na niya magagamit ang palasong may dalugdug at madali na kayong makakalapit."
Biglang nagliwanag ang mukha ni Laipan sa narinig. Maganda ang naisip ni Kaluiy. Kapag umakyat nga sa bato ang ilan sa kanila at tumalon mula sa itaas patungo kay Lagalag, magiging abala ito sa malapitang labanan. Malaya silang makakalapit dito ng walang kahirap-hirap.
" Ituloy mo ang binabalak mo at ako naman ang bahala dito sa ibaba," sabi niLaipan kay Kaluiy. " Ngunit sabihin mo sa mga kasama mo na huwag nilang paslangin si Lagalag. Sa aking mga kamay lang siya dapat mapaslang."
"Masusunod," sagot ni Kaluiy.
Mabilis na tinawag ni Kaluiy ang ilang mga kasama upang gawin ang kanilang plano. Siya man ay nagngingitngit kay Lagalag dahil sa ginawa nito kay Kalipan at ang ginawa nitong paggapos sa kanya sa sanga ng puno.
" Kapag ako ang nakahuli kay Lagalag, hindi mo na siya aabutang buhay, Laipan," sambit ni Kaluiy.
Nagsimula silang umakyat sa magkabilang gilid ng bato kasama ang ilan sa mga Layhu.
Habang abala sa pagpana, napansin ni Joshua ang pag-akyat ng ilan sa mga Layhu sa gilid ng bato. Bagamat imposible sa isang tao ang umakyat dito dahil sa tarik nito, madali lang ito gawin ng mga Layhu dahil sa haba ng kanilang katawan at dami ng kanilang mga paa at kamay.
Alam ng binata na ilang sandali na lang at mararating ng mga Layhu ang itaas ng bato na nasa kanyang likuran at kapag nangyari ito, masusukol na siya ng husto.
Maaaring tumalon ang mga ito mulasa itaas ng bato at sa kanya babagsak.
Wala na siyang maaaring puntahan upang makaiwas dahil ang tanging daan palabas sa lugar na iyon ay nahaharangan na rin ng mga Layhu.
Muli niyang hinipan ang Padarit, ang tanging bagay na makakatulong sa kanya. Pangatlong beses na niya itong ginawa ngunit hanggang ngayon ay walang tulong ma dumarating. Maaaring hindi nakalabas sa lagusan si Alsandair at marinig man nito ang paghingi niya ng tulong, wala din itong magagawa.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Pakikipagsapalaran
AbenteuerItutuloy mo pa ba kung ang inyong pagmamahalan ay tuluyan ng nahadlangan ? Itutuloy mo pa ba kung ang kasama mo mula noong simula ay wala ng maalala sa mga nangyari? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran sa ngalan ng pag-ibig at pagkakaibigan. Ito...