DATING TAGAPAGLIGTAS
Unti-unting iminulat ni Joshua ang mga mata at pinakiramdaman ang paligid. Tila nasa loob siya ng isang kuweba na malapit sa ilog. Naririnig niya ang lagaslas ng tubig sa labas ng kanyang kinaroroonan.
Ang huli niyang naaalala, tinamaan siya ng bato sa ulo at nagdilim ang kanyang paningin.Namalayan na lang niya na nasa ilalim na siya ng tubig ngunit nanghihina pa rin siya. Tinangka niyang kumampay paitaas ngunit pakiramdam niya ay umiikot ang tubig at hinihigop siya patungo sa ilalim.
Tuluyan na siyang nawalan ng malay at hindi na alam kung ano ang mga nangyari.
Hinawakan niya ang kanyang ulo at nasalat niyang may nakapatong sa kanyang sugat.
" Halamang gamot 'yan, upang mapabilis ang paghilom ng iyong sugat."
Napalingon ang binata ng marinig ang pamilyar na boses.
Si Alsandair!
Hindi napigilan ng binata ang mapatayo ng makita angn kaibigang Kataw.
Mabilis namang lumapit si Alsandair upang alalayan ang binata.
"Huwag mo munang piliting tumayo. Hindi pa gaanong naghihilom ang iyong sugat." sabi nito sa binata.
"Kumusta ka na?" tanong ni Joshua, " Paano ka nakalabas?"
" Naatasan akong siyasatin ang isang paglabag na ginawa ng isa sa mga engkantado na narito ngayon sa inyong mundo," sagot ni Alsandair, " Ikaw, bakit ka narito sa Talisay? "
Ikinuwento ng binata ang tangkang pagpatay sa kanya at ang pagkawala ni Angelo pati na ang mga nakalaban niya.
" Nakita ko sila kanina habang naglalaban kayo," sabi ni Alsandair," dangan lamang at hindi ako maaaring tumulong sa iyo sa pakikipaglaban. Nakita ko lang na nahulog ka sa tubig kaya nagawa kong tumulong ng hindi nila nahahalata."
" Salamat," sagot ni Joshua, " Sinubukan kong lumangoy paitaas ngunit naramdaman kong may humahatak sa akin pababa."
"Kung nakaahon ka ay malamang napaslang ka nila," sagot ni Alsandair, " Nakaabang silang tatlo sa iyong pag-ahon. Maaari ko silang lunurin sa tubig habang naroon sila sa ilog ngunit ang tangi ko lang sadya ay alamin kung napaslang nga ang tagapagsanay at kung may kaugnayan siya sa Arbore na naging tao. Hindi ako pinahihintulutang makialam sa mga nangyayari sa inyong mundo."
" Kaya pala may napansin akong lumitaw na dahon ng Kratagus," sabi ni Joshua, " Ikaw pala 'yung lumabas ng lagusan. Noong huli ko itong nakita ay isa na itong tuod."
" Tama ka," pag sang-ayon ni Alsandair, " ngunit ang dahon ng Kratagus ang pinagmulan ng aming pagsisiyasat. Kung napansin mo, may mga lumang dahon na tumubo sa sanga nito. Iniulat ito ng isang Arbore na dating kasamahan ni Tarik."
Ikinuwento ni Alsandair ang kung ano ang kanilang natuklasan sa Patunay kaya napagpasyahan ng Pamunuan na siyasati ang totoong nangyari nang araw na iyon.
" Ibig sabihin, ang mga nakalaban ko kanina ang nakapagpalitaw ng mga dahon ng Kratagus?" tanong ni Joshua.
"Hindi sila," sagot ni Alsandair, " Lubhang malayo ang lugar kung saan sila nagsasanay at isa pa, ang kanilang kakayahan ay hindi sapat para lumitaw ang mga dahon ng Kratagus. Tanging kapangyarihan mula sa isang engkantado ang makakapagpalitaw nito."
" May iba pang engkantado dito sa labas?"
" Ang hinahanap ko ngayon ay ang dating Tagapagsanay," sagot ni Alsandair ," at wala siya dito sa gubat kaya hindi siya ang sanhi ng pagsibol ng mga dahon. Sa aking palagay, ang mga naunang dahon na sumibol ay nagmula sa kapangyarihan ni Pitta ng tangkain niyang buksan ang lagusan."
BINABASA MO ANG
Ang Huling Pakikipagsapalaran
AdventureItutuloy mo pa ba kung ang inyong pagmamahalan ay tuluyan ng nahadlangan ? Itutuloy mo pa ba kung ang kasama mo mula noong simula ay wala ng maalala sa mga nangyari? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran sa ngalan ng pag-ibig at pagkakaibigan. Ito...