Chapter 3

5.1K 324 41
                                    

                                                                            ANG KATUPARAN NG PLANO

                 Maagang umalis sa kanilang teritoryo ang mga engkantadong inatasang sunduin ang mga Sabadan. Malinaw ang utos ng mga pinuno.

Tanggalan ng kapangyarihan ang mga hindi sasama at lipulin ang mga manlalaban.

Kasama sa mga inatasan si Tarik.

Paglabas nila sa lagusan ay agad na kinausap ni Tarik ang kanyang mga kasama.

" Ako na ang pupunta sa gawi dito. Kayo na sa kabila. Magkita-kita na lang tayo dito mamaya pagbalik."

" Sigurado ka ba Tarik?" tanong ng kanyang kasama, " Mas maraming Sabadan diyan. Dito ay kakaunti lamang."

" Marami nga ngunit mahihina naman sila," sagot ni Tarik, " samantalang diyan sa kabila ay mga Sabadan na malalakas ang kapangyarihan ang makakasagupa ninyo. Kung sakaling manlaban sila, kailangan ninyong magtulong-tulong."

"Bakit hindi ka na lang sumama sa amin," mungkahi ng isa pa, " pagkatapos ay balikan na lang natin ang mga Sabadan diyan ."

" Mas mahirap ang sinasabi mo," sagot ni Tarik, "Kapag pinuntahan natin yung mga nandito habang  kasama ang mga bihag galing sa kabila, baka makakita sila ng pagkakataon na lumaban kapag nakitang marami sila. Alam mo namang hindi tayo maaaring basta na lang maglabas ng kapangyarihan dito sa mundo ng mga mababang-uri. Mas mabuti na yung sa loob na ng lagusan tayo magkita-kita. Hindi sila lalaban kapag nasa loob na ng lagusan."

" Tama si Tarik, " sang-ayon ng isa, " Malaking gulo kapag naisipan ng mga Sabadan na lumaban kapag marami sila. Ganito na lang ang gagawin natin. May maiiwan dito sa lagusan para magbantay. Kung sino man ang naunang natapos, maaari niyang dalhin ang mga Sabadan dito at iwan sa mga bantay, pagkatapos ay maaari silang bumalik para tumulong sa iba."

" Sang-ayon ako diyan," sagot ni Tarik, " Kapag natapos agad ako dito ay tutulong ako sa inyo."

" Pag-usapan ninyong mabuti ang gagawin ninyo," sabi ng isang boses mula sa likuran, " Siguruhin ninyong walang maiiwang Sabadan kundi ay kayo ang mananagot sa Pamunuan."

Napatingin ang lahat sa nagsalita.

Si Bugnay, isa sa mga namumuno sa mga mandirigma.

" Ako mismo ang tutungo sa mga lugar na pupuntahan ninyo upang alamin kung maayos ninyong nagawa ang dapat ninyong gawin. Malalaman ko kung may Sabadan na maiiwan kaya dapat ay pagbutihin ninyo. Ayokong mapahiya sa Pamunuan."

"Huwag kang mag-alala, Bugnay, " sagot ng isa sa mga mandirigma, " Hindi ka mapapahiya ng dahil sa amin."

"Mabuti naman kung ganoon."

Matapos magkasundo sa kanilang gagawin ay nagmamadaling umalis na ang mga engkantado. Siniguro pa ni Tarik na walang sumusunod sa kanya  at mabilis na lumihis sa kanyang dinaraanan. Sa halip na magtungo sa kanilang pakay ay pumasok ito sa isang abandonadong bahay. 

Dumiretso ito sa loob ng isang lumang palikuran. 

Sa loob ng palikuran, bukod sa giray-giray na kisame at dingding nito, basag na rin ang inidoro. Sinipa ni Tarik ito hanggang sa tuluyang matanggal at tumambad sa kanya ang isang malaking butas.  Hindi lamang ito isang pangkaraniwang butas,

Isa itong lihim na lagusan na ginawa ng mga laman-lupa.

"Narito na ako!," malakas na sabi ni Tarik habang nakatingin sa butas.

Ilang saglit lang ay sumungaw  ang dalawang kamay na nangunyapit sa gilid ng butas. Dalawang kamay pa uli ang lumabas at sinundan ng dalawa pa uli.

Ang Huling PakikipagsapalaranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon