Chapter 30

3.4K 264 122
                                    

                                                                                        "SUCCESS!"

Natuwa si Pitta ng marinig ang balita mula kay Agape.

" Nakita na ng mga ibong inutusan ko si Kabug," sabi ng engkantada," Tutungo siya sa mundo ng mga lamanlupa upang tumulog kay Lagalag."

" Sana ay hindi siya mahuli," sagot ni Danara,"Lubhang mapanganib sa mundo ng mga lamanlupa. Kahit si Lagalag na may sandatang Biskano at bihasa sa pakikipaglaban ay hindi kakayanin ang mga lamanlupa at maligno sa lugar na iyon."

" Dinadaan nila sa dami ang pakikipaglaban," sagot ni Pitta," sana nga ay walang nangyaring masama kay Lagalag."

"Pitta!"

Napalingon ang tatlo ng marinig na may tumatawag mula sa likuran.

Si Alsandair.

" Nakabalik na si Kilyawan at magkakaroon ng pulong sa anumang sandali." 

" Kung gano'n ay halika na para marinig natin ang kanilang sasabihin," yaya ni Danara kay Pitta.

"Naririnig ninyo ang pulong?" halos magkasabay na tanong nina Agape at Alsandair sa dalawa.

"Ahhh.. hindi, hindi," pagtanggi ni Danara," ang ibig kong sabihin, maririnig namin ang inyong sasabihin pagkatapos ng pulong. Mag-aantabay kami sa labas ng silid-pulungan."

Napatingin si Alsandair kay Pitta at natawa ito ng makita ang hindi mapigilang pamumula ng mukha nito.

" Hindi na kita pipiliting magsalita," natatawang sabi nito," nakikita sa iyong mukha ang sagot."

"Pitta naman," reklamo ni Danara,"hindi ka nga nagsalita, ibinunyag mo naman ang lihim natin."

" Kung anuman ang kalabasan ng pulong, kailangang maging handa tayo," seryosong sabi ni Alsandair," kailangan ng tulong ni Lagalag upang hindi tuluyang mawala sa katinuan sina Angelo at Paula."

" Iyon din ang nasa isip ko," sagot ni Pitta," kung hindi papayag na buksan ang lagusan, maaaring tuluyang mapahamak sina Angelo at Paula."

" Hindi ako makakapayag!," galit na sabi ni Danara," Kahit parusahan nila ako ay pipilitin kong makalabas ng lagusan kapag hindi nila iyon binuksan."

" Huwag ninyong gagawin ang bagay na iyon," paalala ni Alsandair," Mapapahamak lang kayo at lalong hindi makakatulong. Lubhang napakalakas ng kapangyarihan na nakapaloob sa pagsasara ng lagusan. Kaming mga nasa Pamunuan lamang ang makakapagbukas nito."

" Maaari mo ba kaming tulungan?" tanong ni Pitta," may paraan ba upang mabuksan ang lagusan ng kagaya namin?"

Tumingin sa paligid si Alsandair upang tiyaking walang nakakarinig sa kanila.

" Ang lagusan ay hindi mabubuksan ngunit may bahagi ang harang na maaaring sirain," sabi ni Alsandair," Ito ay yaong bahagi na dinadaanan ng mga hayop. Hindi kasinlakas ang kapangyarihan na inilagay dito upang hindi mapahamak ang mga hayop. Ganunpaman, lubhang mapanganib pa rin ito kapag engkantado ang dumaan."

" Ibig sabihin, nasa bandang itaas ang mahinag parte ng harang," sabi ni Pitta,"Doon dumadaan ang mga ibon."

"Depende sa hayop na dadaan at kailangan alam mo kung saan eksaktong daanan," sagot ni Alsandair,"doon mahina ang harang."

"Alam ko kung saan dumadaan ang mga ibon," sabat ni Agape.

" Bakit hindi mo sinabi agad?"sabi ni Danara," puntahan na natin ngayon!"

" Huwag kayong magpadalos-dalos," payo ni Alsandair," kapag hindi kayo nagtagumpay, tuluyan na kayong hindi makakalabas kailanman. Kailangan nating pag-isipang mabuti ang gagawin. Isa pa, hintayin muna nating matapos ang pulong at kung ano ang kalalabasan nito."

Ang Huling PakikipagsapalaranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon